Hindi naging madali para kay Warren Dugay, 22, ang apat na taon niya sa college.
Habang nag-aaral sa Tarlac State University (TSU), nagtrabaho rin kasi siya bilang waiter sa Tondo.
Pero nagbunga naman ang kanyang sakripisyo.
Nitong July 22, 2022, nagtapos si Warren bilang cum laude sa kursong Bachelor of Science in Business Administration, major in Marketing Management.
Sa kanyang Facebook post noong July 13, tinawag ni Warren na isang “rollercoaster ride” ang kanyang pag-aaral.
Bahagi ng message niya (published as is): “Ako pala yon batang walang honor nong elementary, sumasali lang ng extra curriculars to have medals every recognition day to make my parents proud.
“Hirap mag english at wrong grammar lagi nong junior high.”
Pagsapit ng senior high school, “normal” na estudyante raw ang naging buhay niya: student awardee, pero naranasan ang umiinom kasama ang mga barkada at gabi na kung umuuwi.
Read also:
- VIRAL: Gulay bouquet ng cum laude graduate mula sa nanay niyang magbubukid
- Meet Vicmar Jugado, first-ever summa cum laude ng UP Los Banos Forestry College
- Jerson Aboabo: tagakolekta ng pagpag at padyak driver, magna cum laude sa Iligan City
juggling work and sTUDIES
Mas naging seryoso si Warren sa pag-aaral pagsapit ng kolehiyo.
Kapag school break at Christmas break, pumupunta siya sa Tondo para maging part-time waiter sa isang teahouse.
Pag pasukan na ay uuwi na siya sa Tarlac at papasok sa TSU.
Nang tumama ang pandemya, nagdesisyon si Warren na maglagi sa Tondo at ituloy-tuloy ang pagiging waiter.
“Time management po talaga ang kailangan, lalo na sa katulad ko,” mensahe niya sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal).
May mga pagkakataon nga raw na pagkatapos niyang mag-duty, diretso siya sa paggawa ng mga assignments. Magre-review naman siya kinabukasan.
Warren with his fellow waiters at a teahouse in Tondo.
“May time din na nagpapaalam po ako sa amo ko na di ako makakapasok, lalo nung feasibility [studies] days ko."
Supportive naman ang amo ni Warren sa pagiging working student ng huli.
Sariling desisyon ni Warren ang magtrabaho para makatulong sa kanyang mga magulang, na waiter at waitress din.
Naapektuhan kasi ang trabaho nila nang tumama ang pandemya.
“Malaking tulong din po yung pagwo-work ko that time,” sabi ni Warren.
REAPING the fruit of HIS SUCCESS
Aminado si Warren na naabuso raw niya noon ang sarili dahil sa pagtatrabaho at pag-aaral “to prove myself to others.”
Natutunan niyang huwag nang patunayan ang sarili sa ibang tao.
Ang importante ay ine-enjoy niya ang kanyang ginagawa.
Aniya, “I should just focus on myself at kung may gagawin man ako, dapat i-enjoy ko lang, at isaalang-alang ko yung physical and mental health ko.”
Wala raw pagsidlan ang kanyang galak nang naging cum laude siya sa kolehiyo.
Nagkaroon kasi siya ng duda sa sarili nang ipatupad ang online classes.
“Nagda-doubt na ako nung nasa third year na ako.
“Since nag-online class at nanibago ako sa setting.
“Kaya nung nakita ko yung name ko sa list, nanginginig ako sa saya.
“Napakasarap po sa feeling. Yung pag-break down mo sa lahat ng pagod mo both sa work mo at academically, lahat po iyon nawala.”
Sa mga may pinagdadaanang pagsubok, ang payo ni Warren ay huwag panghinaan ng loob.
“May mga oras na di sasang-ayon sa atin ang panahon.”
Lagi lang daw ipaalala sa sarili para saan ang mga sakripisyong ito.
“Kahit ganoon kahirap, walang imposible sa may pangarap,” ani Warren.
Sa ngayon ay pinagtutuunan ng pansin ni Warren ang paghahanap ng trabaho.