Suportado nina Amy Perez at Gelli de Belen si Karla Estrada bilang bagong host ng programang Face 2 Face, na mag-uumpisa sa Mayo 1, 2023, Lunes ng 11:00 a.m., sa TV5.
Kabilang ang mga dating host ng Face to Face na sina Amy at Gelli sa nagbigay ng video message para kay Karla sa mediacon nitong Abril 17, Lunes, sa TV5 Media Center, Reliance St., Mandaluyong City.
“Napakaraming ibinigay sa aking tips si Ate Amy dahil talagang magkaibigan naman kami,” pagtatapat ni Karla.
“In fact, tiyahin ni Daniel [Padilla, Karla's son] yan. Kamag-anak talaga siya ng mga Padilla. So, matagal na kaming nag-uusap about this.
“Inayos ko muna at sinigurado ko na ako talaga, bago… pinuntahan ko siya sa bahay niya, at nakipag-usap ako at humingi ako ng advice dahil, of course, si T’yang Amy naman talaga ay inumpisahan niya ito, di ba?
“So sabi niya, ‘Umpisahan mo yung bago. Umpisahan mong ikaw. Huwag mong umpisahang ako.’
“'Pero eto ang magaganda diyan, eto yung dapat relaxed ka lang, kumalma ka.'
"So, marami kaming pinag-usapan.
“But at the end of the day, tinapos namin nang masaya, at tinapos namin nang maganda ang aming usapan bilang magkamag-anak.
“And thank you so much, Ate Amy. And, of course, Gelli also, de Belen, di ba? Dahil na-experience din niya ang Face to Face, naging host din siya dito.
“So, kung ano yung sinabi niya kanina, that’s exactly the same na sinabi niya sa akin. Kaya nakaka-happy na merong mga support mula sa mga dating host kung nasaan tayo ngayon, itong Face 2 Face.”
FIRST REACTION
Napahalakhak daw si Karla nang ialok sa kanya ang pagho-host ng Face 2 Face.
Pagmumuwestra ng host-actress-politician, “Sobrang ganito yung reaction ko nung in-offer sa akin, ganito talaga. ‘TALAGA?!”
“Tapos tumatawa ako nang mga dalawang oras. Tapos na-excite ako. Tapos parang natatakot ako.
“Ang dami kong naramdaman na emosyon nung in-offer sa akin ang Face 2 Face. Kasi pinapanood ko, e!
“Isa ito sa mga favorite naming panoorin para talagang magalit din kami, umiyak din kami, matawa kami.
“So ngayon, live na live nakikita ko, naririnig ko dun sa mga guest yung talagang problema na direkta nang naa-absorb ko nang bonggang-bongga. ‘E, ginusto mo yan!’ Ha! Ha! Ha!”
Nakapag-tape na sila ng anim na episodes. Anong example ng isyung tinalakay nila?
“Hindi ko puwedeng ikuwento pero example, mabilis lang, galit na galit, mga gays na nagpa-pageant sa Miss Gay,” salaysay ni Mama Karla.
“At galit na galit yung isa kasi nung hiniram yung gown, sinoli, may putok na. So ako, yung tanong ko, ‘Totoo?’
“Dinenay na, ‘Hindi galing sa akin!’ Nung hiniram niya, meron na daw talagang putok yun.
“Para sa atin, nakakatawa. Pero para dun sa nagsasabi, mararamdaman mo na talagang pikon sila. At ang hirap!
“Kaya I say once again, huwag nating basta binabalewala ang mga issues dito sa Face 2 Face. Kasi otherwise, para mo na ring sinabing hindi tao yung nagrereklamo, di ba?”
"ISYU AY HARAPIN, HUWAG PALAKIHIN"
Ang bagong mantra ng programang Face 2 Face, “Isyu ay harapin, huwag palakihin.”
Ano bang isyu ang hinarap niya at hindi na niya pinalaki?
“Hindi ko na pinapalaki yung mga bashing. Oo, hindi ko na iniintindi ang mga yan dahil ayoko nang lumiit ang mundo ko,” lahad ni Karla.
“At kahit anong magandang sabihin mo, kahit anong magandang gawin mo, meron silang masasabi.
“Because kung ayaw ka nila, wala ka namang magagawa dun. E, ang hirap, OK na yun. Kasi marami namang nakikipaglaban para sa yo, di ba?
“So, sila na lang. Bashing is talagang walang effect sa akin yan. Na-master ko na yan. Actually That’s Entertainment pa.
“So, nung nauso itong ating social media… ang hindi ko lang napapalagpas ay yung mga anak ko ang na-bash.
“Yan talaga ay hinahanap ko na ang mga bahay agad,” pagbibiro ni Karla.
“Wala, wala, wala! Ha! Ha! Ha! Ha! Hindi, basta pagdating… dahil ako’y isang nanay na nagsakripisyo sa aking mga anak ay hindi ko papayagan talaga na nababastos ang mga anak ko sa social media, lalo na ng mga taong hindi naman kilala ang aming pamilya.
“So, I think dun talaga nagiging ano ako… dinosaur!"
Siyanga pala, resident Trio Tagapayo ng Face 2 Face ay sina “Dr. Love” Bro. Jun Banaag, Atty. Lorna Kapunan, at Dr. Camille Garcia. Co-host ni Mama Karla si Alex Calleja, at may dalawang Marife bilang referee.

Simula Mayo 1, mapapanod ang Face 2 Face mula Lunes hanggang Biyernes ng 11:00 a.m. sa TV5, at 8:00 p.m. sa One PH, available sa Cignal Ch. 1, SatLite Ch. 1, at Cignal Play.
