“Kung kaya ng mga lalaki, kayang-kaya rin ng mga babae.”
Ito ang nagmistulang motto ng tatlong lady riders mula sa Cavite na piniling magtrabaho sa isang male-dominated industry.
Kabaligtaran sila ng damsels in distress dahil hindi nila alintana ang init ng araw, lakas na ulan, at maging ang pagmamaliit ng iba.
Sila ay sina Marifel “Marie” Ariola, Glenda Cervantes, at Mary Ann Calinao—at ibinahagi nila sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) ang kani-kanilang mga kuwento nitong Marso 29, 2025.
MARIBEL ARIOLA: PAGSUSUMIKAP PARA SA PANGARAP

Limang taon nang delivery rider si Marifel, 51, o mas kilala bilang Marie.
"Napasok ako, may ninang akong nanghikayat sa akin kung gusto ko raw.
"Dahil sa dagdag income, pumayag ako para makatulong ako sa asawa ko,” ani Marie.
Pabor sa kanya ang pagiging delivery rider dahil sa work hours.
Aniya, "Kapag ako nagtrabaho sa iba, 8 to 12 hours. Dito kasi, any time, nakakauwi ako. Yung mga gawaing bahay, naisisingit ko sa work."
Sanay na siya sa mga hamon na dulot ng kanyang trabaho.
"Sa akin naman kasi, sa una lang ako nahirapan. Pag mainit, okay lang sa akin, huwag lang tag-ulan. Mahirap sa akin pag tag-ulan."
Marami na rin siyang naranasang diskriminasyon.
“Ilang beses na pinagsasabihan kami nang hindi maganda, napagkakamalang pulubi, ganoon, yung itsura.
"May time rin na noong una, sabi sa amin, 'Lalaki yung nandoon sa apps, bakit ikaw ang nag-deliver?' Sabi ko, 'Helper po kami, amo ko iyan.'
"Pero okay lang kasi ang importante sa amin, kumikita kami sa marangal na paraan."
At tila malayo pa sa isip niyang tumigil sa pagtatrabaho. Sa katunayan, bukod sa pagiging rider, isa rin siyang seller.
“Ako kasi, wala akong balak sumuko kasi nga nasanay na.
"Malaking tulong tapos sa dami ng obligasyon, kahit pagod, tuloy pa rin.
"Para akong Christmas tree, dalawang bag, madaming plastic bag. Ngayon, may ice candy na dagdag."
Kahit pagod, masaya siya dahil may extra income para sa pamilya.
"Masaya ako sa nangyayari sa buhay ko, pero nahihirapan din ako kasi tao ako, nakakaramdam.
"Mas maganda buhay ko ngayon kasi nga nakakatulong ako ngayon sa pamilya, sa asawa ko, sa anak ko.
"Hindi man sobra yung kinikita ko, totoong kapos, kapos kami, [pero] nakaka-survive kami...
"Masaya ako ngayon, basta sasamahan ng dasal, lahat, naniniwala ako sa dasal. Makakaraos ka kung ano gusto mo."
Ang pangarap ni Marie ay mapagtapos ang anak na kumukuha ng kursong BS Marine Transportation sa kolehiyo.
GLENDA CERVANTES: BIYUDANG NAGPUPURSIGE PARA KAY BUNSO

Si Glenda naman, 56, ay isang biyuda at ina ng apat na anak.
Ang kanyang bunso ay isang special child na may Stage 2 diabetes.
Ang pangunahing source of income niya ay pananahi ng basahang bilog.
Sa kagustuhang kumita ng extra, nagdesisyon siyang subukan din ang pagiging rider.
Kuwento niya, "Iyon ang pinaka-income ko kasi, dahil wala na akong asawa, e. Nananahi ako. Iyon ang main income ko, yung bilog na basahan.
"Hanggang naisip ko na kailangan ko ata ng stable na income, nag-approach ako kay Marie na sabihin sa amo niya, tapos ayun, tinawag na ako.
