GORGY RULA
Habang pinag-uusapan natin kahapon ang isyung pag-alis ni Willie Revillame sa GMA-7, nakikipag-meeting naman pala ang sikat na TV host sa mag-amang dating Senador Manny Villar at Congresswoman Camille Villar.
Nung Sabado, February 5, ay ipinost ng choreographer ni Willie sa Wowowin, na si Anna Feliciano, sa kanyang Facebook account ang ilang kuha ng pagdalaw ng mag-amang Villar kay Willie sa Tagaytay.
Nasa caption ng post na ito, “Thank you former Sen. Manny Villar and Cong. Camille Villar for the visit.”
Pinag-uusapan na kaya ang paglipat ni Willie sa Advanced Media Broadcasting Systems ng dating Sen. Manny Villar?
Kinagabihan ay ipinost din ni Anna sa kanyang FB account ang statement ng GMA-7 tungkol sa pagtatapos ng kontrata ni Willie sa Kapuso network.
Sabi ni Anna sa caption ng FB post na iyon, “When something ends, something starts. Sana hindi nyo kami iwan.”
Plantsado na kaya ang programang gagawin ni Willie sa Channel 2 ng network ni Villar?
Sabi nga ng isang taong malapit kay Willie, haharap na naman daw si Willie sa panibagong crossroad ng buhay niya.
Pero kailangan na raw talagang magdesisyon ng Wowowin host.
Ngayon ay marami nang nagtatanong kung ano ang ipapalit sa timeslot na maiiwan ng Wowowin.
Totoo bang isang programa munang nanggaling sa GTV? Pero may binubuo raw na isa ring game show?
Pero tutukan daw muna natin itong huling linggo ng Wowowin ni Willie sa GMA-7.
NOEL FERRER
May mga tanong lang ako sa mga naglalabasang mga balita, baka naman may ibang nakakaalam ng sagot.
Bakit humantong sa ganitong hiwalayan ang relasyong Willie Revillame at GMA-7?
Ano ang totoong rason nito? Maraming kaibigan si Willie sa GMA-7, hindi ba nila nakayang maayos ang sitwasyon at hindi mauwi sa hiwalayan?
Yung option ba ng paglipat sa mga Villar ay kasama sa usapan o nakaamba lang bilang Plan B?
May iba pa bang mga rason tayong hindi nalalaman?
May kinalaman ba ito sa kita o pera?
Sa huling linggo ni Willie sa GMA-7, maaari ring tanungin: Nangyari na ito noon sa ABS-CBN, 'tapos sa TV5, ano kaya ang pagkakapareho o pagkakaiba ng pagtatapos ng mga relasyon ni Willie sa mga network na ito?
JERRY OLEA
Ipinost ni Manay Lolit Solis ang statement ng GMA Network tungkol kay Willie Revillame sa kanyang Instagram account ngayong Pebrero 6, Linggo ng umaga.
Pananalig ni Manay Lolit, unfair sabihin na umalis si Willie sa GMA-7. Ang totoo, hindi ni-renew ng GMA-7 ang kontrata ni Willie.
“Walang paghahabol na naganap, walang alok na ibinigay, basta end of contract, iyon na,” pagmamatwid ni Manay Lolit.
Dagdag pa niya, “Ang maliwanag, tinapos ng GMA-7 ang kontrata kay Willie at walang alok na bago, kaya hayun, kailangang maghanap ng bagong bahay ang programa niya.
“Huwag ng ibahin pa ang istorya na dahil may VILLAR kaya umalis si Willie…”
Sa kasunod na IG post ni Manay Lolit ngayon ding Sunday morning ay may artcard na nakasulat ang quote ascribed to Gautama Buddha, “Nothing is forever except change.”
Hanash pa ng 74-anyos na si Manay Lolit, “Sa showbiz talaga hindi mo malalaman kung hanggang kelan at saan ang itatagal mo…”
Aniya pa, hindi panahon ngayon ng pag-iinarte o paimportante.
“Panahon ngayon na dapat alagaan mo ang anuman meron ka dahil baka mawala agad,” sey pa ni Manay Lolit.
Maaalalang nakapag-Wowowin si Willie sa GMA-7 umpisa Mayo 10, 2015 sa tulong nina Joey de Leon at Mike Enriquez.
Ang tanong… inalagaan ba ni Willie ang relasyon niya sa Kapuso Network?
