Binasag na ni Maja Salvador ang kanyang katahimikan tungkol sa mga haka-hakang lilipat siya ng GMA-7.
Lumabas ang mga haka-hakang ito nang magtapos sa ere ang programa niya sa TV5, ang Sunday Noontime Live (SNL), noong January 2021.
Lalong tumindi ang mga bali-balita nang maglabas ng collaboration sina Maja at Heart Evangelista nitong Pebrero 2021. Si Heart ay lumalabas sa GMA-7.
Marami ang nag-akalang baka kasama si Maja sa upcoming GMA-7 teleserye ni Heart na I Left My Heart in Sorsogon, lalo pa’t naiulat na ring maaaring may Kapamilya actress na makasama sa teleserye.
Nitong Lunes, March 15, 2021, eksklusibong nakapanayam ng editorial team ng Philippine Entertainment Portal (PEP.ph) si Maja sa loob ng halos tatlong oras.
Dito ay sinagot niya ang ilan sa mga haka-haka tungkol sa kanyang career moves ngayong wala na siya sa ABS-CBN.
Kinumpirma naman ni Maja na freelancer siya ngayon at hindi nakatali sa kahit anong network.
Ito ay pagkatapos mag-expire ang kontrata niya sa ABS-CBN noong July 2020, kasabay ng pagbasura ng Kongreso sa application ng Kapamilya network para ma-renew ang 25-year broadcast franchise nito.
Nang matanong naman si Maja tungkol sa paglipat sa GMA-7, natatawa niyang sagot: “Alam mo, nakakatawa, kasi nga ang daming haka-haka. Ang daming… may mga nabasa pa ako na, ‘Uy, magka-Kamuning na siya,’ mga ganyan.”
“Magka-Kamuning” ang tawag ng netizens sa mga artistang lumilipat sa GMA-7 dahil sa pangalan ng main road kung saan nakatayo ang GMA Network Center sa Quezon City.
Sakto naman din daw noong panahong iyon, lalabas na ang collaboration nina Maja at Heart.
Ayon kay Maja, matagal na nilang napag-usapan ito bago pa lumabas ang mga tsismis tungkol sa diumano’y paglipat niya sa GMA-7.
Patuloy ni Maja, “’Tapos ako, sakto naman, kahit itanong niyo pa kay Heart. Ang tagal ko na siyang sinabihan na mag-collab kami.
“’Tapos sakto na lalabas naman anytime yung vlog namin, so di ko sinadya.
“Kumbaga, sumabay lang talaga siya sa mga haka-haka kaya nakakatawa.
“Kaya sabi ko, ‘Naku, kapag lumabas ito, baka akalain talaga nila.’ May mga ganyan.”
DID MAJA RECEIVE OFFERS FROM GMA-7?
Pero mayroon nga bang alok ang GMA-7 kay Maja na gumawa ng proyekto sa bakuran ng Kapuso network?
Makahulugang sagot ni Maja, “I’m very grateful po, marami tayong offer.”
Nang klaruhin ng PEP.ph kung mayroon nga, natatawang sagot ni Maja, “I’m very grateful nga, marami! Kahit PTV-4, RPN-9! Charot!”
Hindi man direktang kinumpirma kung may alok sa kanya ang Kapuso network, nagpasalamat ang aktres dahil nakakatanggap siya ng maraming offers.
Ito ay sa kabila ng pagdududang baka wala nang kumuha sa kanya dahil sa pandemya.
“So, nakakatuwa lang na parang yung pagda-doubt mo sa sarili mo na baka walang kumuha, o nakakatakot dahil baka walang mabigay na project, ang daming ganun noong kasagsagan ng pandemya last year.
“Nagugulat ako na marami pong offers kaya super thankful.”
Sa ngayon, abala si Maja sa dalawang shows na gagawin niya sa Cignal at TV5.
Ito ay ang teleseryeng Niña Niño at ang isang reality-talent search na parehong eere ngayong Abril.
Nakangiting sinabi ni Maja, “Doon muna tayo, kalma kalma lang.”
