NOEL FERRER
Sa buong taon ng pagko-cover ng PEP Troika sa mga gawaing showbiz, nais naming bigyang pagpapahalaga ang mga natatanging AKTOR na lumikha at bumuo ng karakter na nagtatak sa puso at isip natin bilang mga Pilipino.
Batid namin ang kahirapan ng paggawa ng pelikula noong nagdaang taon, pero nanaig pa rin ang mahusay na pagganap ng mga artistang ito — patunay na maaaring igpawan ang mga limitasyong materyal at gawin pa ring makasining at nakakaantig at nakakapukaw pa rin ng interes at pagmamahal itong mga magagaling nilang obra.
Read: PEP Troika’s Choice: Most Noteworthy Films of 2025
MOST NOTEWORTHY PERFORMANCES OF LEAD ACTORS IN 2025
Dalawampu’t siyam na lead actors ng 2025 Filipino films ang ikinunsidera ng PEP Troika para sa pilian kung sinu-sino ang limang may pinaka-noteworthy performance bilang lalaking bida.
Sa kaso ni Piolo Pascual, tatlong pelikula niya ang ikinunsidera — Manila’s Finest, Meet, Greet & Bye, at The Ride.
Tatlo rin ang pelikula ni Zanjoe Marudo — UnMarry, How To Get Away from My Toxic Family, at Habang Nilalamon ng Hydra Ang Kasaysayan. Pasok sa top choices ng PEP Troika ang pagganap ni Zanjoe sa dalawa.
Ang limang BEST ACTOR para sa PEP Troika last year ay sina Jericho Rosales para sa Quezon, Joshua Garcia para sa Meet, Greet & Bye, Piolo Pascual para sa Manila’s Finest, Zanjoe Marudo para sa UnMarry o How To Get Away from My Toxic Family, at Jojit Lorenzo para sa Habang Nilalamon ng Hydra Ang Kasaysayan.
Tatlo ang dark horses ng PEP Troika sa karerang ito — Carlo Aquino para sa Bar Boys: After School, Dingdong Dantes para sa Only We Know, at Vice Ganda para sa Call Me Mother.

GORGY RULA
MOST NOTEWORTHY PERFORMANCES OF LEAD ACTRESSES IN 2025
Sadyang matriarchal ang lipunan natin, kaya’t karamihan sa mga paboritong role at tema ng mga pangunahing aktres ay tungkol sa pagnananay.
Karamihan sa pinagpilian ng PEP Troika na mga natatangi at nagtatak na mga papel na ginampanan ng mga pangunahing aktres ay iba’t ibang paglalarawan, pagkilala at pagpapahalaga sa mga mahal nating nanay.
Dalawampu’t apat na lead actress ng 2025 Filipino films ang ikinunsidera ng PEP Troika para sa pilian kung sinu-sino ang limang may pinaka-noteworthy performance bilang babaeng bida.
Ang limang BEST ACTRESS para sa PEP Troika last year ay sina Maris Racal para sa Sunshine, Angelica Panganiban para sa UnMarry, Barbie Forteza para sa Kontrabida Academy, Mylene Dizon para sa Habang Nilalamon ng Hydra ang Kasaysayan, at Krystel Go para sa I’mPerfect.
Tatlo rin ang dark horses ng PEP Troika sa tagisang ito — Kaye Abad para sa ConMom, Jodi Sta. Maria para sa Untold, at Iza Calzado para sa The Caretakers.
Read: Meet the newbies and young standouts of MMFF 2025

JERRY OLEA
“There are no small roles, only small actors.”
Famous quote iyan ng Russian actor and theater director na si Konstantin Stanislavski (1863-1938), ang ama ng modern acting.
Binanggit ni Janice de Belen ang quotation na iyan sa mediacon ng MMFF 2025 official entry na I’mPerfect noong Disyembre 14, Linggo, sa Gateway Cineplex 18, Cubao, Quezon City.
Na-nominate si Janice na best supporting actress sa MMFF 2025 para sa nasabing pagganap. Ang nagwagi ay si Odette Khan para sa Bar Boys: After School.
May mga nagsasabi na kung tutuusin, lead actress si Odette sa naturang movie.
Puwede ring ikunsiderang lead actor si Will Ashley sa Bar Boys: After School, pero ang performance niya roon ay sa best supporting actor inilagay.
Ang nagwaging best supporting actor ng 51st MMFF ay si Tom Rodriguez para sa UnMarry.
Kabilang sa kalaban ni Tom ang co-star na si Zac Sibug, na 14 years old na kaya ligwak sa kategoryang best child performer ng MMFF 2025.
LEAD OR SUPPORTING ROLE?
Memorable sa atin ang pagiging best actor ni Herbert Bautista sa MMFF 1984 para sa papel niya sa “Mananggal” episode ng OG na Shake, Rattle & Roll. Maikli iyon, pero siya ang napili ng mga hurado.
Maikli rin ang papel ni Charito Solis bilang narrator sa MMFF 1983 entry na Karnal, pero kinilala siyang best supporting actress sa Gawad Urian at FAP.
Ang MMFF 1983 best supporting actress ay si Alicia Alonzo para sa Bago Kumalat Ang Kamandag.
Sa MMFF 1999, ang best actress ay si Elizabeth Oropesa para sa Bulaklak ng Maynila, at ang best supporting actress ay si Angelu de Leon for the same movie.
Sa promo ay si Angelu ang ibinentang bida sa nasabing movie, ngunit sa gabi ng parangal ay ipinuwesto siya sa supporting category.
Sa 47th Gawad Urian noong Hunyo 2024, para sa pelikulang The Gospel of the Beast ay nominadong best actor si Jansen Magpusao, at nagwaging best supporting actor si Ronnie Lazaro.
Sa 6th Sinag Maynila filmfest noong Setyembre 2024, para sa The Gospel of the Beast ay itinanghal na best actor si Ronnie Lazaro, at best supporting actor si Jansen Magpusao.
Sa MMFF 2024 Awards Night, para sa Green Bones ay itinanghal na best actor si Dennis Trillo, at best supporting actor si Ruru Madrid.
Sa mga sumunod na awardings ay lumaban din na best actor si Dennis, at pam-best supporting actor si Ruru.
Sa 48th Gawad Urian, parehong nasa best actor category sina Dennis at Ruru, at si Dennis ang nagwagi.
Sa isang international filmfest, ang performance ni Dennis ay ikinunsidera sa best supporting category.
Sa MMFF 2024 pa rin, hindi na-nominate si Aga Muhlach sa pagganap niya sa Uninvited. Sa 8th Eddys ng Society of Philippine Entertainment Editors (SPEEd), tabla bilang best supporting actor sina Aga para sa Uninvited, at Ruru para sa Green Bones.
At sa PMPC Star Awards for Movies, tabla bilang best actor sina Aga para sa Uninvited, at Dennis para sa Green Bones.
Marami pa tayong samu’t saring kuwento kaugnay rito.
Maliwanag na title role — lead performance, hindi suporta — sina Jericho Rosales sa Quezon, Vice Ganda sa Call Me Mother, Maris Racal sa Sunshine, at Kaye Abad sa ConMom. Pero hindi na tayo magugulat kung ipuwesto sa supporting category for whatever reason sina Joshua Garcia para sa Meet, Greet & Bye, Jojit Lorenzo para sa Habang Nilalamon ng Hydra Ang Kasaysayan, o Mylene Dizon para rin sa Habang Nilalamon ng Hydra ang Kasaysayan.
Read: Carla Abellana reacts to Janus del Prado's meme about her wedding cake
