Bago inilunsad si Marissa del Mar sa sexy movie na Mapaglaro (1986) ay nakatanggap siya ng mga pagtataray at panlilibak sa showbiz, at tinaguriang "TH Queen of Philippine Movies."
Ganunpaman ay hindi siya pinanghinaan ng loob at sumabak siya sa paghu-host ng TV shows — Buhay OFW ng TV5, World Class Kababayan sa GMA News TV, at Up Close and Personal with Marissa del Mar sa IBC 13.
Noon pa mang nag-aartista siya ay mapagmalasakit na siya sa mga maliliit na tao sa industriya at sa lipunan.
Itinuon niya ang pagtulong sa mga Overseas Filipino Workers (OFW), at sa darating na eleksyon ay siya ang first nominee ng party-list na One Filipinos Worldwide.
Ano ang masasabi ni Marissa sa mga nagmaliit noon sa kanyang kakayahan? Naramdaman ba niyang vindicated siya ngayon?
“Noon po kasi, sa showbiz, ang manager ko noon, si JJ, si Justo C. Justo,” pagbabalik-tanaw ni Ate Marissa sa mediacon nitong Abril 25, 2022, Lunes, sa Max’s Sct. Tuason St., Brgy. Laging Handa, Quezon City.
“Pero namatay po siya. He passed away. So, ang naging mother ko noon, ang mother ko, yung stage mother ang tawag nila, yun ang naging manager ko.
“Na after shooting, uuwi na… Pero I’m a good dancer. I really love dancing. So every time na merong event, ako yung nahuhuling umupo.
“Kasi, gusto kong magsayaw, gusto kong pawisan. 'Tapos, sasabihin nila, ‘Naku, grabe naman ‘to! KSP, papansin-papansin! Ganyan, kung anu-ano ang sinasabi.
“Pero ako naman po, wala akong iniisip na masama. Walang masamang tinapay sa akin.
“For as long as I’m earning good, I’m doing what is good for everybody, OK na ako. So, hindi ko po pinapansin yung, ‘Trying hard ka!’ ‘Nagpapapansin ka!’
“Hindi ko po pinapansin yun. Una nga pong movie ko, kay Ness [Alma Moreno] na movie yata yun, sabi, magbe-bathing suit kami.
“E, kagagaling ko lang po sa Santa Isabel College. Siyempre, puro mga madre yun. Saka at the time, sobra-sobrang holy pa ako.
“Sabi ko, ‘Direk, puwedeng maglalakad na lang ako sa swimming pool, huwag nang mag-bathing suit?’ ‘Ang arte-arte mo!!!’
“As in mura, take note! Alam mo naman nun, tarayan ang mga drama, di ba?! ‘Psshttt! Nag-artista ka pa, ang arte-arte mo! Magbe-bathing suit lang!’
“Iyak ang beauty ko. 'Tapos sabi, ‘Kung gusto mong mag-artista, huwag kang maarte! Kung gusto mong mag-artista, tigilan mo ang kaartehan mo!’
“So, ako naman, being obedient, hindi naman sa pag-aano, siyempre kailangan kong kumita those days, talagang naging… siyempre, kung ano yung role mo, gawin mo.
“So, sabi ko, tigilan ang kaartehan — hindi kaartehan, hindi pa lang po ako sanay.
“Pero yun nga, e, I love dancing. Saka sabi nila, maganda naman daw ako. Ha! Ha! Ha! Ha! Yun lang po.
“Pero lahat po yun, napagdaanan ko. And the good thing, I tried so hard para hindi po danasin ng mga anak ko yung paghihirap na dinanas ko noon.
“Nag-aano ako, sumasabit sa jeep, sumasabit sa mga bus, tumatakbo. Naka-flat muna, pagdating sa eskwela, maghi-heels.
“Pag bumabagyo, kinakain namin, dahil wala nga, bagyo… saging! The whole day na yun. Nakahiga kami sa tahian ng mother ko.
“Kasi, nagpapatahi ang mother ko. Dahil baha lahat, nandun kami sa ibabaw ng mga makina. Ayoko pong danasin ng mga anak ko yun.
“Ang unang-unang kotse ko po na ipinagmamalaki ko noon ay punung-puno ng add-on. May daga na, may ipis pa. Second-hand, pero maligaya ako!
“Nung first time na nag-rent ako ng car, ang yabang ko! Punta ako ng shooting, ang yabang ko.
“Sabi nung isang artista, ‘Sis, magkano yung rent mo?’ Buking! Yun pala, nagre-rent din siya. OK na!
“But now, I realized, sabi ko sa Panginoon, ‘Lord, gusto ko lang magkaroon ng DVD player na colored.’ Ibinigay sa akin.
“Kung ano na, ano na. ‘Gusto ko lang po, magkaroon ng ganito, ganito…’ I’m very thankful with God’s protection, blessings.
“Whatever I have now, I owe it to Him. Dahil siguro, ang sabi Niya, ‘mabait’ daw ako. Masipag naman po.
“So, nagpapasalamat ako. Lahat po ng blessings… that’s the reason why, nagse-share po ako ng blessings.”
ADVOCACY ON OFWS
Mahigit dalawang dekada na ang adhikain ni Ate Marissa sa pagbabahagi ng biyaya sa mga OFW. Tinagurian na tuloy siyang Ate ng Bayan.
Meron ba siyang peg o huwaran na gustong sundan ang mga yapak sa pagiging matulungin, mapagmalasakit, at mapagkawang-gawa?
