Maraming Pilipino sa Dubai, United Arab Emirates (U.A.E), ang angat ang husay at galing.
Katulad na lamang ni Marygoldcez Carolino Diwa De Castro, 37, o Mary, na “unang Pilipinang driver” ng double-decker bus doon.
Si Mary ay taga-Lemery, Batangas, may asawa at dalawang anak na babae.
Dati siyang maybahay, pero nagdesisyong mag-abroad.
“Nakapunta ako dito sa Dubai last 2019 para na din makatulong sa asawa ko sa gastusin namin para sa pamilya,” mensahe ni Mary sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal).
Una siyang namasukan bilang saleslady sa Dubai, subalit nung nakakita ng oportunidad na gamitin ang kaalaman sa pagda-drive, hindi niya ito pinalampas.
Sabi niya, “Bata pa lang, marunong na ako mag-drive dahil sa tito ko. Hilig ko na talaga mag-drive.
“Nag-try ako mag-apply sa RTA [Roads and Transport Authority] bilang bus driver at sinuwerte naman, kaya ako naging unang bus driver na babae dito sa Dubai.
“Sa ngayon, nagmamaneho na ako ng double-decker bus, at ang ruta ko ay X25 (Karama to Academic City), F24 (Stadium to Al Nahda 1), F24 (Al Qusais to Stadium).”

CHALLENGES OF BEING A FEMALE DRIVER
Marunong man sa pagmamaneho, dumaan pa rin sa maraming adjustments si Mary dahil nasa isang banyagang bayan siya.
“Naging challenge sa akin bilang driver yung language ng mga pasahero ko. Di pa ako ganoon kagaling makaintindi ng Arabic.
“Naging challenge din yung laki ng bus, kumpara sa sasakyan na namamaneho ko sa Pilipinas.
“Pero dahil sagana ako sa mga training, naging madali na lang ang lahat.”
READ:
Meet Normando Macalinao, Pinoy magician in Dubai who leaves Paris Hilton, Ne-Yo, VIPs in awe
Taxi driver laking-gulat nang si Ina Raymundo ang tumanggap ng isinauling cellphone
May ilang diskriminasyon din siyang naranasan bilang isang babaeng driver sa Dubai.
“Kapag may mga minor problem yung bus, andun yun matatanong ka ng mga pasahero, mostly yung mga lalaki, kung kaya ko ba, kasi babae nga ako.
“Pero bukod dun, wala naman, kasi dito sa U.A.E., nagbibigay talaga sila ng oportunidad na maging pantay ang lahat, babae ka man or lalaki. At ginagalang nila ang mga babae dito.”
ACHIEVEMENT AS A PINAY DRIVER
Para kay Mary, karangalan ang kilalaning “unang Pinay bus driver” sa U.A.E.
“Achievement para sa akin na maging history dito sa U.A.E., bitbit ang bansa nating Pilipinas; ang mga compliments ng mga pasahero; at pagpapasalamat nila sa safe ride, at pagiging proud Filipino dahil sa propesyon ko.”
Malaking bagay raw ang pagiging ina ni Mary para mapagbuti ang kanyang trabaho bilang isang bus driver.
“Tulad ng isang ina na maalaga sa pamilya, ganoon din ako bilang isang driver na maalaga at sinisigurado ang kaligtasan ng mga pasahero ko.”

Bagamat ang industriyang kinabibilangan ni Mary ay dominado ng mga lalaki, pinatunayan niyang kayang-kaya na makipagsabayan.
Payo niya sa mga kapwa babae, “Huwag kayo matakot na sumubok ng mga bagong bagay na akala niyo, mga lalaki lang ang may kaya.
“Magtiwala lagi sa kakayahan nating mga babae. Hindi lang tayo basta babae, BABAE tayo!
"Mabuhay tayong mga kababaihan.”
