Tiyak na ang pagbabalik sa telebisyon ng Face to Face, pero hindi na si Amy Perez ang host ng Barangay Hall on-air program ng TV5 kundi si Karla Estrada na.
Si Amy ang original host ng Face to Face at sumikat nang husto ang programa dahil sa kanyang husay bilang arbitrator ng magkabilang-panig na may alitan.

Totoo ang balitang muling inialok kay Amy ang hosting job para sa Face to Face, pero nilinaw niyang walang katotohanan ang mga haka-hakang tumanggi siya.
Paglilinaw ni Amy sa Cabinet Files, “Hindi naman sa ayaw. Nakakahiya lang sa ABS-CBN kasi if aalis ako, kasi never naman ako nawalan ng show kahit nagkaroon ng pandemic at nawalan kami ng franchise.
“Hindi naman ako pinabayaan ng ABS-CBN kaya sobrang thankful ako sa kanila.
“Wala naman akong exclusive contract but I respect and value the fact na never akong nawalan ng show kaya super thankful ako.
“Parang happy and contented na ako kung nasaan ako now, so parang I don't want to shake pa the boat. Nakakahiya.
“And since nagawa ko na ang Face to Face, baka it's time para iba naman ang gumawa at baka may offer sila na ibang flavor.
“Saka wala na rin si Hans. Baka hindi ko na makaya without him.”
Ang tinutukoy na "Hans" ni Amy ay ang dating niyang co-host sa Face To Face na si Hans Mortel, na sumakabilang buhay noong July 14, 2021.
Nang kumalat ang balitang si Karla ang bagong host ng Face to Face, nakatanggap agad ng mga panghuhusga ang ina ni Daniel Padilla na pilit ikinukumpara kay Amy, kahit hindi pa napapanood ang kakayahan nito.

Nakikisimpatiya si Amy kay Karla dahil maling pagkumparahin sila at, higit sa lahat, dapat bigyan ng pagkakataon si Karla.
Pinahahalagahan din ni Amy ang respetong ibinigay ni Karla sa kanya.
Lahad niya, “Sobrang na-appreciate ko si Karla kasi bukod sa tinawagan niya ako [sa cell phone], pinuntahan pa niya ako sa house.
“Na puwede namang hindi na, but I appreciate yung love and respect that she gave me as the original host of the show.”
Magbabalik ang Face to Face simula sa May 1, pero Face 2 Face na ang pamagat ng programa.
Ito ang ipapalit sa iiwanang timeslot ng Tropang LOL, at mapapanood mula Lunes hanggang Biyernes ,11 a.m.
Read: Tropang LOL, magpapaalam na sa ere sa April 29 — sources
Ang comedian na si Alex Calleja ang co-host ni Karla sa Face 2 Face.