Salamat sa online selling, nakapagpatayo ng bahay si Lovely Abella at ang asawa nitong si Benj Manalo.
Sa mediacon ng 25th anniversary ng Bubble Gang, emosyunal na ikinuwento ng komedyana sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) kung paano siya nag-umpisang magbenta online.
Simula raw noong pumutok ang pandemya at natigil ang kanilang trabaho bilang artista, pinursige ni Lovely ang pagbebenta online o live selling.
Aniya, “Breadwinner po ako, e. So, hindi lang ang sarili namin ni Benj yung iniintindi ko. Marami kaming iniintindi.
“So, nung time na yun, talagang blessing talaga yun ni Lord kasi unexpected yung pagla-live selling ko.
“Biglang hulog talaga siya ng langit na natsamba, nag-live sell ako.”
HARD WORK PLUS NETWORK OF FRIENDS
Malaking bagay na marami siyang mga kaibigan sa industriya.
Naging seller siya ng pre-loved clothes ng mga artista.
Pinapakiusapan niya silang ipagkatiwala ang mga gusto nilang ipabenta.
“Gumawa ako ng paraan na makipag-usap sa ibang artista kung meron silang gamit na ipapabenta, pero hindi naman ako nagsasabi kung sinong artista yun, pero baka lang gusto nilang i-dispose yung gamit nila na ako yung magbebenta."
Siyempre, malaking bagay rin na mas nangibabaw sa kanya ang magkaroon ng pera kesa sa hiya.
Ani Lovely, “Actually, may times na parang, ‘Tama ba na gawin ko ito, na artista ako, pero I’m doing this?'
"Pero nung panahon na yun, hindi yun ang naging focus ko. Ang naging focus ko is kailangan naming mabuhay.
"Ang dami kong kapatid, ang daming naka-ano sa akin, na parang kailangan ang tulong ko. Yun ang inisip ko."
Kaya wala na siyang kiyeme-kiyeme o hiya-hiya.
“Naniniwala po ako na minsan na ang mukha po natin kahit manipis, kumakapal pag kinakailangan.
“Ako po, makapal na po pero mas mukhang kumapal pa po lalo dahil po dito.
“So, thankful naman po ako dahil po dito talagang masasabi ko po na nabago po yung buhay ko,” saad ng Kapuso comedienne.
TEAM WORK WITH HUSBAND BENJ MANALO
Pagdating sa suporta ng asawang si Benj Manalo, malaking bagay na pareho nilang gusto na kumita, makaipon, at matupad ang pangarap nilang bahay.
Kahit na minsan ay nauuwi sila sa pag-aaway.
“Until now, naiiyak ako especially na naiisip ko na, 'Wow!' pag sumisilip ako sa bintana, na akalain mo, nagkaroon ako ng bahay na ganito, kami ng asawa ko.
“...kailangan talaga naming magtulungan na mag-asawa.
“Dumating din sa punto na nag-aaway kami, ‘Sige, ikaw na ang magaling, ikaw na ang matalino, ikaw na napapanood sa TV.' Nagsisigawan kami, pero at the end of the day, nagdasal na lang kaming dalawa.
“Sabi ko, ‘Babe, feeling ko hindi iyan yung way natin. Yung way natin is kailangan tanggapin ang strength ng bawat isa.'
"Strength niya na siya ang nagiging utak ng lahat. Ako naman po, e, taga-kuwento lang at taga-tinda at nakikita ng mga tao,” garalgal na ang boses ni Lovely na sinasabi niya ito.
OTHER BUBBLE GANG STARS GET INTO ONLINE SELLING
Hindi lang si Lovely ang kumikita na sa live selling, kundi pati ang iba pa niyang kasamahan sa Bubble Gang na sina Chariz Solomon, Arny Ross, at Betong Sumaya.
Tumigil lang daw muna ngayon si Chariz dahil kakapanganak pa lamang niya.
Bagong kasal naman si Arny sa kanyang long-time boyfriend.
Pero bukod sa kumikita raw siya noon sa live streaming sa Bigo, pinasok na rin daw niya ang live selling.
Sabi ni Arny, “Kasi sa live streaming na yun, meron talagang mga times na malakas, merong times na mahina.
"'Tapos nung okay na medyo mahina na po talaga, na-inspire din po ako kay Ga [palayaw ni Lovely], kay Ate Lovely.
“Kami po nina Kuya Betong, si Ate Chariz, in-explore din po namin yung live selling. Dun po kami nagbi-busy. Kapag wala pong taping, nagla-live selling po kami,” napapangiting pahayag ni Arny.
Kay Betong naman ay once a week lang daw niya ginagawa ang live selling.
Thankful siya sa suporta ng mga kaibigan, kagaya ni Alden Richards na halos pinakyaw ang mga paninda niya.
Pero ngayon daw ay lalong dumadami ang nagpapabenta sa kanya.
“Kagaya nga ng sinabi ni Lovely, mas lalo pong kumapal po talaga ang mukha ko po sa pagla-live selling.
“Ngayon po may mga lumalapit na po sa akin na nagpapabenta na rin po ng kung anu-ano. Nagpapabenta ng mga sala, nagpapabenta po ng appliances.
“E, sabi ko po, ubusin ko muna ibenta yung mga gamit ko saka ko gagawin yung sa kanila.
“Ang dami pong nagpapabenta sa akin. Sabi ko, 'Sandali lang po.' Pati mga rattan po na kung anu-ano.
“Sabi ko ubusin ko po muna mga gamit ko po. Kapag okay na po, saka na ako kukuha sa mga suppliers po.
“Kasi baka maging furniture shop na po itong online shop ko. Kaya gamit ko muna po,” natatawang kuwento sa amin ni Betong,
Sabi naman ni Lovely, malaking bagay ng suporta sa kanila ng mga kasamahan nila sa Bubble Gang.
“Feeling ko malaking tulong sa akin ang Bubble Gang.
“I’m super thankful sa family kong ito, kasi dun ko natutunan kung papaano din mag-attract kumbaga, matutong makipag-usap sa mga tao.
“Kumbaga, ginagawa ko ring comedy kung papano magla-live selling, and dahil yan sa character na nabubuo ko sa Bubble Gang, nabibigay na opportunity nila sa akin. And at the same time siyempre napapanood ako lagi sa Bubble Gang. So, yung tiwala nandun po talaga."
Use these Zalora vouchers when you shop or order online. Marami pang ibang coupons dito.