JERRY OLEA
Sold out ang Beyond Gold: Songs of A Lifetime concert ni Nonoy Zuñiga noong Setyembre 5, 2025 sa Newport Performing Arts Theater, Newport World Resorts, Pasay City.
Panauhin doon ang KuhLani (Kuh Ledesma at Lani Misalucha), at ang kasamahan ni Nonoy sa OPM Hitmakers na sina Rey Valera at Marco Sison.

Nagkaroon ng repeat ang nasabing 50th anniversary concert ni Nonoy.
Ginanap iyon noong Disyembre 9, Martes, sa kaparehong venue.
Panauhin pa rin sina Lani, Rey, at Marco.
Waley na si Kuh, pero andiyan naman sina Pops Fernandez, Nina, at Dulce.
Front act sina Isha Ponti, Raymond Gorospe, Andrea Gutierrez, at Maurice.
Sold out din ito!
Read: Nonoy Zuniga Beyond Gold concert highlights and sidelights
BEYOND GOLD CONCERT THE REPEAT
Maraming pagkakapareho ang unang Beyond Gold concert, mula sa spiels at jokes, pati sa pagpapalit ni Nonoy ng costumes sa entablado with two assistants.
Aniya: “Dito na ako nagche-change costume. Kasi kung lalakad pa ako, maghihintay pa kayo nang matagal.”
Present muli sa concert ang nonagenarian na mother ni Nonoy.
Binalikan ni Nonoy ang mga awit ng kanyang ina para patulugin siya noong paslit pa siya — "Moon River," "Fascination," at "I Left My Heart in San Francisco."

Katuwang pa rin ni Nonoy ang dalawang kapatid sa pagkanta ng ‘60s medley.
Naggitara muli siya sa pag-awit ng folk songs, ka-jamming ang audience.
Ginaya muli ng “The Slowest Balladeer” ang pag-awit nina Hajji Alejandro, Anthony Castelo, at Darius Razon.
Kumukurot pa rin sa puso ang pag-perform niya ng advocacy song na "Ikaw Ay Ako Rin" kasama ang sampung estudyante ng Philippine School for the Deaf.

Siyempre, may mga segment sa orig concert na pinaikli o tinanggal. Kasi nga, yung nabawas na isang guest ay tatlo ang kapalit.
Ang ganda ng duet nina Nonoy at Dulce ng "Kung Mahawi Man Ang Ulap."
Sabi ni Nonoy: “Pag si Dulce ang kumakanta, mararamdaman ninyo ang dagundong ng boses niya! Kaya walang katapat ito sa Tawag ng Tanghalan.”
Pagsisiwalat ng Timeless Diva, 49 years na silang magkaibigan ni Nonoy.
“Aminin na natin yan… sa Senate!” natatawang sambit pa ni Dulce.
Sabi ni Nonoy, si Dulce ay muse ng composer na si George Canseco. Hudyat na iyon para sa pag-awit ni Dulce ng "Salamin ng Buhay."
Read: Zsa Zsa Padilla, isasauli ang Aliw Lifetime Achievement Award

NOEL FERRER
Ang duet naman nina Nonoy Zuñiga at Nina ay "Araw Gabi," na si Nonoy ang orig singer pero si Regine Velasquez ang nagpasikat.
Pag-intro ni Nonoy: “The next song is special, very special, because it is a wedding song which was given away as a 45, yung plaka maliit…
“Giveaway yan ng ating National Artist that starts also with the letter C, Cipriano Cayabyab. O kilalang Mr. C.”
Ang buong pangalan ni Maestro Ryan Cayabyab o Mr. C ay Raymundo Cipriano P. Cayabyab.
Dagdag ni Nonoy: “It has been revived by many other artists. But I am simply happy to say that I was the first one to record this song.
“This was 1986, pero hindi ko naman na-promote.”
Ang solo number kapagkuwan ng Asia’s Diamond Soul Siren ay ang "I Love You, Goodbye," na may mga humiyaw sa audience, “Aray! Ang sakit! Paskung-Pasko, ang sakit-sakit!”

Ang mash-up duet naman nina Nonoy at Lani Misalucha ay "Nothing’s Gonna Change" at "Starting Over Again," na sinundan ng solo spot ni Asia’s Nightingale sa kantang "Timeless."

Nagsalo naman sina Nonoy at Pops Fernandez sa pag-awit ng "Init Sa Magdamag," na sinundan ng medley ni Pops ng mga kanta ni Donna Summer.

Siyempre, may Christmas song si Nonoy, Chestnuts. At sa encore, ang pinakahuli niyang kinanta ay "Magandang Gabi."
Read: Mga dapat abangan sa GMA-7, TV5, Kapamilya Channel sa 2026
GORGY RULA
Sinuportahan ni Nonoy Zuñiga ang concert ng promising singers na sina Isha Ponti at Andrea Gutierrez, ang The Next Ones na ginanap sa Music Museum noong Sabado, December 13.
Nakasabay niyang nanood si Chad Borja.
Madalas nagpu-front act sina Ishat at Andrea sa mga concert na pino-produce ng EchoJam at Ponti Entertainment Productions.
Si Rey Valera ang nag-push na panahon nang magpa-concert silang dalawa. Nag-guest pa siya para todo na ang suporta.
Ibinigay niya ang kanta niyang "Walang Kapalit" na ini-record ni Andrea.
Si Isha naman ay ini-record ang kantang "Kung Maalaala Mo Ako."
Nagpasiklab pa si Rey sa The Next Ones concert, kung saan inubos niya ang laman ng wallet niya na ibinigay sa isa sa nanood na sumabay ng kanta sa kanya.
Tuwang-tuwa yung babaeng pinaakyat niya ng stage dahil talagang sunud-sunod na tig-one thousand ang inabot.
Tantiya ko ay halos PHP10,000 ang ibinigay bilang maagang Pamasko niya sa isa sa nanood sa naturang concert.
Marami pang mga baguhang artists na talagang may angking galing na sinusuportahan ng iconic artists kagaya nina Rey Valera at Nonoy Zuñiga.
Read: Isha Ponti at Andrea Gutierrez, bida na sa sarili nilang concert