"Parang one year and a half pa lang ako. Ano lang yun, e, nakatayo lang ako sa may harap ng bahay, nagdidilig. Dumaan yung isang rider.
"Pero nakikita ko na si Marie na nagde-deli-deliver. Tapos nung nakita ko yung isa, sabi ko, ‘Ay Madam, paano ba mag-apply diyan?’”
Sa paglipas ng panahon, natutunan niyang pagsabayin ang pananahi at pagiging rider.
Hindi siya gaanong affected sa mga nagsasabing pang-lalaki ang trabaho ng isang rider.
"Tulad nga ng sabi nga ni Marie, yung kaya ng lalaki, kaya rin natin mga babae. Baka mas higit pa nga, e, kasi, lalo sa ating mga nanay, mas matiyaga na tayo, e. Nandoon na yung focus natin.”
Ang iniinda lang niya ay ang pagiging judgmental ng ilang tao.
Paglalarawan niya, "Kadalasan kasi yung mga iba, nagbibingi-bingihan lang or yung andiyan na sila, tititigan ka kasi akala nila namamalimos ka, hindi mo pa ano, 'Ay wala!' gaganoon sila, akala nila namamalimos ka kasi sa dala-dala naming bag, dalawa.
"O, yung iba sabi nila, 'Ay hindi kami bibili.' Akala nila, paninda."
Pero bukod doon ay masaya rin siya sa kanyang trabaho.
“Kahit ganun, parang na-e-enjoy ko rin naman, e. Di ba sabi nga kahit anong hirap, kung enjoy mo yung trabaho mo, kumbaga, nandun na yung pagmamahal mo sa trabaho mo, e.
"At saka isa pa, financial din, kasi kahit na maliit ang kita, di ba, mayroon kang sariling pera na alam mong dumarating."
Bagamat isa sa mga anak niya ay may trabaho na at tumutulong sa mga gastusin, gusto niyang mas mapabuti ang lagay ng kanyang bunso.
"Kasi nga di ba wala na akong asawa? Tapos may anak ako, isa, sumusuporta sa akin, pero hindi naman sapat.
"E, yung special child ko, medyo kailangan [alagaan] dahil diagnosed siya ng Stage 2 diabetes.”
Halos maluha-luha siya habang inilalarawan ang lagay ng kanyang bunso, na siyang motivation niya para mas magpakasipag sa paghahanapbuhay.
“Sa sarili ko, wala na siguro, para lang doon sa anak ko, doon sa bunso ko na special child. Yung mabigay ko yung pangangailangan niya.
"Pangarap ko doon na maipasok ko man lang siya sa school. Yung sa SPED ba.
"Gusto na rin niyang mag-aral, e, kaya lang, saan ko siya ipapasok? Magpo-fourteen years old na siya, e. Hanggang kinder lang siya, e, no read, no write, e.
"Hindi siya talaga natuto kasi hindi niya ma-adapt yung ano. Hindi siya talaga natutong magsulat, mag-adapt.
"Dapat iyan, sa daycare pa lang, parang two years ko siya pinag-daycare, wala siyang natutunan talaga.
"Kaya kailangan niya talaga ng special attention sa school, sa studies. Hindi siya kailangan ihalo sa mga ano kasi yung kailangan ng bata, yung tutok siya, tutukan."
MARY ANN CALINAO: LAKAD PARA SA PAMILYA

Si Mary Ann, 43, na kilala bilang Ann, ay pumasok sa mundo ng pagde-deliver noong panahon ng pandemya.
“Nag-start ako nung pandemic. Five years. Kasi wala kami magpagkuhaan, siyempre, walang trabaho yung asawa ko, yun ang naisip namin.
"So far, parang yung trabaho na lumapit sa amin, e, kasi kapitbahay lang namin yung courier.
"Yun nga, yun ang thankful na kami dahil nagkaroon kami ng trabaho na parang hindi ka na mamamasahe, mga ganun,” kuwento niya.
Ang set-up: Ang courier van ay may laman na sari-saring parcels. Ang mga rider ang nagdadala sa recipients.
