Naging mukha ng inspirasyon ang 27-anyos na binatang taga-Bukidnon na nakapagtapos ng engineering habang nasa loob ng bilangguan at nakapasa sa apat na professional licensure exams.
Marami ang bumilib kay Daniel Quisa-ot, taga-Bukidnon, dahil sa kanyang pambihirang life story.
Read: Meet Daniel Quisa-ot, the detainee with 4 professional licenses
Pero ayon kay Daniel, katulad ng ibang tao, may mga pagkakataong ginusto na niyang sumuko.
Humugot na lamang daw siya ng lakas mula sa Diyos at sa mga mahal sa buhay.
Idinetalye ito ni Daniel sa panayam sa kanya sa DZMM Teleradyo noong September 20, 2025.
Inamin niya na noong na-detain siya, inisip daw niyang tumigil sa pagiging mabuting tao.
Himutok niya, buong buhay raw niya mula pagkabata ay nagpakabait siya, pero bumagsak siya sa piitan.
Hindi na nagdetalye si Daniel ukol sa kinasangkutang kaso.
Pero nangyari iyon noong 2019, at isang semester na lamang ay magtatapos na sana siya sa kursong Bachelor of Science in Electrical Engineering sa Central Mindanao University, Bukidnon.
Makalipas ang isang linggo sa kulungan, kumapit daw siya sa kanyang pananampalataya, at nagsilbing gabay niya ang Bible verse na Jeremiah 29: 11: “’For I know the plans I have for you,’ declares the LORD, ‘plans to prosper you and not to harm you, plans to give you hope and a future.'”
Kailangan niyang tumigil sa pag-aaral.
Subalit makalipas ang ilang buwan, tinulungan siya ng kanyang paaralan na maipagpatuloy ang pag-aaral habang naka-detain.
Malaking hamon iyon na hinarap niya habang nasa piitan.
“Yun po ang pinaka-challenging part ng aking buhay sa loob. Kasi po wala pong mga resources, gadgets, library, wala…
“Ang ginagawa ko lang po, tinatanggap ko lang po yung mga handouts and lectures na binibigay ng mama ko sa akin. Galing po yun sa mga kaklase ko po.”
Pati ang thesis niya ay nag-fokus sa jail alarm at communication system na in-install niya sa ilang selda.
Hindi raw niya malilimutan ang nasaksihang pagkamatay ng kasamahan sa loob dahil sa mabagal na responde ng authorities. Kahit anong sigaw raw nila, hindi agad dumating ang hinihinging tulong.
Sa pamamagitan ng kanyang thesis, nakagawa siya ng communication system na tila paging system na magagamit sa bilangguan sa oras ng emergency.
Read: Greek heiress survives cancer but dies from insect bite
ALMOST QUIT STUDYING
Sa isang punto, muntik na raw siyang tumigil sa pag-aaral.
“Parang hindi ko na po kaya. Hindi lang yung hindi ko nakikita yung lectures ko, hindi ko nakikita yung professors ko, hindi ako nakakapagtanong, walang resources…
“Ang pinaka-challenging po sa akin, yung lugar kung saan po ako nag-aaral.
“Kasi kung saan ako nag-aaral, may nagsusuntukan sa likuran mo; tapos may humahagis ng dumi; may mga nagtatanong. So, parang hindi ka talaga naka-focus, e.
“’Tapos yung mga majors mo pa, yung mga subjects mo, kasi last semester.
“Nahirapan po talaga ako.”
Ang kanyang nanay, na madalas siyang bisitahin, ang nagpalakas ng loob niya.
Sinabihan daw siyang huwag mawalan ng pag-asa dahil sayang ang efforts ng mga taong nagbigay ng opportunity sa kanya para maipagpatuloy ang pag-aaral.
“Yun lang po ang hinawakan kong pag-asa na, ‘Sige, ipagpapatuloy ko ito.’”

ANSWERED PRAYERS
Malaki rin ang kanyang pasasalamat dahil tatlo sa mga hiniling niya habang naka-detain ay ibinigay.
Nang makatapos siya ng pag-aaral, detainee pa rin si Daniel kaya hindi niya alam kung makakamartsa siya sa araw ng graduation.
Sinabihan siya ng abogado na gagawa ito ng paraan dahil “first time sa history na nakapagtapos ng engineering degree sa loob ng bilangguan.”
Ang suhestiyon sa kanya, dumalo siya ng graduation, pero hindi raw siya magsusuot ng graduation robe, kundi ang toga cap lamang.
