Pinag-aagawan ang serbisyo ni Lerma Triplett, dating naglalako ng isda mula San Miguel, Zamboanga del Sur at ngayon ay nagtatrabaho sa America bilang construction worker.
Nakapanayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Lerma nito lamang Martes, February 14, 2023, at kuwento niya, “Dahil siguro sa sobrang hirap ng buhay namin kaya every morning, my motivation [is] that I need to work hard dahil ambisyosa ako.”
Sa kanyang sipag at dedikasyon sa trabaho, hindi nakapagtatakang nag-uunahan ang builders sa pagkuha ng kanyang serbisyo pagkatapos ng isang project.
Sabi pa raw ng mga ito, “I steal Lerma from you cause I need her in my crew.”
Ilan sa mga proyektong napagtrabahuhan ng Pinay construction worker ay ang pagtatayo ng mga parking lots, bridges, at roads.
Bukod sa magandang kinahinatnan ng pagiging OFW, suwerte din ang kanyang buhay pag-ibig sa piling ng Amerikanong asawa na nakilala niya sa Kuwait noong 2010.
Ngayon ay masaya silang naninirahan sa Lacey, Washington.
Read: Pinay piniling maging truck driver kesa nurse sa U.S.: “Yung sahod ko mas malaki pala.”
Dagdag kuwento ni Lerma: “Wala kaming anak pero ako nagpalaki sa 2 kong stepdaughter and they call me Mama. Parang anak ko na din sila.”

MATAMIS NA BUNGA NG HARD WORK, GINHAWA NG KANYANG PAMILYA
Bagamat hindi maipagkakaila na ang kasipagan ang naging susi ni Lerma sa tagumpay, hindi rin niya isinasantabi na masuwerte siyang nakatagpo ng mababait na boss.
Kuwento niya sa PEP.ph, “Since high school, pangarap ko na talaga mag-abroad kasi panganay ako at gusto ko na matulungan parents ko para makapag-aral mga kapatid ko.”
Bata pa lamang si Lerma ay tumutulong na ito sa kabuhayan ng kanyang pamilya.
Isinabay niya sa pag-aaral ang paglalako ng gulay at pagtitinda ng isda, simula noong siya ay elementary hanggang mag-college.
At nang makatapos ay saka naghanap ng oportunidad na magdadala sa kanya sa ibang bansa.
Bago makarating ng U.S., naunang nagtrabaho si Lerma sa Dubai.
Kalaunan ay nalipat siya sa Kuwait at nagsilbing machine operator sa Fresh World International.
Palibhasa ay sanay sa hirap at sa pagbabanat ng buto, kung anu-anong raket ang ginagawa niya habang nasa ibang bansa, at wala siyang pagsubok na inaatrasan.
“Daming mga side hustle job, like nagpapautang ako ng load, damit, bag, shoes, at gold para may extra income.”
Dagdag kuwento pa ni Lerma, “Mahirap ang work ng construction worker. Sobrang init kung summer at sobrang lamig kung winter, but I have goal na makapag-ipon, magkaroon ng investment and property sa Pinas.”
Unti-unti naman niya itong natutupad.
Sa ngayon ay nakapagpundar na si Lerma ng bahay at lupa sa kanyang hometown at nabigyan ng negosyo ang kanyang mga magulang.
Napag-aral din niya ang kanyang mga kapatid at pinsan.
Higit sa lahat, patuloy niyang nabibigyan ng kasiyahan ang mga mahal sa buhay.
Ang mga simpleng pangarap noon ay nangyayari na ngayon.
Pagbabalik-tanaw ni Lerma, “Nakatatak na sa isip ko na gusto ko mabago ang buhay ng mga kapatid ko, mga pamangkin ko.
“Ayaw kong maranasan nila mga paghihirap na dinanas ko at gusto ko din maranasan ng parents ko makapasyal sa ibang lugar, mabigyan sila ng mga bonggang birthday at ma-spoiled sila kasi alam kong di nila naranasan yan noon.”
Naipapasyal na rin niya ang mga ito sa tourist spots sa Pilipinas, at nabibigyan pa umano niya ng mga magarang celebrations, tulad noong nakaraang Pasko at Bagong Taon.
SACRIFICES OF LERMA AS OFW
Sa kanyang post noong December 25, 2022, isang enggrandeng Christmas eve ang kanyang ini-sponsor-an sa Pilipinas dahil hindi nakauwi si Lerma.
Nagpasalamat siya sa kanyang “Manang” Mary Bacus Quaipo na nag-organisa ng kasiyahan para sa kanilang angkan.
Bahagi ng post ni Lerma: “so happy to see all happy.”
Sponsor siya ng selebrasyon para pamilya, pero ramdam niya ang pangungulila dahil nasa U.S.
May pagka-homesick ang post ni Lerma noong December 24.
Aniya, (published as is): “Kng nsa Pinas pa kami walang tulogan mg balot Ng mga candy at chocolate for kids, preparation sa mga gift's,Yung Ang Dami mo ng Plano kng Ano ipapalaro sa MGA parlor games...Pero Hanggang throwback nalang Muna sa Ngayon...”

Ramdam ito sa isa pang post ni Lerma noong Pasko.
Ibinahagi ni Lerma ang isang Facebook memory nang iparanas sa kanyang mga kababayan ang isang Santa Claus.
Taong 2016 nang umuwi sila ng kanyang asawa sa Pilipinas at may kasama siyang lalaking nakabihis-Santa Claus na nagpamahagi ng saya, candies, at chocolates.
Caption noon ni Lerma sa post (published as is): “Thank you Lord for the successful event..im so happy that my whole family was so happy and All had fun for the 1st time they had chance to be with the real Santa in Christmas time...”
Dahil nakakaluwag-luwag na sa buhay, ipinalalasap ni Lerma sa kanyang pamilya at mga kababayan ang mga bagay na hindi pa nila naranasan.
Pero kaakibat nito ay mga sakripisyo, at isa na rito ay ang pagiging malayo niya sa pamilya at sa bansa.
Mahirap din ang trabaho, pero kinakaya niya lalo pa't kapalit nito ang mas maayos ng buhay para sa kanya at sa pamilya.