Noong una, kasa-kasama niya ang asawa sa pagde-deliver, ngunit nang bumalik ito sa trabaho, nagdesisyon siya ipagpatuloy ang trabaho.
Pero sa simula, hindi siya technically rider.
For one year, naglalakad siya para mag-deliver dahil wala siyang motor.
Eventually, nakabili siya ng e-bike na naging katuwang niya sa paghahatid ng mga parcel.
Hindi niya nakikitang mahirap ang trabaho at all. Para sa kanya, isa itong magandang oportunidad.
“Para sa mga anak, sa pamilya. Sa pamilya ko, para makatulong ako sa gastusin sa bahay, at the same time, yung sa mga bayarin ng bills,” ani Ann.
Bagamat nakaranas siya ng panghuhusga at pagmamaliit, balewala lang ang mga ito sa kanya.
“Minsan yung mga buyer na parang mapanghusga sila na, 'O, bakit babae nag-deliver? E, lalaki nga yung ano,' kaya magangatwiran ka na lang na, 'Ay, courier ko po yun.'
"Natural na yung ganung ano, e. Kasi, di ba, usually, minsan, lalo na pag mayayaman yung ibang customer. Na-encounter ko yun, yung parang, 'Nagde-deliver ka lang?'
"Sabi ko, 'Opo, tumutulong lang ako sa asawa ko, kailangan ko itong gawin.' Ganun yung panghahamak na na-encounter ko.
"May mga customer din na parang hindi sila nahihiya na nakakaabala sila, di nila kukunin yung parcel, pababalikin ka pa.”
Pero masaya si Mary Ann sa trabaho niya.
"Hindi ko naman naisip na sumuko kasi, yun na nga, gustung-gusto ko yung trabaho ko. Mahal ko yung trabaho ko.
"Dahil doon ako, siyempre, kumikita ako doon. Kaya hindi ako tinatamad. Wala akong ano na tinatamad ako.
"Ang naalala ko lang noon na medyo na nag-struggle ako, nung may Shopee pa ako. Dala-dalawa, may Shopee ako, may Lazada ako, doon ako nahihirapan.
"Yung parang wala na akong oras, puro trabaho na lang. Matutulog ka na lang pagdating, ganun. Kaya doon, medyo yun ang hirap ako noon.”
Ang kanyang motivation sa buhay ay simple: makatulong sa pamilya.
“Ano lang, makatulong lang talaga. Kasi hindi naman ganun kalaki ang suweldo, ang kinikita ko doon.
"Pero ang sabi nga sa akin ng asawa ko, kahit maliit man o malaki, malaking tulong na yun sa kanya,” aniya.
Hindi rin naman niya naiisip na pang-lalaki ang trabaho. Ang mas mahalaga: masipag siya at maganda ang work attitude.
"Wala. Wala akong nakikitang pagkakaiba kasi kung ano yung nagagawa nila, nagagawa rin ang babae.
"Katulad ko, yung mga parcel na nasa akin, puro bulky.
"Sa lalaki nga, minsan tinatamad pa silang magbitbit ng maliliit na parcel, e. Ako hindi. Kung maliit mapunta sa akin, okay lang. Malaki, okay lang din."
"Proud ako na kung ano yung trabaho ko na dapat sa lalaki, nagagawa rin ng babae.”
At sa mga gaya niyang lady riders, may mensahe siya:
“Huwag kang mahihiya. Hindi dapat ikahiya yung trabaho na ganito.
"Hindi ako nakaramdam na nakakahiya yung trabaho ko. Minsan nga, proud pa ako na maraming nakakakilala sa akin.
"Isa pa, marangal na trabaho talaga siya."
Sina Marie, Glenda, at Ann ay tatlong babaeng may kanya-kanyang laban.
At living proof sila na wala sa kasarian ang kakayanan ng isang tao.
Ang tunay na lakas ay hindi nakukuha sa height o laki ng muscles kundi sa tiyaga, determinasyon, at pagmamahal sa pamilya.
Cheers to all the women breaking barriers in a male-dominated world!