Nerikka Escario, nabulag pero naipasa ang board exam; nag-mental solving sa math problems

by Bernie V. Franco
Feb 3, 2023
nerikka escario blind board exam passer
Nang mag-board exam si Nerikka Escario, kinabahan para sa kanya ang kanyang proctors: “Pati mga proctors ko ay natatakot sa exam ko. ‘Naku Ma'am, sa dami ba naman ng Major na kukunin mo, ito pang sinasabi nilang mahirap.’”
PHOTO/S: Nerikka Escario / REO Top The Let Facebook

Kahit isang bulag si Nerikka Escario, 27, ay pumasa siya sa Licensure Examination for Teachers (LET) - Secondary noong October 2022.

Mas nakabibilib pa na naipasa niya ang board kahit ang kinuha niya ay itinuturing na isa sa mga pinakamahirap na college major in Education.

Dating nakakakita si Nerikka, pero tuluyang nabulag matapos mag-graduate sa college noong 2016 dahil sa isang auto-immune disease.

Literal siyang gumising na wala na siyang nakikita.

“Year 2016, nang ako ay gumradweyt ng college at tuluyan na ring nabulag sa aking sakit na Behcet's disease,” mensahe ni Nerikka sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal).

Ang Behcet’s disease o Behcet’s syndrome ay isang rare auto-immune disease na sumisira ng nerves sa iba't ibang bahagi ng katawan.

Ang tinamaan kay Nerikka ay ang nerves sa mga mata kaya kalaunan ay nawalan siya ng paningin.

nerikka escario student

Si Nerikka noong estudyante pa siya at nakakakita pa.

Read also:

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

Noong 2015, una muna siyang na-diagnose na may Uveitis, na inflammation sa loob ng mata.

Nagpatingin siya sa St. Luke's para humingi ng second opinion at nalaman doon na Behcet’s disease pala ang kondisyon niya.

Nasa third year college siya noon at kumukuha ng Technology Livelihood Education (TLE), itinuturing na isa sa mga pinakamahirap na major sa education course.

“Nung mga panahon po nag-aaral po ako, malabo pa lang po, blurred. Pero unti-unti po wala na po siya.

“As in paggising ko na lang po ng umaga, wala na lang po [makita] kahit light.

“Last 2021, totally nasabi ng doktor [na] totally blind daw,” kuwento ni Nerikka sa isang Zoom interview.

ADJUSTING TO BEING BLIND

Nawalan ng kumpiyansa sa sarili si Nerikka. Hindi na siya nagka-interes na kumuha pa ng board exam matapos mag-graduate.

“Mas nilaan ko na lang ang aking buhay kung paano makapag-adapt sa bagong sitwasyon ko bilang isang bulag,” lahad niya.

Mula 2017 hanggang 2021, sumali siya ng mga organisasyon na makakatulong sa kanya na makapag-adjust bilang blind person.

“Pumasok ako sa iba't ibang organization at sumali sa iba't ibang training na makakapag-equip sa akin na maging kapaki-pakinabang.

“Natuto ako gumamit ng Braille, mag-navigate ng aking laptop, at Android device sa tulong ng mga accessible applications for the blind.”

May isang organization sa Cubao na kanyang sinalihan para matuto siyang gumamit ng Braille.

CONTINUE READING BELOW ↓
NOOD KA MUNA!

Hinimok siyang mag-aral sa ATRIEV o Adaptive Technology for Rehabilitation Integration Empowerment of the Visually Impaired, na nagtuturo sa mga katulad niya na gumamit ng computer and technology.

Ibinahagi ni Nerikka na natuto siyang gamitin ang online app na gumagamit ng artificial intelligence (A.I.) voice para basahin ang key buttons sa kanyang phone at laptop kaya nagagawa niyang mag-type.

“Unti-unti ko rin naibabalik ang kumpiyansa ko sa aking sarili na makipagsabayan sa mga mayroon pang paningin.”

