Hindi naging hadlang ang kapansanan ng isang Grade 10 student para manalo sa isang patimpalak na high school editorial cartooning competition.
Si Kim Guanzon, 16, isang student journalist mula sa Bulanon Farm School sa Sagay, Negros Occidental, ang nanalo sa nabanggit na category sa 2023 Division Schools Press Conference (DSPC) Region VI-Western Visayas.
Ang nakabibilib kay Kim, ay wala siyang mga kamay at paa. Isa siyang person with disability (PWD).
Read: Honor student Aldrin Pawa, binansagang "Putol" dahil sa kapansanan, pero buo ang pangarap
Subalit hindi ito naging hadlang para manguna siya sa kumpetisyon.
Ipinost ni Rene Jun Gasper, isang secondary teacher na present sa conference, ang larawan ni Kim at ang kanyang nanalong obra.
Ang artwork ni Kim ay tungkol sa paghihirap na hinaharap ngayon ng mga ordinaryong mamamayan.
“Na inspire lang ako sa kanya first time ko siyang nakita during District Press Conference. Di ako makapaniwala na mas magaling pa siya gumuhit sa akin kahit kumpleto ako,” caption ni Rene sa kanyang Facebook post noong Mayo, 19, 2023.
“You’ve got an exceptional talent my dear..Soar high!”
DREAM OF BECOMING AN ARCHITECH
Bata pa lamang ay mahilig nang mag-drawing si Kim kaya sinuportahan siya ng kanyang mga magulang.
Maraming beses na rin siyang sumali sa drawing contests sa elementary at high school, ulat ng Rappler.
Bukod sa mga magulang niya ay ang kanyang mga guro at mga kamag-aral para magbigay ng moral support.
Dahil likas na hilig ang pagdu-drawing, na-improve ni Kim ang kanyang kakayahan sa pagguhit.
Aniya sa Rappler, “Minsan marami akong mga mali or erasure, pero kapag pinag-igihan ko sa pagpraktis ay mas na-iimprove yung pag drawing ko.
“Kaya ito rin yung isa sa paraan ko upang hindi ako mahihirapan… pinagsikapan ko talaga at pinagigihan sa pag practice hanggang makabisado ko na yung iguguhit ko.”
Hangad ni Kim na magsilbing inspirasyon sa ibang tao, lalo na sa mga kagaya niya.
Sabi niya, “Ipagpatuloy po nila yung gusto nilang gawin at huwag po mahiya na ipakita yung kanilang talento at gamitin sa tama.”
Pangarap daw ni Kim na maging architect balang araw at maipagpatayo ng bahay ang kanyang pamilya.
Matapos manalo sa DSPC, si Kim ang magiging kinatawan ng Negros Occidental sa 2023 Regional Schools Press Conference ngayong June.
