Pinatunayan ni Lorna Acala Eluna ng Lingasad, Polanco, Zamboanga Del Norte na iba ang lakas ng Filipina.
Anuman ang kayang gawin ng kalalakihan, kaya rin ng mga kababaihan.
Nag-viral kamakailan ang kanyang Tiktok video habang nagbubuhat ng sako-sakong bigas.
Makikita rito na parang walang kahirap-hirap para kay Lorna ang magbuhat ng mga tig-25 kilong sako ng bigas tuwing may bibiling customers.

Ang isa sa kanyang videos na pumatok sa netizens ay nagtamo ng 1.7 million views, 77,600 heart reactions, at 3,526 comments.
Mayroon pa siyang ibang video na nai-post din sa social media, dahilan para mabansagan siyang Madam Kargador ng Zanorte, na siya na ring ginamit bilang handle name sa kanyang Youtube channel.
Kagaya sa kanyang Tiktok at Facebook accounts, women empowerment din ang ibinibida ng 32-year-old na si Lorna sa kanyang YouTube channel.
Read: Pinay who used to sell fish in the Philippines, now in-demand construction worker in the U.S.
SANAY SA SAKO SAKONG BIGAS
Sa kasalukuyan ay may asawa na si Lorna at dalawang anak.
Ang viral videos ng pagbubuhat niya ng bigas ay kinunan sa kanilang grocery at rice retail store, na negosyo nilang mag-asawa.
Bagamat may mga tauhan, aminado si Lorna na sanay siyang magbuhat nang mabibigat na bagay.
Kuwento niya sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) nitong Miyerkules, March 22, 2023, na bata pa lamang ay batak na ang kanyang katawan sa trabaho.
“Basic lang na trabaho ang pagbubuhat kasi nakasanayan ko na ito. Anim na taong gulang ako ay nagbabanat-buto na kaming mga magkakapatid sa sinasaka ng aming mga magulang.”
Pang anim sa labing-isang magkakapatid si Lorna at dahil sa hirap ng buhay, kinailangan nilang matutong magsikap.
Kaya’t hindi lamang pagbubuhat ng isang sakong bigas ang kaya ni Lorna.
Kayang-kaya niyang gawin ang mga trabahong karaniwang ipinapagawa sa mga lalaki, tulad ng pagsisibak ng kahoy, pagsasalok ng tubig, at pagsasaka.

Kalaunan ay nakapagtapos siya ng kursong Bachelor in Science in Business Administration.
Sa kasalukuyan, naninirahan siya sa Dipolog City, kapiling ang asawang si Cris at dalawang anak na sina Clarice at Tonton.
Hindi man sila mayaman, proud si Lorna sa mga pagbabago sa kanilang buhay.
Aniya, “mas okay ang buhay ko ngayon kompara noon.”
“GALAW-GALAW TAYO KAHIT WALANG LALAKI KASI HINDI NAMAN TAYO PWD”
Buhay na patunay si Lorna na walang pinipiling kasarian ang anumang trabaho.
Para sa kanya, hindi dapat itago ng mga babae ang kanilang kakayahan.
“Kung ano ang kaya ng mga lalaki ay dapat kaya rin natin, kasi sa mata ng DIYOS ay pantay lang tayo mapa-babae man o mapa-lalaki, mahirap man o mayaman, edukada ka man o hindi. Respeto lang ang mahalaga sa lipunan.”
Malaking bagay rin daw na hindi lamang siya nakatunganga at naghihintay ng sahod ng kanyang mister.
Payo niya sa mga kapwa kababaihan, “Gawa ka ng ibang source of income mo kahit na sa bahay ka lang.
“Galaw-galaw tayo kahit walang lalaki kasi di naman tayo PWD.”
Recently, nakatanggap ng award si Lorna sa kanilang lugar para sa pagdiriwang 2023 Women’s Month Celebration.
Ang certificate of recognition ay mula sa kanilang Municipal Social Welfare Development Office.
