Kinumpirma ng Department of Health (DOH) na 38 Pilipinong tripulante ang nasa MV Hondius, na pinangangambahang nagkaroon ng hantavirus outbreak.
Ang cruise ship ay nakadaong ngayon sa Cape Verde sa west coast ng Africa, at naka-quarantine dito ang sakay na tinatayang 150 katao matapos makumpirmang ilan sa mga pasahero ay may kaso at sintomas ng hantavirus.
Tatlong pasahero ang nasawi at isa sa kanila ang nagpositibo sa hantavirus.
Lima ang maysakit at isinugod sa ospital, at isa sa kanila ay nagpositibo rin sa hantavirus at nasa critical condition.
Sa higit 100 kataong nasa cruise ship, 88 dito ay pasahero at 61 ang crew members, 38 sa mga ito ay Pilipino.
Tiniyak naman ni DOH Undersecretary at Spokesperson Albert Domingo na wala pang nagkakasakit sa 38 Pinoy crew members.
Inaantabayan daw nila kung paano sila pauuwiin.
Ang hantavirus ay strain of virus na nagmumula sa rodents, tulad ng daga.
Read: What you need to know about the hantavirus
should we WORRY about hantavirus?
Kasunod ng balitang ito, dapat bang mabahala sa posibleng pagkalat ng hantavirus dito sa Pilipinas?
Ang sabi ni Domingo sa panayam ng DZMM Teleradyo, batay sa nakuha nilang report sa World Health Organization (WHO) ukol sa insidente, marahil nahawaan ang unang pasahero nang bumaba ito sa barko para mamasyal.
Iniisip kasi ng iba na nakuha raw ito habang nakasakay sa cruise ship.
Inusisa naman si Domingo sa interview kung nagkaroon na ba ng kaso ng hantavirus sa Pilipinas.
“Paulit-ulit naming tanong sa ating epidemiology bureau, and yung categorical answer is wala,” ani Domingo sa DZMM Teleradyo, May 5, 2026.
“Meron daw kasi dati noong 1992 na naka-record, pero hindi eksakto na hantavirus.”
Ang mahirap daw ay hindi na ma-verify ang 1992 report na ito.
Ang konklusyon ni Domingo, wala pang verified case ng hantavirus sa Pilipinas.
Inusisa ang DOH undersecretary kung bakit hindi laganap ang hantavirus sa Pilipinas gayong maraming rodents.
Sabi ni Domingo, may kinalaman ito sa endemicity.
Endemic sa Pilipinas ang leptospirosis, isa ring uri ng sakit na nakukuha mula sa ihi ng daga.
“Pero yung hantavirus, it is possible na hindi siya endemic, or isa pang possibility baka nandiyan lang siya sa paligid, hindi lang siya tumatawid [sa tao].”
Kaya kapag nakaramdam ng sintomas, magpaospital kaagad para ma-detect.
Katulad din daw ito ng dengue na walang bakuna, at puwedeng mapagaling ang pasyente sa pamamagitan ng supportive care.
Hindi lang agad-agad na matutukoy ang hantavirus dahil katulad ito ng flu, na ang sintomas ay lagnat, pananakit ng katawan, ng tiyan, at iba pa.
Ganito rin ang sintomas ng leptospirosis at dengue.
Sabi ni Domingo, ang tanging paraan para ma-detect ito ay sa pamamagitan ng laboratory tests.
Inirerekomenda rin ni Domingo ang pananatili ng sanitation, kalinisan, at waste management.
Isang paraaan para makuha ang hantavirus ay airborne o kapag nalanghap sa hangin.
Inusisa si Domingo kung ano ang dapat gawin kapag may dumi ng daga na natuyo. Puwede raw kasi itong mag-release ng mala-alikabok na particles at malanghap ito.
Aniya: “Halimbawa naglilinis at may dumi ng daga, wag nating wawalisin kung tuyo na kasi puwedeng parang yung alikabok noon ay lumipad at yun pa ang makahawa, hindi lang hanta, baka lepto rin manggaling doon.
“So yung maganda kung ating gagamitan ng basang basahan o naka-gloves tayo, at lilinisin.
“O kung sa labas tayo , wag bobombahan ng tubig, babaldehan lang siya para ianod ng tubig at hindi lumipad na parang alikabok.”
Read: PGMN founder Franco Mabanta nabbed for alleged extortion
