Inamin ni Coco Martin na hindi pa siya nakakapagdesisyon kung susuportahan niya si Senator Grace Poe sa presidential bid nito sa 2016 elections.
Kagabi, September 16, ay inanunsiyo na ni Senator Grace ang kanyang kandidatura bilang Presidente sa 2016.
Read: Senator Grace Poe announces 2016 presidential bid
Naikonekta ito dahil pagbibidahan ni Coco ang TV adaptation ng pelikulang Ang Probinsyano, na unang ginampanan ng ama ni Senator Grace na si Fernando Poe Jr.
Malapit din si Coco sa ina ng senador na si Susan Roces, na nakatrabaho niya sa Walang Hanggan at ngayon sa Ang Probinsyano.
Sa digital media conference ng Ang Probinsyano na ginanap kahapon din, sa 13th floor ng ELJ Building ng ABS-CBN, ay nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at iba pang reporters si Coco.
Dito ay sinabi niyang walang kinalaman sa pulitika ang paggawa nila ng teleseryeng ito.
Saad ni Coco, “Honestly, hindi pa po ako makakasagot sa ngayon.
"Kasi, sabi ko nga po, ang ikinaganda naman po kay Tita Susan at saka kay Ate Grace, sobrang klaro po sa amin lahat na bago namin gawin ang proyektong ito, wala po itong political agenda.
“Talagang klaro po 'yan.
"Actually, sila pa po ang nagsabi niyan na parang, ‘Siguraduhin lang natin, ha, na hindi magkakaroon ng malisya, wala 'tong ganito.’
Dagdag niya, “Ako po, honestly, sa ngayon, ang stand ko po, hindi pa po ako nakakapag-decide.
"Kasi masyado pa pong maaga, by next year pa po ang election.
“Siyempre, sabi ko, kung hihingin ang tulong ko ni Senator Grace, gusto ko na po munang malaman kung ano po ba yung plataporma [niya].
“Siyempre, hindi po dahil magkakilala na kami and then nagkatrabaho na kami ni Tita Susan.”
Ayon sa 33-year-old Kapamilya actor, kinukunsidera rin niya ang magiging plataporma ng iba pang tatakbo sa 2016 elections.
“Siyempre, gusto ko pong malaman kung ano yung plano niya, kung ano yung magagawa niya sa ating bansa.
“Kasi, sabi ko nga po, honestly ako, gusto ko ring marinig yung ibang plataporma ng ibang gustong tumakbo, na sa whatever, kung senate 'yan, kung president 'yan o ano, para makapag-decide po ako.
Saad pa niya, “Mahirap naman kung tutulong ka nang dahil kaibigan mo lang.
“Kasi hindi lang naman ang kapakanan ko at ng pamilya ko ang nakataya dito, kung hindi ang buong bansa po natin, e.
“Na, puwede po akong maka-influence nang napakalaki sa ibang tao po.
“Kaya sabi ko po, gusto ko munang malaman, ayokong magpadalus-dalos ng desisyon o kung ano man.
“Kasi ito yung pagkakataon ko para manindigan.
"Dahil itong pagkakataong ito, ngayon ko lang hawak ang aking salita o ang boto ko.”
Hinihikayat naman ni Coco na bumoto ang mga Pilipino sa darating na eleksyon.
“Sayang, lalo na po yung kapag minsan may nakakausap tayo [na], ‘Ay, hindi ako boboto,’ ang laki ng pinakakawalan nilang pagkakataon.
“Hindi nila alam kung gaano kalaki yung puwedeng mabago sana ng ating bansa.
"Kasi lahat tayo naghahanap naman ng pagbabago po, di ba?
“Ito na po yung tamang pagkakataon para tayo ay magtulong-tulong kung ano man yung hinahanap nating pagbabago sa ating bansa.”
JULIA OR MAJA. Nagkaroon naman ng katuwaan kanina sa pagitan ni Coco at ng entertainment press, kung saan pinabunot ang press ng fast talk questions kung saan kinailangang mamili ni Coco kung sino o ano ang mas gusto niya sa dalawang options na ibibigay sa kanya.
Isa sa mga naging katanungan ay kung sino ang pipiliin niya sa dalawang perennial leading ladies niya: Julia Montes o Maja Salvador.
Sagot ng Ang Probinsyano star, “Hindi ko alam!”
Kinantiyawan naman si Coco ng press na baka playing safe lang siya kaya hindi niya kayang pumili.
Ngunit nilinaw niya, “Hindi dahil playing safe.
“Kasi una, pareho silang magaling na artista, parehong maganda, kumbaga napakarami naming trabaho na pinagsamahan.
“Kung papipiliin ako, hindi ko rin talaga alam.
“At saka pareho kong mahal 'yan, e. Yung mga taong 'yan!
“Hindi ko alam, pareho siguro.”
Nagkasama sina Coco at Julia sa mga teleseryeng Walang Hanggan noong 2012 at Ikaw Lamang noong 2014, atsa pelikulang A Moment In Time noong 2013.
Una namang naging katambal ni Coco si Maja sa panghapong teleseryeng Nagsimula sa Puso noong 2009 na sinundan ng Minsan Lang Kita Iibigin noong 2011.
Magkasama rin sila ngayon sa Ang Probinsyano, na magsisimula nang mapanood sa September 28.
