Bago magpaalam sa kanilang programa sa DZBB na One on One, Walang Personalan kaninang umaga, March 1, 2023, nabanggit ni Arnold Clavio kay Connie Sison ang tungkol sa viral post sa kanya.
Pinag-usapan kasi ng netizens ang ilang social media posts tungkol sa “pamamaalam” ni Connie sa Unang Hirit matapos ang halos labintatlong taon bilang co-host.
Isa na nga rito ang post sa Twitter na may caption na, “PAALAM, CONNIE SEASON (2023)”
Kung hindi babasahing mabuti ang laman ng screenshots na kalakip ng post, baka iba ang nasa isip ng mga makakakita nito.
Lalo pa't black and white ang larawan ni Connie sa post.



Sabi ni Arnold sa kanya, “Connie, inaano yung nagpakalat na nagpaalam ka na.”
Magkahalong tuwa at inis ang naramdaman ni Connie sa nasabing post.
Aniya, “Uy ,grabe yun ha. Buhay na buhay ako ha.
"Kasi naman imbes na nagpaalam o nag-retire sa Unang Hirit, ang nakalagay, ‘Paalam, Connie.’ Ano ba yun, grabe kayo, parang nag-clickbait ang tawag. Nasa Twitter yan, e.”
Natawa pa niyang dagdag, “Kasi naman di ba, parang tinegi ako? Buhay po ako. Nagpaalam lang po ako sa Unang Hirit.”
Ang totoong kuwento, nagpaalam lamang si Connie sa Unang Hirit dahil sa health reasons.
Kamakailan ay ibinahagi niyang nagkaroon siya ng hypothyroidism, at inoperahan sanhi ng appendicitis.
Gayunpaman, magiging bahagi pa rin siya ng ibang news programs sa Siyete.
Mananatili pa rin si Connie sa Balitanghali sa GTV at iba pang programa sa DZBB katulad ng One on One, Walang Personalan at Pinoy MD.
