Gaganap si David Licauco bilang si Fidel sa upcoming historical portal fantasy series na Maria Clara At Ibarra sa direksiyon ni Zig Dulay.
Pahayag niya, “Actually nung first few days namin, nahirapan talaga ako kasi yung Tagalog, deep, and also meron pa kaming mga Spanish lines.
“But then eventually naman nung tumatagal, nagamay ko naman na siya, naging okay naman na yung pananalita, nasanay na ako."
Kahit nga raw sa off-cam naging mas matatas siya sa wikang Filipino.
“When in fact nga pag sa bahay pag kausap ko yung mga friends ko, parang nagiging deep na yung Tagalog ko,” at natawa si David.
“Yung mga friends ko tinatanong, ‘O, bakit parang iba na yung Tagalog mo?’ ganyan. Iyon.
“Pero with regards sa acting naman, okay naman kasi lahat naman ng mga kasama ko dito, e, mababait, at saka yung writers, maganda naman yung pag-develop nila sa character ni Fidel so okay naman.”
May similarities o pakakapareho ba sina David at Fidel?
“Well, actually ang character description niya is negosyante, iyon yung number one.”
Bukod sa pag-aartista ay may mga negosyo si David na may koneksiyon sa pagkain at marami pang iba.
Pagpapatuloy pa ni David, “And ayun, saka kasi si Fidel good friend siya kay Ibarra so I would like to think na good friend naman ako sa mga kaibigan ko. So ayun.”
Bida sa Maria Clara At Ibarra sina Barbie Forteza bilang Klay, Julie Anne San Jose bilang Maria Clara, Rocco Nacino bilang Elias, at Dennis Trillo bilang Crisostomo Ibarra.
Kasama rin dito sa mahahalagang papel sina Juancho Trivino bilang Padre Salvi; Tirso Cruz III bilang Padre Damaso; Manilyn Reynes bilang Narsing; Juan Rodrigo bilang Kapitan Tiago; Ces Quesada bilang Tiya Isabel; Dennis Padilla bilang Mang Adong; Lou Veloso bilang Mr. Jose Torres; Gilleth Sandico bilang Donya Victorina, at Andrea Torres bilang Sisa.
Abangan ang world premiere ng Maria Clara at Ibarra sa October 3 sa GMA Telebabad pagkatapos ng 24 Oras.
