JERRY OLEA
Tuloy na ang Kapuso drama series nina Glaiza de Castro at Mike Tan na The Seed of Love, sa direksyon ni Ricky Davao.
Matatandaang naka-siyam na taping days na ang serye sa Benguet bago itinakda ang community quarantine sa Luzon noong Marso 2020.
“Almost three weeks na yun na material, three scripts,” kuwento ni Direk Ricky sa 50th birthday party ni katotong Allan Diones nitong nakaraang Sabado ng gabi, Oktubre 8, sa Valencia Events Place, Quezon City.
“'Tapos, nag-pandemic. So ngayon, two years and a half later, bumalik. Same cast, same story.
“Yung mga bata sa cast, yun ang problema namin. Inaayos pa namin. It’s all about kids, e, di ba? Yung palitan ng mga anak, ganun.”
Nakaanim na taping days na sila mula nang mag-resume.
“Probably mga six more days dito sa Metro Manila. We call it hybrid. M-W-F, 'tapos uwian,” sambit ni Direk Ricky.
“Pero 16 hours na work ka talaga. We’re very strict about it. Yun, tapos after that, pupunta kami ng Tagaytay.
“Titira kami sa Canyon Woods. Dun ang lock-in namin. 'Tapos, we go around Tagaytay, dun ang shoot.”
Pupunta pa sila sa North?
“Hindi na, hindi na. May planong ganun dati pero we found locations na in Tagaytay,” sabi ni Direk Ricky.
Mahirap yung nawalan ng momentum ang taping nila. Paano ang looks, ang continuity?
“Ang laking problema nun, inayos namin. Mga costumes na nawawala! Pinanood namin. Kinunan ng picture,” salaysay ni Direk Ricky.
“Medyo madugis [madugo] siya, pero kasi maganda ang kuwento. Maganda ang kuwento ng The Seed of Love.
“So talagang gusto ng management ng GMA na ituloy.”
GORGY RULA
Naibahagi na ni Glaiza sa akin ang kuwento ng The Seed of Love. Parang typical na kuwento raw ito ng nagpapalit ng anak, pero iba ang atake.
Hindi pa raw ito nata-tackle sa ibang teleserye, kaya nakakapanghinayang kung mananatiling naka-shelve.
Pagbabalik-tanaw ni Direk Ricky, “Nagte-taping kami sa Banaue, biglang nabalita na nga about the pandemic, yung COVID.
“Nung lumabas kami sa hotel namin para mag-shoot, pagbalik namin, pumipila na kami para kunan ng temperature.
“'Tapos, iniinterbyu na kung may inuubo, sipon! Grabe! Ganun na.”
Nang ma-shelve ang The Seed of Love, idinirek na muna ni Direk Ricky sina Glaiza at Mike sa afternoon series na Nagbabagang Luha (Agosto-Oktubre 2021) na tinampukan din nina Rayver Cruz at Claire Castro.
Kapagkuwan ay nagpakasal si Glaiza kay David Rainey noong Oktubre 12, 2021 sa Northern Ireland.
“Ang ganda ni Glaiza ngayon, ang payat-payat! At ang galing-galing!” bulalas ni Direk Ricky.
“Ganun din si Mike Tan, pumayat. Actually, ang nakakatuwa, all of them prepared. All the actors really prepared.”
Paano yung child actors sa cast?
“Magkakaroon kami ng six-, seven-year old kids pero problema namin, yung mga babies, kung paano namin gagawin,” pagtatapat ni Direk Ricky.
“Yun ang challenging dun. Kasi bawal pa talaga ang babies sa shooting. Pero hindi ko alam, naririnig namin, malapit nang pumuwede.”
NOEL FERRER
Marami-rami na ang naidirek ni Ricky na drama series sa TV. Gusto niya na makapagdirek na sa pelikula.
“Paging producers! I’m just looking probably for the right material. Kailangan tamang material sana,” sabi ni Ricky.
“Kasi sad to say, hindi ako marunong sumulat. Hindi ako marunong sumulat ng script, ganun.
“May konsepto ako pero yung para pagsulat, hindi ako marunong. Pero minsan, nakausap ko na ang National Artist natin, Ricky Lee.
“Sabi niya, ‘Try mo!’ Pero siguro, tamad din ako. Sabi niya, ‘Buuin mo. Write it, check natin. Hindi mo mabubuo iyan if you don’t start it.’”
