Base sa experience, may tatlo raw na madalas pagsisihan ang mga nagpapatayo ng bahay.
Ito ay ayon kay Architect Ed Ramos, isa ring content creator, sa kanyang YouTube video noong June 2025.
Read: How to spot a scam contractor: Key warning signs to watch for
“WALANG PLANO”
Una na rito ang hindi pagkakaroon ng tamang plano mula sa isang licensed architect.
Sabi ni Ed, “Hindi sila kumuha ng architect kasi akala nila makakatipid sila..."
Ang nagiging practice daw ay isinusulat lamang ng foreman sa bond paper ang "plano" o kumukuha ng ideya online ang mga homeowners.
Sa pagpapatuloy ni Ed: “May magagandang floor plan naman sa Internet, e.
“Kaya lang, hindi naman lahat ng nasa Internet, applicable sa lote mo. Pilit. Hindi maganda ang layout.”
Dahil hindi propesyunal ang gumawa, may mga hindi naikokonsidera at nakokompromiso.
“Ang nangyari, hindi maganda ang ventilation, kasi nga, wala nang space sa bintana, kasi nga, walang plano.
“O kaya naman, maliliit masyado ang space. Hindi akma sa kung ano ang needs nila."
Mapagtatanto na lamang daw ng homeowner ang pagkakamali kapag under construction na ang bahay at nabili na ang mga materyales o kaya ay tapos na ang construction.
Pero diin ni Ed, ang mga ibinigay niyang halimbawa ay minor defects lamang. May mga mas malala pang cases.
Ang design ay hindi lamang daw for aesthetic purposes.
“We’re not only dealing with the physical aspect.
"Maraming aspeto yung design. Kung saan ipupuwesto ang mga kuwarto, proportion ng spaces, proportion ng façade, elements ng design para maging maganda.
“Importante iyan. Hindi mo iyan ipagkakatiwala sa mga mason lang, sa mga steel man, o sa foreman…
“Dahil sa ang structural design na ginagawa ng mga engineer at mga structural engineers, yung kanilang structural design, ang magdidikta kung ang bahay mo ay makakaligtas sa lindol, sa malakas na typhoon.
“Kasi yung tibay ay computed. Kino-compute nila iyan.”
Bukod daw sa layout at structural design, nariyan din ang electrical design.
“Iyan bang dami ng appliances mo ay kayang suplayan ng kuryente ng mga kinabit na mga wire, kinabit na mga breaker ng electrician?”
Giit ni Ed, maaaring bihasa ang isang electrician sa pagkabit ng mga kuryente, pero ang disenyo raw ng electrical engineer ay batay sa mathematics.
“Kino-compute nila iyan,” sabi uli ni Ed.
Isa pang halimbawang binanggit niya ay ang plumbing.
"Yung sizes ba ng tubo mo, kaya ang bilang ng tao na gagamit ng mga banyo?
“Para matukoy ang bilang ng mga banyo ay proportionate sa septic tank.”
Kung walang plano, “ligaw na ligaw” raw ang construction ng bahay.
Ang resulta: “Nauulit yung trabaho, tumatagal ang project, pangit ang kinalalabasan, ‘tapos mapapagastos ka."
Kapag may plano, mas may garantiya na hindi lalampas ang “cost" sa napag-usapan na ibinase sa plano.
“Kasama sa ibibigay sa iyo ng architect mo kapag nagpagawa ka ng plano o design is cost,” aniya.
Dito ay matutukoy kung ano ang presyong kailangan hanggang sa matapos ang dream house.
“Kapag walang plano, hindi sigurado, at manghuhula sa cost.
“Ang ending, maraming mga construction ang sinimulan pero hindi natapos.
“Kung natapos man ay nagkabaun-baon sila sa utang.
"Hindi kasi nila alam kung magkano ang aabutin.
“Bakit?
“Walang plano. Hindi sila nabigyan ng bill of materials ng architect.”
Isa pang paalala ni Ed: “Kung magpapagawa kayo ng bahay, wag niyong isipin na malaki ang magagastos niyo sa architect. It’s the other way around.