Napabuntong-hininga si Ate Marissa, “Ay, naku! Alam niyo po, huwag kayong tatawa, pero noong maliit pa po ako, kaya hindi ako natuto at nasanay na naglalaro sa labas… gusto ko po kasi noon, magmadre.
'“Kasi, yung auntie ko, every Sunday, bitbit ako. Nagsisimba kami ng 8:00 o’clock in the morning.
“After the Mass, magbibigay po kami ng mga bread, juices, na napakahabang pila.
“So, feeling ko, parang holy’ng-holy ako. So, for many years, sinabi ko, ‘Ma, gusto kong magmadre!’ ‘Tumigil ka! Tumigil ka!’ Ganyan-ganyan-ganyan.
“Siyempre, only girl in the family, tapos magmamadre ka pa?! So, I think, innate sa akin — dahil nga siguro, meron akong thinking na gusto kong magmadre — kaya siguro, yung services na dapat gusto kong ibigay, yun po ang ginagawa ko ngayon.
“And I’m very happy dahil ang mga anak ko po, ganun din. Natuto na silang mag-pack.
“Hindi kagaya nung una. Siyempre, pag pumunta ka sa mga lugar, hindi ka sanay. Ngayon po, kahit saan, siksik. Sa shooting.
“Kahit magre-rest room sa tabi-tabi, puwede. Kain na mabilisan, puwede. Pagkakain, takbo ka na. OK na po, e. Sanay na. Naging habit na rin po.
“Hanggang ngayon, mabilis akong maglakad. Sabi ng mga kapatid ko, ‘Ano ba, ang bilis mong maglakad!’ Sanay po ako, fast parati.
“Ang action ko, palaging fast. Nanghihinayang kasi ako sa oras. Gusto ko, maraming magawa.”
ATE MARISSA
Senior citizen na si Marissa. Mas gusto niyang tawagin na Ate kesa Madam. Nakakatanda raw ang Madam.
Yung adhikain niyang tumulong sa kapwa, partikular sa mga OFW, ay nagpapasigla sa kanya. Kaya she remains young and beautiful at heart.
Napangiti nang sakdal tamis si Ate Marissa, “Sabi ko nga, for as long as you love what you are doing, you are not really working. And you’re not tired.
“Kasi, lahat naman po ng ginagawa kong ito, hindi na po bago sa akin. Ginagawa ko na po ito twenty-two years ago.
“Nagkataon lang, ang pagbabago lang ay pumupunta ako sa iba’t ibang lugar para mag-campaign, para mag-rally.
“But all the rest — projects, services, seminars, trainings, scholarships — lahat po ito, ginawa ko na. Kaya po ako ay gamay na gamay na.
“Yun pong pagpapaganda natin ay not really pagpapaganda but you have to take care of yourself. It’s a plus factor and a must for me.
“Kasi, dati kang very active sa showbiz, sa telebisyon. Tapos ngayon, you’re doing a different path. You still have to look good.
“Kasi, sanay sila na nakikita ka na palaging nakaayos. Kailangan, parati kang maganda.'
“Minsan nga, nasa UAE, after shoot, gusto ko nang mag-shower, wala akong make-up. Nandudun po kami sa mall, ‘Ma’am, ma’am, ma’am! Pa-picture!’
“Sabi ko, ‘Nakasumbrero na ako, wala na akong make-up!’ E, siyempre, nakilala ka nila.'
“Sabi ngayon ng kapatid ko, ‘Kasi, alis ka nang alis! Hindi ka man lang mag-make up! Nakakahiya!’
“So, you have to be prim and proper. Lagi kang ready. Parang girl scout, always be ready.
“Kaya ngayon, I always make it a point na hindi porke OK naman ang kutis mo kahit wala kang make-up, kailangan pa ring maayos ka pag lumabas ka ng bahay.
“Sinabi rin po ng mother ko 'yan. Mataray ang mommy, palaging pustoryosa!”
ONE-MAN WOMAN
Ibinahagi ni Ate Marissa na sa mga survey, naglalaro sa Top 15 o Top 20 ang 49 OFW partylist.
May konek sa pelikula niyang Mapaglaro! Hindi siya naging mapaglaro sa public service kundi naging seryoso.
Maging sa pag-ibig sa tunay na buhay, hindi niya pinaglaruan ang mga lalaki.
“Thank you, that’s very true. Alam niyo, yung role sa movie, sa role lang po yun!” pagdidiin ni Ate Marissa.
“That was given to you. You have to portray it para sa pelikula. Pero sa totoong buhay, napakabait ko po. Ha! Ha! Ha! Ha!
“Napakabait ko po! Ay, naku, one-man woman ako! Ang tatay po ng mga anak ko, isa lang! Ha! Ha! Ha! Ha! But unfortunately, he passed away na.”
Co-stars ni Marissa sa Mapaglaro sina Ernie Garcia, Eddie Garcia, George Estregan, Ronaldo Valdez, at Pilar Pilapil.
Lumabas din si Marissa sa mga pelikulang Mga Patapon (1980) nina Rey Malonzo at Robin Aristorenas, Alamat ni Leon Guerrero (1982) ni Lito Lapid, Ang Patibong (1982) ni Bembol Roco, Kumander Melody (1983) ni Ramon Revilla, Calapan Jailbreak (1985) ni Rhene Imperial, at iba pa.
