GORGY RULA
Magkakaklase si Cong. Lani Mercado-Revilla at mga anak niyang nasa Kongreso rin na sina Cong. Bryan at Jolo Revilla sa kursong Governance sa De La Salle Dasmariñas, Cavite.
Si Cong. Lani ang representative ng 2nd district ng Cavite. Dati siyang alkalde ng Bacoor.
Ang panganay niyang anak na si Bryan Revilla ay 1st nominee ng Agimat Partylist, at si Jolo naman ang Representative ng 1st district ng Cavite.
Isang taon at kalahati raw nilang pag-aaralan ang naturang kurso, at ang dami na raw niyang natutunan sa first semester pa lang ng kanilang pag-aaral.
“Maraming realizations na dapat gawin,” pakli ni Cong. Lani nang sandali naming nakatsikahan sa 50th birthday party ng kaibigang Allan Diones nitong nakaraang Sabado ng gabi, Oktubre 8, sa Valencia Events Place, Quezon City.
Nagustuhan ng mag-inang Cong. Lani, Bryan at Jolo itong pinag-aralan nila sa De La Salle Dasmariñas dahil mas binabase yun sa pulitika dito sa atin at hindi yung dating pinag-aaralan sa ibang bansa.
“Iba kasi yung atake ng De La Salle Dasma. Kinukuha nila from the private sector, from legislative, kinu-combine nila for case studies,” lahad ni Cong. Lani.
“Gagawa yata sila ng case studies, ng libro. Kasi maraming case studies na nagagamit sa pagtuturo, pero ang mga examples ay galing sa ibang bansa. Hindi galing sa Pilipinas. Iba ang concerns.
“Gusto nila, dito naman sa Pilipinas yung mga case studies.”
Naniniwala si Cong. Lani na dito sa public service, at sa Legislative kunsaan naroon siya ngayon ay dapat na patuloy ang pag-aaral.
“Hindi ka dapat mag-stagnate. Naniniwala ako na kailangang nag-aaral ka, exposure mo sa iba’t ibang larangan.
“Ang professors namin from ASec ng DOF, ganundin galing din sa sector ng edukasyon. Galing sa sector ng gobyerno.
“Marami kang nadi-discover,” dagdag niyang pahayag.
JERRY OLEA
Naka-recess ngayon ang Kongreso. Natapos na ng Congress ang deliberation sa budget.
“May budget hearings ang Senate naman. Pagbukas ng Senate sa November 7, sila naman ang mag-i-scrutinize ng budget,” sambit ni Cong. Lani.
“So, sa amin sa Kongreso, pasado na. So, diyan yung amendments, baka may concerns yung mga senators. May bi-cam pa kung kinakailangan.”
Meron bang panukala ang Kongreso para sa Sining at Kultura?
Tumango si Cong. Lani, “Oo, tinulak ni Christopher de Venecia who heads the committee on Culture and Arts sa Congress.
“In place na naman yung batas, e. So kailangan talaga mapondohan at matulungan ng different Culture and Arts sectors.
“Hindi lang iyan film. Hindi lang music. May dance, visual arts, painters. Iba-ibang larangan iyan. Sa mga couturiers, may mga ganyan din iyan, e. Iba-ibang sektor.”
Sa mga nakaraang administrasyon ay hindi masyadong napahalagahan ang Arts and Culture ng bansa.
“Bibigyan iyan ng pansin lalo na ngayon na nagbubukas muli ang industries, tourism,” pananalig ni Cong. Lani.
“Plus dapat ma-value siguro ng administrasyon yung talento ng Pilipinong artista. All artists for that matter.
“Kung nakakapag-shoot ng mga pelikula sa ibang bansa, sana mas magbukas tayo ng paggawa ng mga foreign films dito sa atin.
“Maging venue tayo for collaboration for foreign and local artists na gumawa ng mga pelikula.”
NOEL FERRER
Mula sa pagiging mayor na Bacoor, Cavite, naka-adjust na ba si Ate Lani sa pagiging Congresswoman?
“Ibang calling na naman ito. Siyempre pag mayor ka, andami mong magagawa, e,” pahayag ni Ate Lani.
“Pag legislative, limited although nakikita mo yung need mo ngayon, especially now nagma-Masters ako ngayon. So, maraming realizations.”
Yun na nga yung klase ni Ate Lani tuwing Sabado, kung saan classmates niya ang mga anak na sina Bryan at Jolo.
Bakit hindi pa nila isinamang mag-aral ang bunsong si Ram na Board member ng Cavite province?
“Kaga-graduate lang ni Ram. Ngayon naman, umiikot si Ram dahil yun nga, he’s running for the presidency of the Board Members League,” tugon ni Ate Lani.
“So, para siyang senator na umiikot sa iba’t ibang probinsya.”
