Tatlong malalaking pelikula ang nakatakdang gawin ng Kapamilya star na si Daniel Padilla ngayong taon.
Ito ang kanyang inanunsiyo sa "New Movie Alert" nitong Huwebes, April 27, 2023, na naka-upload sa ABS-CBN Star Cinema YouTube.
Ani Daniel, matagal-tagal na rin siyang hindi nakagawa ng pelikula kaya naman "very excited" siya sa kanyang comeback.
Sabi niya, "Very excited, siyempre it's been a while.
"Itong mga proyekto na gagawin natin ngayon is handpicked, nag-usap talaga kami [ng ABS-CBN] na-feel din nila yung gusto kong gawin.
"Maybe now is the perfect time."
THE GUEST
Una sa listahan ng mga gagawing proyekto ni Daniel ay ang psychological suspense thriller na The Guest.
Dito ay makakasama niya ang award-winning actor na si John Arcilla.
Bukod sa kakaiba at exciting na kuwento ng The Guest, mas lalo raw ginanahan si Daniel nang malaman niyang si John ang isa sa kanyang co-star.
Ito rin kasi ang unang pagkakataong magsasama sila sa iisang proyekto.
Saad ni Daniel, "I'm so very happy and honored na makakasama ko rito si Sir John Arcilla.
"I am very excited na gawin tong film kasi napakahusay na aktor, and kung ganyan ang makakatrabaho mo, it just pushes you to do better pa."
Ayon pa kay Daniel, noong una niyang nabasa ang kuwento ng The Guest ay hindi na siya nagdalawang-isip pang gawin ito.
“Matagal ko nang gustong gawin ito.
"I’m a fan of thrillers, suspense, kumbaga mind f***.
"Matagal na akong naghahanap ng [ganitong project]," saad niya.
Mula sa direksiyon ni Jerrold Tarog at panulat ni Patrick Valencia, puno ng twists and turns ang The Guest.
Ani Direk Jerrold, “Itong The Guest, it is more of a psychological suspense thriller.
"I’m kind of imagining it na nasa modern na film noir.
"Marami siyang mga twists and turns. And bilang nasa puso ko ang kadiliman, medyo mindf*** na pelikula siya.”

NANG MAPAGOD SI KAMATAYAN
Maliban sa The Guest, may dalawa pang proyektong inanunsiyo si Daniel. Isa na rito ang "buddy comedy" na Nang Mapagod Si Kamatayan.
Sa direksiyon ito ni Dan Villegas, written by Carmi Raymundo.
Hango ang pelikula sa isa sa mga short story ng libro ng National Artist for Film and Broadcast na si Ricky Lee na "Kung Alam Niyo Lang Ang Gagamitin sa Pelikula."
Ang proyekto ring ito ang katuparan sa matagal nang inaasam ni Daniel na makatrabaho ang kaibigang aktor na si Zanjoe Marudo.
Lahad ni Daniel, "Matagal na kaming nangangarap ni Z kasi na gumawa ng pelikula.
"Kaya noong binanggit itong [project] na ito sa akin, sino ba yung gusto kong makasama rito? Alisin na natin yung pagkakaibigan, bilang aktor lang alam natin na si Z, yung standard niya sa pag-arte.
"Kaya kesa isipin ko na dahil kaibigan ko siya kaya kami magkasama dito, hindi, yung kalidad ng ginagawa ni Z [yung dahilan ko]."
Hindi rin naitago ni Zanjoe ang kanyang excitement at saya sa pagsasamahan nilang proyekto ni Daniel.
Mas lalo pa raw itong naging espesyal dahil ito ang comeback movie ni Zanjoe sa ilalim ng Star Cinema.
Ani Zanjoe, "Masayang-masaya ako dahil ito yung comeback movie ko sa Star Cinema.
"Siguro after four or five years yung huli kong project sa kanila.
"Sobrang espesyal din nito kasi matalik na kaibigan at kapatid ko yung makakasama ko sa pelikula.
"Masayang-masaya ako na mapasama sa project na ito."

UNTITLED KATHNIEL FILM
Ang pangatlong pelikula na nakalinya para kay Daniel ay pagtatambalan nila ng real-life girlfriend niyang si Kathryn Bernardo.
Una nang kinumpirma ni Kathryn noong March 27, 2023, na tuloy na tuloy na ang bagong proyektong gagawin nila ng kanyang nobyo sa direksiyon ni Cathy Garcia-Molina.
Read: Kathryn Bernardo co-stars with Dolly de Leon in upcoming film ‘A Very Good Girl’
Sabi ni Daniel, "Hindi mawawala yung [sa amin ni Kathryn] matagal na rin kaming kinukulit ni Direk Cathy.
"It's been a while, galing kaming serye [2 Good 2 Be True], pero it's been a while na makita tayo sa box office ulit.
"Masyado nang nakaka-miss manood ng pelikula ulit."
Inamin ni Daniel na hindi natuloy ang kuwento ng gagawin sana nilang pelikula noon ni Kathryn, ngunit ngayon ay siniguro nilang tuloy na tuloy na ito.
"Hindi kasi natuloy yung huli naming gagawin. Pero nag-evolve na siya into this... ito na.
"May mga rason yung mga bagay, e, kaya hindi natutuloy o hindi man nangyayari.
"Alam ko na yung storyline pero hindi ko pa masasabi. Pero ito na talaga yung gagawin, totoo na to, ha."
Dagdag pa niya, "Medyo matrabaho pero exciting."
