Elias Gabonada Lintucan Jr. ang tunay na pangalan ng reggae rising star na si Elias J. Tv.
Bigla siyang sumulpot sa entertainment scene, pero milyun-milyon na ang bilang ng followers niya sa Facebook.
Isinilang siya sa Magpet, North Cotabato, noong Mayo 11, 2000.
Isa siyang Criminology graduate.
Read: Fernando Zobel gives daughter Katya a vintage Rolex on her 18th birthday
Sa eksklusibong panayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) kay Elias, ipinaliwanag niya ang kasaysayan ng kanyang screen name.
Junior siya ng kanyang amang si Elias Lintucan Sr.
Lahad ni Elias J. TV: “Elias is my real name, J is for Jr. kasi ang father ko ang Sr.
"Ginamit ko sa screen name ang 'TV' to promote my Facebook page.
“Naisip ko kasi dati noong nag-create ako ng page at nag-start ng blogging na kahit nasa malayo ako, mapapanood ako ng maraming mga tao.
"At yun din ang nakikita ko habang nanonood ako ng TV sa amin,”
Pitong taon lang daw si Elias nang magsimula siyang kumanta.
Nag-umpisa naman ang kanyang singing career sa Mindanao noong 2021 dahil pumasok siya sa banda.
Hinahangaan din si Elias dahil sa kanyang sexy dance moves na ginagaya ng mga tagasuporta niya.
Pagdating sa pagkanta, ang mga sumakabilang-buhay na mang-aawit na sina Elvis Presley, Michael Jackson at Blakdyak ang itinuturing ni Elias na malaki ang impluwensiya sa kanya.
“Sila yung palagi kong pinapanood at hinahangaan. Ang dami kong katanungan kung paano nila ginagawa,” sabi ni Elias.
Lalong nakilala si Elias dahil sa sariling version niya sa mga kantang "Johnny Big Mouth," "Modelong Charing," "Boliviaz Riddim," at "Sabak ka diri Gikumot kumot."
Read: Lara Quigaman now works as a preschool teacher in Canada
CHANGES IN ELIAS J. TV'S LIFE
Ano ang mga pagsubok na naranasan ni Elias J. TV bago niya narating ang papausbong na singing career?
Saad niya: “Kung pagsubok ang pag-uusapan, ang dami po lalo na sa kahirapan, hindi ko po maiisa-isa dahil baka next year pa tayo matapos.”
Ano ang mga pagbabago sa buhay niya buhat nang makilala siya?
Saad ng reggae artist: “Yung oras po at lalo na yung sa security. Hindi ho ako sanay na may nagbabantay sa akin lalo na ako ay lumaking independent at maagang nangulila sa ina.
“Dahil ho sa kahirapan, naging OFW ang nanay ko.
"Yung success ko po ngayon, iniaalay ko sa Diyos.
"Pangalawa sa pamilya ko po, lalung-lalo na sa nanay at tatay ko.”
Sa kabila ng kasikatang tinatamasa, nananatili raw mapagkumbaba si Elias dahil hindi umano nito iniisip na sikat na siya.
Aniya: “Ang feeling ko lang, maraming nakakilala sa akin pero yung pagkasikat, hindi ko ho iniisip, e.
"Parang normal lang yung pang-araw-araw kasi hindi pa ako makapaniwala sa mga ibinibigay ni Lord sa akin.
“Sobra-sobra kaya hindi pa talaga ako ready. Ini-enjoy ko lang yung mga kasamahan ko, lalo na ang buhay probinsya.”
Read: Female celebrity allegedly involved in case of missing sabungeros
Ano ang mensahe niya sa mga sumusuporta sa kanya?
“Maraming-maraming salamat po sa walang sawang pagsuporta sa akin, lalo na sa ELIAS J TV Band.
"At siyempre, sa mga tao na araw-araw na nakapaligid sa akin sa hirap at ginhawa.
“Higit sa lahat, sa management ng ELIAS J TV band at sa bumuo sa aming banda, ang manager namin na si Ma’am Beverly Pumicpic Labadlabad.”
Hindi lamang sa Pilipinas sumsisikat si Elias dahil kilala na siya sa iba’t ibang panig ng mundo.
Ito ang dahilan kaya hinihiling ng Filipino community sa Amerika na magtanghal siya at mangyayari ito sa Setyembre 2025.
Makakasama ni Elias sa kanyang kauna-unahang U.S. tour ang mga miyembro ng ELIAS JV TV band — sina Jandave Niebla Alborme,Adrian Mañosa Rama, Sherwin Gutierrez Bernardo, Jayvee Torres Lavisures, Axle James Villanueva Villadores, Kenji Aligarbes Bangkas, Kit Aldrin Lopecillo Marohomsar, at Mikael Kendal Batobalonos Gadiano.
Read: Lani Misalucha recalls auditioning for America's Got Talent