PREPARING FOR THE BOARD EXAM

Noong 2022, nalaman ni Nerikka mula sa isang kapwa bulag na tuloy ang pagkakaroon ng LET o board exam for teachers.

Iyon din ang huling taon na gagamitin ang old curriculum sa board.

“Noong nalaman ko iyon ay dali-dali kong sinabihan ang aking pamilya na magti-take ako ng LET exam.”

Nagpatulong siya sa kapatid na makahanap ng online review.

Kumilos si Nerikka para makapaghanda, kahit may mga nakaambang hamon: “Hindi kasali ang major ko sa nire-review,” aniya.

Nakarinig din siya ng pag-aalinlangan mula sa kanyang pamilya.

"’Sigurado ka bang magti-take ka na this year?’ ‘Late ka na sa review, ang dami mo nang na-miss. Makakahabol ka kaya?’”

Nakaramdam ng pagdududa si Nerikka dahil sa transition na mag-aaral siya na hindi na magagamit ang paningin.

“Ibang-iba na ang paraan kung paano ako magre-review lalo pa at hindi naman ako bulag noong nag-aaral pa ako," aniya.

“Sinabi ko na lang sa sarili ko, ‘Bahala na, kaya ko naman siguro. Wala naman mawawala kung susubukan ko. At least, sinubukan ko.’”

Nerikka Escario

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

Nawalan ng paningin si Nerikka dahil sa Behcet's disease

Nag-enroll siya sa LET review center na ino-offer ng Real Excellence Online (REO) na tinatawag na REO Top The Let Review Center.

Puspusan ang pagre-review ni Nerikka: “July 2022, naalala ko pa na buong araw akong nakikinig ng mga session na na-miss ko at sa fourth live sessions.

“Tyinaga kong pakinggan ang mga recordings, aralin at i-navigate ang website ng online reviewer.”

Ginabayan siya ng kanyang mga kapatid sa pagre-review.

“Walang sawa silang nagre-record ng mga handouts reviewer para mapakinggan ko," sabi ni Nerikka.

Nakaapekto kay Nerikka ang kanyang intense review. Bumagsak ang immune system niya.

“Muntik pa nga akong ma-confine sa hospital dahil sa stress na nararamdaman ko.

“Pero nagpatuloy pa rin. Sabi nga sa kasabihan, ‘Tumigil ka lang saglit. Magpahinga. At kapag okay ka na, saka ka ulit magpatuloy.'”

Ilang linggo bago ang scheduled board exam, bumigay rin ang kanyang laptop.

Nag-alinlangan si Nerikka kung tutuloy pa siya sa board dahil sa mga aberya, lalo pa't konti ang naging oras niya para makapag-review.

“Mabuti na lamang at naiusog ang araw ng exam. Bigla akong nabuhayan ng loob at ginamit ko pa ang isang linggo para mag-review.”

NERIKKA TAKES BOARD EXAM IN AN UNUSUAL WAY

Hindi nawala ang kaba ni Nerikka nang dumating ang araw ng exam noong October 2, 2022.

Sabi ni Nerikka, “Alam ko sa sarili ko na hindi ako fully prepared at hindi ko lahat naaral ang mga dapat kong maaral sa loob ng tatlong buwan.”

Hindi rin niya nasunod ang mga pamahiin at hindi nagawang makabisita sa simbahan bago ang exam.

“Ang tanging dala ko lang ay ang pangarap ko, dasal sa Panginoon, at ang pamilya kong sumusuporta sa akin ng mga oras na iyon," aniya.

Dahil bulag siya, may itinalagang assistants kay Nerikka. “May dalawang proctor ang nakatabi sa akin.

“Ang isa ay ang naatasang magbasa ng mga tanong, samantalang ang isa naman ay ang in-charge sa [pagsusulat] sa mga sagot ko.

“Para maiwasan ang pandaraya ay mayroong audio recorder sa buong period ng examination.”

Nerikka Escario

Nagkaroon din ng matinding pressure kay Nerikka dahil sa time constraint.

