Tumaas ang halaga ng stocks ng GMA Network, Inc. ng halos 24 percent isang araw lamang matapos itigil ng media giant na ABS-CBN ang broadcast operations nito noong May 5, 2020.
Nagsara ang stocks ng GMA sa PHP5.90 noong Huwebes, May 6, mula sa PHP4.77 noong May 5.
Umakyat pa ito sa PHP7.15, na siyang pinakamataas na halaga nito sa nakaraang buwan, ayon sa report ng Rappler.
Noong araw ring iyon, naging isa sa "most actively traded" ang stocks ng GMA Network, at dahil rito, umabot sa PHP16 billion ang halaga ng kabuuang shares nito sa stock market.
Sa kabilang dako, bumaba naman ang stocks ng Lopez Holdings Inc., ang parent company ng ABS-CBN, ng four percent mula May 5.
Nagsara ito sa halagang PHP2.45 noong May 6.
Ayon sa Philippine Star, ang shares ng ABS-CBN Corp. at ABS-CBN Holdings Corp., na nakahiwalay sa Lopez Holdings, ang sinuspinde ng Philippine Stock Exchange (PSE) noong May 6.
Ito ay matapos matanggap ng Kapamilya network ang Cease and Desist Order mula sa National Telecommunications Commision (NTC) noong May 5.
"In view of the foregoing cease and desist order issued by the NTC that prohibits the company from continuing its broadcast operations, and pursuant to existing rules, applicable laws and regulations in order to maintain a fair, efficient and orderly trading market, the PSE will implement a trading suspension on ABS’ shares and the Philippine Deposit Receipts issued by ABS-CBN Holdings Corporation effective at 9 am today, May 6, 2020," ang saad ng PSE.

ANO ANG STOCKS?
Ang stocks o common shares ay financial instrument na siyang kumakatawan sa pagmamay-ari ng isang investor sa isang kumpanya.
Ang investor ang tawag sa taong bumibili ng shares ng isang kumpanya na nagbebenta sa stock market.
Matapos bilhin ng investor ang stocks ng isang kumpanya, maari niya itong i-"trade" o ibenta sa iba pang investors upang siya naman ang kumita.
Mula sa trading na ito, tumataas o bumababa ang halaga ng stocks ng isang kumpanya.

ABS-CBN VS. GMA STOCKS
Nag-interview ang PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) ng isang investment consultant noong May 7, para bigyang linaw ang paggalaw ng stocks ng Lopez Holdings at GMA Network.
Aniya, ang stock market ay sadyang umiikot sa "buying and selling of stocks."
Ngunit, isa sa mga rason kung bakit ibinibenta ng investor ang stocks niya sa isang kumpanya ay dahil nawawalan na siya ng tiwala sa organisasyong ito.
Heto ang pagdedetalye ng investment consultant: "On a normal day, nagti-trade talaga ang mga tao, and maraming reason bakit nila binebenta ang stocks nila.
"Pero bumagsak ang stocks ng Lopez Holdings kasi nagbentahan ang mga tao dahil maaring nawalan sila ng confidence sa current status ng ABS-CBN."
Samantala, tumaas naman ang halaga ng stocks ng GMA dahil kumpiyansa ang investors na uusbong ang kumpanya dala ng nangyaring ABS-CBN shutdown.
Aniya, "Since on that day, tumaas ang stocks ng GMA, ibig sabihin, maraming bumili sa GMA.
"Ibig sabihin, una, confident sila sa GMA, kasi tingin nila tataas ang profit nila.
"Kasi tingin nila, iyong viewership from ABS-CBN, mapupunta na sa GMA.
"Second, sa tingin ng investors, hindi magkaka-issue ang media companies the way ABS-CBN did.
"Kung kaya, kahit na media company pa ang GMA, tiwala sila na bumili ng stocks dito."
Bukod sa GMA Network, nakabilang din ang ibang media companies sa listahan ng top institutions na tumaas ang stocks noong May 6.
Ang mga ito ay ang Manila Broadcasting Company (31.6 percent at PHP14.00) at Manila Bulletin (11.27 percent at PHP0.395).