JERRY OLEA
Maringal ang 8th EDDYS Awards ng Society of Philippine Entertainment Editors (SPEEd) nitong Hulyo 20, 2025, Linggo ng gabi, sa Ceremonial Hall ng Marriott Grand Ballroom, Newport World Resorts, Pasay City.
Pinasimulan iyon ng In Memoriam segment kung saan umawit si Erik Santos ng "Lupa."
Ang production numbers ng iba pang mang-aawit ay pagpupugay sa mga kilalang personalidad na yumao.
Read: Janus del Prado to Awra: "You are hurting the gay community."
Umawit si Jackie Lou Blanco ng "Kapantay Ay Langit" para sa inang si Pilita Corrales.
Kinanta ni Arman Ferrer ang "Tanging Yaman" para kay Gloria Romero.
"Handog" ang awit ni Carla Guevara-Laforteza para kay Manay Lolit Solis.
Naggitara at kumanta si Ice Seguerra ng "Walang Hanggang Paalam" para kay Mother Lily Monteverde. Lumagaslas ang luha ng daughter ni Mother Lily na si Roselle Monteverde sa pagpupugay na ito.
Umawit si Kuh Ledesma ng "Paano Kita Mapasasalamatan" para kay National Artist Nora Aunor. Sa pagtatapos ng awit ay nag-bend ng knee at yumuko si Kuh.
NATIONAL ARTISTS AND ICONS
Present sa 8th EDDYS ang dalawang buhay na National Artist for Film and Broadcast Arts na sina Ricky Lee at Kidlat Tahimik.
Presenter si Sir Ricky, kasama si Lorna Tolentino, para sa Icons honorees kung saan kabilang si Kidlat Tahimik.
Ang iba pang Icons na pinarangalan that night ay sina Laurice Guillen, Pen Medina, Odette Khan, Perla Bautista, at ang mag-asawang Eddie Mesa at Rosemarie Gil.
Masama ang pakiramdam nina Perla, Eddie, at Rosemarie kaya hindi sila nakadalo.
Ang tumanggap ng trophy ni Perla ay si Renz Spangler, samantalang ang tumanggap ng trophy nina Eddie at Rosemarie ay ang mga apo nilang sina Sid Lucero at Max Eigenmann.
Read: Emil Sumangil prays for protection: “Iligtas mo ako sa banta’t peligrong dala ng aking trabaho.”

ODETTE KHAN: EARLIEST BIRD
Earliest bird sa 8th EDDYS si Odette Khan na galing-San Pedro, Laguna. Siya ang unang rumampa sa Red Carpet, kung saan hosts sina Alexa Miro at Mr. Fu.
Mag-uumpisa na ang awards ceremony nang magkakasunod na dumating sina Alden Richards, Marian Rivera, at Ruru Madrid.
Wish ni Odette na makapagpa-picture kay Ruru. Bilib na bilib si Odette kay Ruru sa husay nito sa Kapuso primetime series na Lolong.
“Idol ko si Ruru! Ang galing-galing niya!” bulalas ng 79-anyos na character actress.
For sure, masaya si Odette sa pagkapanalo ni Ruru bilang best supporting actor para sa Green Bones, katabla si Aga Muhlach para sa Uninvited.
Read: Manny Pacquiao's ring comeback against Mario Barrios ends in draw
8TH EDDYS AWARDEES
Big winner sa 8th EDDYS ang Green Bones na prinodyus ng GMA Pictures, GMA Public Affairs, at Brightburn Entertainment.
Wagi ito sa mga kategoryang best picture, best director (Zig Dulay), best actor (Dennis Trillo), best supporting actor (Ruru Madrid), at best cinematography (Neil Daza).
Ang best actress ay si Marian Rivera para sa Balota na prinodyus ng GMA Pictures.
Producer of the year ang GMA Pictures.


Pinarangalan din sa 8th EDDYS ang Box Office Heroes — Kathryn Bernardo at Alden Richards para sa Hello, Love, Again; Vice Ganda para sa And The Breadwinner Is…; Joshua Garcia at Julia Barretto para sa Un/Happy For You; Dennis Trillo at Ruru Madrid para sa Green Bones; at Vic Sotto at Piolo Pascual para sa The Kingdom.
E, di ba, co-producer ang GMA Pictures sa Hello, Love, Again na pinagbidahan ng KathDen?
Read: Will Ashley addresses real score with Bianca de Vera




Ang best supporting actress sa 8th EDDYS ay si Lorna Tolentino para sa Espantaho.

Nakuha rin ng Espantaho ang award para sa best visual effects (Gaspar Mangarin, Walter Monte).
Ipinagkaloob ang best musical score kay Vince de Jesus para sa Isang Himala, ang best production design kay Nestor Abrogena para sa The Kingdom, at ang best screenplay kay Vicente Groyon para sa Under a Piaya Moon.
Best sound ang Topakk, kung saan credited sina Jhon Eric Mancera, Donald Ilagan, Gerald Guardiano, Melvin Rivera, Albert Michael Idioma, Jannina Mikaella Minglanilla, at Andrea Teresa Idioma.
Dalawa ang tropeyo ng My Future You — best editing for Vanessa Ubas de Leon, at best theme song for "Museo."
May special awards din para sa Nathan Studios (Rising Producer Circle Award), at para kina Ogie Diaz (Joe Quirino Award), RS Francisco (Isah V. Red Award), at Crispina Belen (Manny Pichel Award).
Nagkaloob ng cash prizes ang Playtime para sa Top 4 awards na best picture, best director, best actor, at best actress, ganoon din para sa Icons.
Hosts ng 8th EDDYS sina Darren Espanto, Kyline Alcantara, Kaila Estrada, at Alexa Ilacad.
Ang mga tropeyo ay likha ni Leandro Baldemor.
Read: Red Uncle scandal sa China, binulabog ang buong mundo