May pagkakataong, “Hindi ko na pinabasa ang mga choices kapag narinig ko na ang tanong, sasabihin ko na lang sa proctor, ‘Sir/Ma'am, may ganito bang sagot sa choices?’”

Nagawa niyang makatapos sa General Education at Professional Education exams.

Panghuli niyang sinagutan ang kanyang TLE major, kung saan siya pinakanahirapan.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

“Pati mga proctors ko ay natatakot sa exam ko. ‘Naku Ma'am, sa dami ba naman ng Major na kukunin mo, ito pang sinasabi nilang mahirap.’”

Aminado si Nerikka na ang pinakamahirap sa exam na iyon ay ang math problems.

Sabi niya, “Paano ka magco-compute ng mga tanong kung hindi mo nakikita ang mga nakasulat?

“Bawal din naman ang calculator. Wala akong ibang choice kung hindi mag-mental math sa calculation.”

Si Nerikka ang pinakahuling examinee na naiwan sa classroom kasama ang dalawang proctors.

Pero wala siyang sinayang na panahon. “Sinagad ko nang mabuti ang oras at pagsagot sa bawat item.”

Natapos niya ang exam.

Tuwing tinatanong siya ng ibang tao ukol sa exam, sinasabi ni Nerikka na nahirapan siya.

“Sinasagot ko na lang, magta-try na lang ako next year. Kinokondisyon ko sila para hindi sila mag-expect nang sobra."

December 2022 lumabas ang resulta at nakapasa si Nerikka.

“Sobra-sobrang saya ang nadama ko. Worth it lahat ng pagsubok ko sa journey ng pagre-review at pag-e-exam.”

board exam passers

WHAT’S NEXT FOR NERIKKA

Paliwanag ni Alfred Mark Aguilor, review director ng REO Top The Let Review Center, si Nerikka ang kanilang unang student na person with disability.

“We really had to adjust the review program to be more inclusive, to cater to needs of students such as Nerikka.”

Ginawa rin nilang scholar si Nerikka sa kanilang review center.

Sabi ni Mark, “I’m very amazed by Miss Nerikka. She really passed the board exam knowing po yung TLE, yan po ang isa sa pinakamahirap na major sa teachers board in terms of passing rate.”

Ano naman ang susunod na plano ni Nerikka?

“Gusto ko po talagang magturo,” sagot niya.

Kasalukuyan siyang nagpa-part-time para turuan ang mga katulad niyang bulag na matuto sa Braille at computer and technology.

Hangad din niyang makapagturo sa public school at napag-alaman na ang kaso niya ay maaaring italaga sa special education (SPED) unit.

Ani Nerikka, pinag-iisipan pa niya kung magtuturo siya sa regular students o yung mga kagaya niya ang sitwasyon.

Ang payo naman niya sa mga kukuha ng board exam o sinumang may pinagdadaanan, “Kung gusto po talaga nila yung bagay na iyon, wag po nilang sukuan.

“Talagang dadaan at dadaan talaga tayo sa pagsubok. Wag po silang titigil.

“Sabi ko nga po magpahinga lang po sila kung napapagod. Then pag nakapagpahinga, continue. Then laban lang. I-pursue lang po yung gusto nila.”

Ani Nerikka: “Madilim man po ang aking nakikita pero maliwanag naman sa sikat ng araw ang aking pangarap at pag-asa.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

HOT STORIES

Read Next
PEP Live
Featured
Latest Stories
Trending in Summit Media Network

Featured Searches:

Read the Story →
Nang mag-board exam si Nerikka Escario, kinabahan para sa kanya ang kanyang proctors: “Pati mga proctors ko ay natatakot sa exam ko. ‘Naku Ma'am, sa dami ba naman ng Major na kukunin mo, ito pang sinasabi nilang mahirap.’”
PHOTO/S: Nerikka Escario / REO Top The Let Facebook
  • This article was created by . Edits have been made by the PEP.ph editors.
    Poll

    View Results
    Total Votes: 12,184
  • 50%
  • View Results