Ipoposas daw siya at hindi ang mga magulang ang kasamang aakyat sa entablado kundi ang dalawang pulis.
Nagkaroon ng agam-agam si Daniel dahil hindi siya sang-ayon sa ganoong set-up.
Nagdasal daw siya at ipinaubaya sa Diyos kung kalooban Niya ito.
Ilang araw bago ang graduation, naganap daw ang pandemya kaya kanselado ang graduation ceremonies.
Kalaunan ay hindi na raw bumibisita sa kanya ang ama dahil bedridden na pala ito at may stage 4 cancer.
Sa kagustuhang makita niya ito, pumasok daw sa isip niyang tumakas saglit at babalik din siya sa kulungan pagkatapos.
Pero nagdasal na lamang daw si Daniel.
One month later, dininig ang dasal niya: Na-dismiss ang kaso at nakalaya siya.
Nakapiling niya ang kanyang ama, subalit pumanaw ito makalipas ang isang linggo.
BREADWINNER OF THE FAMILY
Kay Daniel bumagsak ang responsibilidad na mag-provide para sa pamilya.
“Pagkawala ng papa ko, sabi ng mama ko, ‘Maghanap ka na ng trabaho kasi wala na kayong ama.’ So, parang ako na po yung breadwinner po no’n, kaya nag-apply po ako. ‘Tapos natanggap po ako sa tulong ng DOST, kasi DOST scholar po ako.
“’Tapos nakapagtrabaho na ako. Hindi pa ako engineer no’n kasi wala pang board exam… pandemic kasi…”
Sa pagti-take ni Daniel ng board exam, ang motivation niya ay maging topnotcher para parangalan ang kanyang alma mater na tumulong sa kanyang maka-graduate.
Ang bilin naman ng ina ay huwag kalimutan ang pamilya.
Ang board exam ay makakatulong daw sa pag-advance ng kanyang professional career, maging sa pagtaas ng kanyang sahod. Malaking bagay daw ito sa pagiging breadwinner niya.
At that time, ni hindi pa nakaka-review si Danie.
Sa kabila ng kanyang mga agam-agam, kumuha siya ng dalawang board exams para sa registered electrical engineer at registered master electrician.
Nahirapan daw siya nang husto at inisip niyang hindi siya makakapasa.
Pagdating nga raw niya sa bahay, niyakap niya agad ang ina at sinabihan ng: “Ma, maging engineer man ako o hindi, anak mo pa rin ako, ha.”
Gumawa na ng ibang plano si Daniel dahil inisip niyang hindi siya makakapasa.
Nagpaalam daw siya sa ina na pupunta ng Cebu at magre-review para sa board exam sa loob ng anim na buwan.
“After two weeks po, may tumawag sa akin. Sabi niya, ‘Engineer, congrats!’ Sabi ko, ‘Totoo ba ‘to?’ ‘Oo, totoo,’ sabi niya."
Niyakap daw niya ang ina at ibinahagi ang magandang balita.
May tumawag daw uli at nagtanong kung dalawa raw ba ang board exams na kinuha niya. Um-oo si Daniel. Saka siya sinabihanng naipasa niya ang dalawang licensure exams.
Masayang-masaya siya.
Nais pa rin daw tuparin ni Daniel ang pangarap niyang bigyan ng karangalan ang kanyang paaralan sa pamamagitan ng pagiging topnotcher.
Kaya nag-take siya ng master plumber licensure exam. Hindi siya nag-top, pero naipasa niya ito.
Nag-take ulit siya ng iba pang board exams, this time, para maging certified mechanic.
Hindi siya naging topnotcher, pero naipasa niya uli ito.
Iyon ang dahilan kung bakit apat ang lisensiya ni Daniel.
Natanggap na rin ni Daniel na hindi na niya kailangang bigyan ng honor ang kanyang paaralan.
May napagtanto raw siya:
“May na-realize po ako… Sabi ni Lord kung gusto mong mag-top para bigyan ng honor yung school mo, hindi ka talaga magta-top kasi hindi Ako yung mabibigyan ng honor... yung school mo lang.”
Sa ngayon, nagbibigay ng talks si Daniel sa mga paaralan para mang-inspire.
Ang madalas raw niyang payo: “Sa mga may pinagdaanang hirap, be ready. May malaking bagay na darating sa buhay nila. Magpatuloy, wag lang huminto.”