GORGY RULA
Sa opening remarks ng SPEEd President na si Salve Asis, inihalintulad niya sa buhay natin sa lipunan ang mga pelikulang Pilipino.
Bahagi ng kanyang talumpati: “Lagi kong inaalala na ‘May pananagutan ang pelikula sa lipunan’ — na sinabi ni National Artist for Film and Broadcast Arts, Lino Brocka. Words that stay true up to this day.
“Films have a responsibility to society — they mirror our struggles, our hopes, our values, our truths. They tell our stories. Stories that are told through the eyes of the characters we see on screen. Ito ay sa kabila ng pagbabago ng sistema sa panonood ng pelikula.”

Inihalintulad niya ito sa mga karakter ng anim na pelikulang nominado sa Best Picture.
Ang pagmamahalan nina Ethan (Alden Richards) at Joy (Kathryn Bernardo) ng Hello, Love, Again.
Ang paghahanap ni Xavier (Dennis Trillo) ng Green Bones.
Ang pagkapit ng pananampalataya ni Elsa (Aicelle Santos) ng Isang Himala.
Ang pakikipaglaban nina Ayla (Jane Oineza) at Paolo (RK Bagatsing) sa pagpalaki ng anak nila sa Love Child.
Ang pagpapakita ng mundo sa ibang perspektibo ng horror film na Outside nina Sid Lucero at Beauty Gonzalez.
At ang kahalagahan ng pagmamahal sa pamilya at ang pagpapatuloy ng legacy sa Under a Piaya Moon.
Binigyang-halaga rin ng SPEEd ang mga beteranong bahagi ng industriya sa kanilang pamamahagi ng Icons Awards, at pagpaparangal sa mga pelikulang kumita sa takilya noong nakaraang taon.
Read: Is Carla Abellana off the market? Subtle post says maybe
LORNA TOLENTINO
Star-studded ang naturang parangal, at mabuti present naman ang halos lahat ng winners.
Si Lorna Tolentino ang sobrang nagulat sa pagkapanalo niya as Best Supporting Actress dahil wala raw talaga sa isip niyang siya ang mananalo.
Ang dami raw niya tuloy na-miss na pasalamatan.
“Si Direk Chito Roño nga, nakalimutan ko! Hindi ko man lang na-offer kay Nay Lolit,” bulalas ni Lorna.

MARIAN RIVERA
Malamig ang kamay ng best actress na si Marian Rivera nang nahawakan ko ito.
Nagpapasalamat siyang nabigyan ng pagkakataong pasalamatan ang mga guro dahil isang guro ang ginampanan niya sa pelikulang Balota.
Bahagi ng kanyang acceptance speech: “Habang ginagawa ko kasi ang Balota marami akong realization sa buhay ko na eto pala ang hinahanap ng espiritu ko, ng kaluluwa ko. Na eto pala ang pelikula na hindi ko iniisip yung itsura ko. Aarte lang ako nang naayos sa emosyon, at mga eksenang dapat kong gampanan.
“Yung mga titser talaga, pagbuwis lang ng buhay para bantayan yung mga boto ng bayan, ibang klase talaga yung ginagawa nilang trabaho at hindi madali para sa kanila.
“Kaya naman ngayong gabing ito, nais kong ibahagi yung tropeyong ito sa lahat ng guro na hindi lang dahil sa pagbabantay ng mga balota o pagboto natin, kundi sa araw-araw na pagtuturo sa mga estudyante. Walang sawa na nagiging pangalawang magulang ng mga estudyante.”
Read: Klea Pineda reveals breakup with Katrice Kierulf

Magkakaroon ng delayed telecast ang 8th EDDYS sa Kapamilya Channel, Jeepney TV, at may worldwide streaming sa iWantTFC sa Hulyo 27, Linggo.
Co-presenters sa 8th EDDYS ang Newport World Resorts at ABS-CBN sa ilalim ng production ng Brightlight Entertainment, sa direksyon ni Eric Quizon.
Major presenter ang Playtime PH sa pakikipagtulungan ng Globe at Unilab.
NOEL FERRER
In fairness sa 8th EDDYS, maayos ang naging pagtatanghal nila.
Salamat sa mga tao sa likod at sa harap ng camera na nangasiwa ng parangal. Yun na lang muna.
Marami pang ibang magbibigay ng parangal para sa pelikula, pero tulad ng nangyayari sa lipunan, sana ang mga ganitong gawain ay pagpapalalim ng ating pang-unawa sa kahusayan at pagpapalaganap pa ng higit na film education sa ating lahat.
At sa huli, sana makapagtulay pa tayo ng tamang values na dala-dala natin habang nina-navigate kung paano ba pasisiglahin muli ang industriya ng pelikulang Pilipino na ngayo’y humihingi ng matinding suporta.
Read: When Life Gives You Tangerines wins Daesang at Blue Dragon Series Awards 2025
