Close relatives of Willing Willie child contestant issue separate sworn affidavits

IMAGE 0


Willing Willie host Willie Revillame and his team are banking on the sworn affidavits submitted by relatives of Jan-Jan Suan to strengthen their argument, should an investigation or a legal case be filed against them.


Isa sa pinanghahawakan ng kampo ni Willie Revillame ay ang mga isinumiting affidavit ng mga malapit na kamag-anak ni Jan-Jan Suan—ang anim-na-taong-gulang na naging contestant ng Willing Willie nung March 12, 2011 episode nito.

Kasalukuyang nahaharap sa paratang na child abuse ang primetime variety-game show program matapos umalma ang ilang grupo at sektor. Ang pakiramdam nila ay nagkaroon ng paglabag sa karapatan ng batang contestant. (CLICK HERE to read related article.)

Ngunit dinepensahan naman ni Atty. Leonardo de Vera ang programa at ang main host nito na si Willie Revillame sa pagsabi na walang naganap na paglabag. Alam daw ni Jan-Jan ang kanyang ginagawa at kusang loob niya itong ipinamalas sa harap ng kamera.

Para pagtibayin ang kanilang argumento ay minabuti ng kampo ni Willie na hingan ng sworn statement ang ilang kamag-anak ni Jan-Jan.

Makakatulong raw ito, ayon pa kay Atty. de Vera, para malinaw na maipakita na hindi ideya ng programa ang "sexy" dance number na ipinamalas ni Jan-Jan nung sumali ito.

Nauna nang nailathala dito sa PEP (Philippine Entertainment Portal) ang sinumpaang salaysay ng mga magulang ni Jan-Jan na sina Joe at Diana Suan. (CLICK HERE to related article.)

Ang dalawang kamag-anak pa ni Jan-Jan na nagsumite ng kanilang affidavit ay sina Argie Estrada at Jocelyn Santiago.

UNCLE'S STATEMENT. Sa kanyang isinumiteng affidavit ay sinabi ng tiyo ni Jan-Jan na si Argie Estrada na siya ang nagturo sa kanyang pamangkin ng istilo ng pagsasayaw na napanood ng publiko sa March 12 episode ng Willing Willie.

Hindi na raw bago ang ganung klaseng sayaw para sa kanyang pamangkin dahil nagawa na rin niya ito sa maraming okasyon, katulad ng school programs, piyesta, at iba pang masasayang pagdiriwang.

Katulad ng sinumpaang salaysay ng mga magulang ni Jan-Jan, na sina Joe at Diana Suan, naka-notaryo rin ang pahayag ni Argie at ito ay pinirmahan ni Atty. Chino Paolo Z. Roxas nung April 2, 2011 sa lungsod ng Pasig.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Narito ang nilalaman ng buong affidavit ng tiyuhin ni Jan-Jan na si Argie Estrada:

Ako ang tiyuhin ni John David Suan, na may nickname na Jan Jan. Ang kanyang tatay, si Joe Suan at ako, ay magpinsang buo. Ako ay nakatira sa bahay nila Jan Jan.

Masayahin kaming pamilya. Libangan at hilig namin ang kantahan at sayawan sa bahay. Kadalasan, pag nakikita ako ni Jan Jan na sumasayaw sa bahay ay sinasabayan at ginagaya niya ako pati na rin ang aking isang pamangkin na si Jillian Suan, tatlong taong gulang. Me marinig lang na tugtog ang mga pamangkin ko, sumasayaw na sila. Lahat kami ay mahilig sumayaw, isa sa mga sayaw namin ang sinayaw ni Jan Jan sa Willing Willie.

Dahil mahilig sumayaw, si Jan Jan ay sumasayaw din sa paaralan. Sumali din siya sa Little Mr. SM sa Mall of Asia para mas lalong ma-develop ang talent niya sa pagsayaw. Nung pista nga sa may Culiat, Quezon City noong January 2011, may talent show kung saan nagsayaw din si Jan Jan katulad ng sayaw niya sa Willing Willie. Nasiyahan naman ang mga tao at pinuri siya. Mahilig din ipakita ni Jan Jan ang kanyang talent sa pagsayaw sa mga bertday at ibang selebrasyon ng pamilya.