“Kung wala kayong architect, mas malaki ang gagastusin niyo sa trial and error."

Read: Tiny House Living: Pros and Cons
"WALANG BUILDING PERMIT"
Pangalawa sa pinagsisisihan ay ang kawalan ng building permit.
Ang nagiging mentalidad daw kasi ng mga nagpapagawa ng bahay, dagdag gastos lang ito.
Pagkatapos ay ikakatuwirang sa halip na bayaran ang building permit, ilaan na lang ang pera sa pagbili ng materyales.
Sa kagustuhang makatipid, iniisip daw ng iba na makakalusot naman ito.
Pagbibigay halimbawa ni Ed, “Random ito, lalo na kung taga-Pasig ka, yari ka kay Vico [Mayor Vico Sotto]...
“Random, nag-inspect… nakita wala kang building permit. Kawawa ka.
“Kasi pakukuhain ka rin nila ng building permit, gagastos ka, maghahanap ka ng architect na gagawa ng plano… buti kung pumayag.
“Bawal kasi sa amin iyun, e, sa aming mga architect [na] gagawa ka ng plano, [pero] tinatayo na yung bahay mo? Isang problema iyon.”
Ang karaniwang senaryo raw kapag natiyempuhang nagpapagawa ng bahay at nakitang walang building permit, “gagastos sa pagkuha ng building permit, gagastos pa sa pagkuha ng arkitekto, at may multa.”
Babala ni Ed: “Dahil pag hindi nagbayad ng multa, stop construction, at puwede pang makulong. Kasi criminal case iyon, illegal construction. May kulong.”
Kung hindi man makulong, aniya, "kumukuha pa rin sila ng building permit, so yung iniiwasan nilang gastos, doon pa rin sila mahuhulog, tapos madadagdagan pa."
COMPROMISED QUALITY
Ang pangatlong pinagsisisihan daw ng mga homeowners ay ang kalidad.
“Siyempre, walang plano, walang permit. Kapag walang permit, ibig sabihin, walang nag-examine doon sa mga standards, sa compliance sa National Building Code,” sabi ng arkitekto.
Ang National Building Code of the Philippines ay naglalayong i-regulate ang pagpapatayo ng mga buildings at structures.
Hindi lang daw kasi itsura ng bahay ang nakokompromiso.
“’Tapos ang kalidad, di mo tiyak kasi nga walang professional na utak na nag-isip, puro si Manong lang, si Kuya.”
Sabi niya, “Alam niyo, sa totoo lang, gagastos na rin lang kayo nang malaki, dagdagan niyo na ng konti…
“Kasi matagal mong titirhan yung bahay na iyan, e. Araw-araw gigising ka, tapos yung bahay na pinag-ipunan mo, pangit, kasi hindi mo pina-design. Sayang naman yung pinag-ipunan mo."
Hindi niya ina-undermine ang mga puwedeng magawa ng taong involved sa construction. Pero may kanya-kanya silang expertise at skill set.
Posible rin namang maka-acquire ng kaalaman mula sa mga karanasan, pero, mas makasisiguro ka kung akma ang design sa sukat at bigat ng mga materyales na kailangan.
So yung umubra sa isang bahay ay posibleng hindi applicable sa pinapagawa mo dahil marami pang ibang aspeto na dapat ikunsidera.
Ang hangad ni Ed: “Sana wag kayong mag-fall sa tatlong bagay na iyan na pinagsisihan ng marami.
“Hayaan niyo na silang nagsisisi. Kayo namang gustong magpatayo ng bahay, huwag niyo nang puntahan ang direksiyon na iyan.
“Kumuha na kayo ng professional, makipag-usap kayo sa architect, pagawa kayo ng design, at kumuha kayo ng building permit para yung quality na pinaghirapang bahay ay ma-enjoy ninyo, maipamana ninyo sa mga anak ninyo sa susunod na henerasyon, at komportable at masaya kayo sa resulta."
