Dahil tungkol sa sports ang series ni Beauty Gonzalez ay tinanong siya ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) kung ano ang sport niya in real life.
Dito ay proud niyang sinabi ang pinakabago niyang achievement: ang maging certified yoga teacher.
Kuwento ng aktres, kagagaling lang niya abroad para sa training nito.
“I just finished my 200-hour teacher training in India. I just got back two days ago. So I’m a certified yoga teacher na,” saad niya.
Sa Rishikesh, India, naganap ang yoga training ni Beauty, at mag-isa niya itong ginawa sa loob ng isang buwan.
“So, that’s like, 29 days, alone, in a foreign country,” sabi niya.
“With 20 people, with different nationalities. Ako lang yung Asian.”
Ayon kay Beauty, naisip niyang mag-train sa India dahil sawa na siya sa mga normal na bakasyon.
“Nagkaroon ako ng breaktime. And then I needed a retreat, pero napapagod na ako sa mga retreat na nakikinig yung mga tao sa problema ko, and at the same time, ang mahal-mahal ng bayad nito. Para bang, I wanna do something where I am learning, and at the same time, I am also taking care of myself,” kuwento pa niya.
Higit sa walong taon nang nagyo-yoga si Beauty kaya’t natural step lang sa kanya ang maging instructor.
Una siyang nag-yoga noong kinailangan niyang maging active matapos manganak via caesarian section.
“Sabi nila, I cannot do any boxing muna kasi baka mapunit ako. So I did yoga first and then slowly, dun ko na na-love yung yoga.”
Matapos ang certification, plano ba ni Beauty na magbukas ng yoga school?
“Soon! But for now, I wanna work with my friend’s studio muna,” sagot niya.
“'Cause, siyempre gusto ko munang matutunan yung business. Baka bukas-bukas ako ng studio 'tapos hindi ko pa alam yung proper ways of handling the things.”
Sa huli ay in-invite niya ang kanyang fans na sumama sa yoga training niya.
“But ngayon, try ko muna mag-teach, mga 30 minutes. So, I hope you guys can join my class someday and let’s breathe together,” saad niya.
BEAUTY's volleyball training and bonding
Aminado si Beauty Gonzalez na nanibago siya sa simula ng Tropang G.O.A.T., ang bago niyang series para sa iWant.
Eksklusibong nakapanayam ng PEP.ph ang aktres sa pilot screening ng nasabing series sa Power Plant Mall sa Makati noong Lunes, August 11, 2025.
Kuwento ni Beauty, mas sanay raw kasi siya sa drama.
“Happy ako kasi it’s something new for me. I’m always doing drama. Dito walang sampalan, walang iyakan, walang mahabang agawan ng asawa, walang nawawalang anak. So, everything’s new,” saad niya.
Sa Tropang G.O.A.T. ay gumaganap si Beauty bilang si Coach Toni, na maggagabay sa isang high school volleyball team para maging champion. Hindi naglalaro ng volleyball ang drama actress kaya’t kinailangan niyang mag-training para sa sport na ito.
Kasama niya sa training ang tatlong lead stars ng show na mga baguhan sa industriya. Sila ay sina Santino Santiago, Jansen Magpusao, at si Joaquin Arce.
“I trained with them,” sabi ni Beauty. “I am thankful for the production team. Binigyan nila ako ng two days to train with the trio, and siyempre yung mga coaches dito.
"We needed bonding with the kids, e. Kasama na rin yun. Kasi siyempre, iba yung taping and iba yung opportunity na mag-bonding rin kayo.”
Kumusta naman ang bonding session with the young actors?
“Oh, my God! Bagung-bagong mundo talaga. Marami akong words na natutunan, e. 'IYKYK—If You Know, You Know.' Mga words na ganyan. Mga giatay na yan!” bulalas ni Beauty, banggit pa ang paborito niyang Bisaya expression.
Dagdag pa niya, nahirapan siya sa mismong training para sa volleyball.
“Sporty spice naman ako, e. So, parang kaya ko naman yung volleyball. Pero mahirap siya, ha! Masakit, masakit mamalo. Talagang hindi siya madali.
"Nung una, akala ko ganyan-ganyan lang. Pero may rhythm din. So, it took a while. And thank you sa mga cameraman, ang galing nilang mag-anggulo na para akong ang galing-galing,” kuwento pa ni Beauty.
Kahapon, August 15, 2025, umere ang unang episode ng Tropang G.O.A.T. sa iWant.