Nung nag-audition si Jan Jan para sa Willing Willie, ako ang nagturo ng kanyang sayaw. Sinamahan ko siya sa kanyang audition, at nakita namin kung gaano karaming bata ang gustong sumali. Mainit, maingay, at sobrang dami ng tao pero pinagtiyagaan namin dahil gusto talaga ni Jan Jan na sumali. Nung siya na ang magpapakita ng talent, sumayaw si Jan Jan sa tugtog ng "Careless Whisper," katulad din ng sayaw na ipinakita namin noon sa pista ng Culiat.

Ang turo ko kay Jan Jan, kapag sumasayaw siya, dapat seryoso ang mukha niya kasi seryoso ang sayaw. Sinunod naman niya ito. Kapag kasi nakangiti siya, hindi akma ito sa sayaw at magmumukha siyang katawa tawa.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Nung nakuha siya bilang isa sa mga contestants para sa Marso 12, 2011 palabas ng Willing Willie, mas lalo ko siyang inensayo para sa sayaw niya. Seryoso yung sayaw, kaya dapat seryoso din ang mukha niya. Ito ang turo ko sa kanya.

Kaya nung nagsayaw na siya sa Willing Willie noong Marso 12, 2011, alam na niya na dapat seryoso ang mukha niya. At sinunod naman niya, bagkus naluha pa siya.

Pinapatunayan ko na ang lahat ng nakasaad dito ay pawang katotohanan lamang at kusa ko itong isinalaysay at nilagdaan ngayong ika-2 ng Abril 2011.

AUNTIE'S SIDE OF THE STORY. Nagbigay rin nang pahayag ang tiyahin ni Jan-Jan na si Jocelyn S. Santiago sa pamamagitan ng isang affidavit.

Matatandaang si Jocelyn ang kasama ng batang contestant sa loob ng studio nang sumalang ito sa larong "Wiltime Bigtime" na isang segment ng Willing Willie. Si Jocelyn ang nakitang humiling ng yakap kay Willie.

Sa kanyang salaysay ay binanggit ni Jocelyn na kaya umiyak ang kanyang pamangkin ay dahil sa natakot ito nang makaharap ang dating PBA (Philippine Basketball Association) player na si Bonel Balingit.

Ito raw ang tunay na rason kung bakit napaluha si Jan-Jan at hindi dahil sa napipilitan ito sa ginagawang pagsasayaw.

Pirmado rin ni Atty. Chino Paolo Z. Roxas ang dokumento at nakasaad na ito ay sinumpaan ni Jocelyn sa kanyang tanggapan sa Pasig City.

Narito ang salaysay ni Jocelyn sa buong pangyayari:

Ako ang tiyahin ni John David Suan, na may nickname na Jan Jan. Ang kanyang tatay, si Joe Suan at ako ay magkapatid.

Ako ang sumama kay Jan Jan nung sumali siya sa palabas na Willing Willie noong March 12, 2011. Sa larong Wiltime Bigtime, ako ang pinakilala ni Jan Jan na kasama niya. Ako ang nagsalita at nagbigay ng paalala kay Jan Jan.

Saksi ako kung gaano kagaling sumayaw ang pamangkin ko sa palabas. Nakita ko rin kung gaano kasaya ang mga tao nung sumayaw si Jan Jan.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Pagkatapos niyang magsaya, pumunta siya sa akin at sinabing kaya siya umiyak ay natakot siya sa "kapre," ibig niyang sabihin, kay Bonel Balingit. Hindi ko naman siya tinanong kung bakit siya umiyak pero kusa niyang sinabi na umiyak siya dahil natakot sa "kapre."

Ang pamangkin kong si Jan Jan ay iyakin. Konting saway lang yan ay umiiyak na. Kaya hindi na ko nagtaka nung umiyak siya sa palabas na Willing Willie dahil natakot sa "kapre."

Pinapatunayan ko na ang lahat ng nakasaad dito ay pawang katotohanan lamang at kusa ko itong isinalaysay at nilagdaan ngayong ika-2 ng Abril.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN