Bukod sa umaapaw na talento sa pagkanta, makulay rin ang life story ni Ralph Angelo Merced, ang current defending champion ng “Tawag ng Tanghalan” (TNT) ng It’s Showtime.
At press time, mayroon nang tatlong panalo si Ralph.
Noong January 30, 2023, binigyan siya ng moment ng It’s Showtime hosts para makapag-propose sa kanyang girlfriend during the interview portion.
Siya rin ang itinanghal na winner sa pagtatapos ng kumpetisyon.

Read: Kuwento ni Private Moirah: Miss Q & A contestant na dating sundalo
RALPH ALMOST A DECADE IN A CHILDREN’S HOME
Sa It’s Showtime episode noong Sabado, February 4, inusisa ng host na si Vice Ganda ang pamamalagi ni Ralph sa bahay ampunan o children’s home sa matagal na panahon.
Pitong taon lamang si Ralph nang ipasok siya roon ng kanyang lola.
Iyon ang nagsilbing tahanan ni Ralph sa loob ng siyam na taon.
“Nung time na iyon, wala ang nanay at tatay ko, e. Yung lola ko lang ang nagpalaki sa amin,” simula ni Ralph.
“So dumating yung time na hindi na kaya ni Lola yung buhayin kami kasi magkahiwa-hiwalay kami, e.”
Iyon daw ang naisip na paraan ng kanyang lola para mas maging mainam ang kinalalagyan ni Ralph.
“Yung environment sa amin, hindi maganda so talagang inilagay niya [lola] ako doon para maiba ako. Yun yung reason niya bakit nilagay niya ako doon [sa ampunan].”
Sundot nina Vice at Karylle, inisip ng lola ni Ralph ang kapakanan nito para mapabuti ito.
Nang lumabas si Ralph ng children’s home ay 15-16 anyos na siya.
“Kasi nung time na iyon, nagbawas na ng bata sa orphanage kasi may papasok na naman,” ani Ralph.
Pagkalabas sa ampunan ay umuwi si Ralph sa kanyang lola na kalaunan ay pumanaw rin.
“Pagkawala ng lola [ko] kahit saan na lang ako pumupunta,” sabi ni Ralph.
May isang dekada nang wala ang lola ni Ralph ngayon.
Bagamat matagal siyang nanatili sa children’s home, hindi hinangad ni Ralph na magpaampon.
Sabi niya, “Di naman po lahat ng bata doon [ay] nagpapa-adopt. Sa akin, hindi naman po. May mga gusto [umampon], pero di ko po tinanggap.
“Halo kami doon. May mga batang wala talagang pangalan, dun na pinangalanan.”

Hindi na natalakay sa interview kung ano ang ginawa ni Ralph matapos pumanaw ang lola.
Pero ang tiyak ay hindi siya napariwara at nasa maayos ang lagay niya ngayon.
vice ganda praises ralph
Hindi naman naitago ni Vice ang pagkabilib kay Ralph dahil naging maayos ang kanyang buhay pagkatapos umalis sa bahay-ampunan.
Sabi nito kay Ralph: “Ngayon naman ang daming pagkakataon ikaw ang pinipili.
“May isang babaeng pumili sa iyo para pakasalan ka.
“Yung mga hurados tuwing kakanta ka, ikaw ang pinipili para manalo.
“Pinaparanas sa iyo ngayon na ikaw ang pinipili, ikaw ang pinapaboran. Ikaw yung gusto."
Tinawag din niyang “ball of positivity” si Ralph, at sinabihan na "ang ganda-ganda ng awra mo.”
Pagpupuri pa ni Vice kay Ralph, “Mukha kang buong-buo. Buo ang loob, buo ang puso mo, yung utak mo, buo ang plano mo—plano mong mag-propose, plano mong manalo, parang buong-buo ka.
“Puwede pa lang maraming mangyari sa buhay mo na hindi masyadong magaan, mabigat…
“Pagkatapos mangyari iyon, puwede kang tumayo, tumindig nang buo.
“Yung iba mananakaw ang kumpiyansa mo, paniniwala sa sarili mo, pero ikaw pag tumitindig ka dito, buung-buo ang iyong kumpiyansa.”
Dagdag ni Karylle, “living testament” daw si Ralph na kahit gaano siya katagal sa children’s home ay may naghihintay na magandang buhay sa kanya.
Ngayong Martes, February 7, nasungkit ni Ralph ang kanyang pang-apat na panalo sa TNT.
