Never pa raw naligawan ng tomboy si Rabiya Mateo.
Ang biro niya, “Parang hindi ako maano sa ano, hindi ako mabenta. Wala talaga, kahit noong nag-aaral ako, bakit kaya?”
Kuwento pa niya, “Pero maraming nanligaw sa akin na… ito yung nakakatawa, bakla!
"Na medyo nako-confuse sila, so may mga tatlo siguro.”
Alam naman daw niya na bading ang mga ito, so lantad na ang mga ito noong manligaw sa kanya?
Paglinaw niya, “Hindi pa naman, pero amoy ko yun, e. Pero hindi ko naman sila dyina-judge. Parang sinasabi ko, ‘Sis, parang same-same tayo!’
“Pero, siyempre, I was honest naman na, if I’m not interested kasi, umpisa pa lang, sasabihin ko na, I’m not interested.
“Kasi kesa naman magsayang tayo ng oras, di ba?”
Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Rabiya sa grand mediacon ng Royal Blood ng GMA-7 nitong June 9, 2023, Biyernes, sa Luxent Hotel sa Quezon City.
Gaganap dito si Rabiya bilang si Tasha.
Mapapanood ang Royal Blood weeknights 8:50 p.m. sa GMA-7; 11:30 p.m. mula Lunes hanggang Huwebes at 11 p.m. tuwing Biyernes sa GTV.
Hinintay pala ni Rabiya ang proyektong ito kaya ngayon lamang siya nagkaroon ng teleserye.
Lahad niya, “Last year pa siya sinabi sa akin around September, pero siyempre, marami pa pong conflict sa schedule, yung kuwento kailangan pang buuin.
"Kailangan maayos yung cast, so iyon po yung hinintay ko. At thankful naman ako na hindi ako nagmadali.
“Kasi yung first teleserye ko, bigatin yung mga kasama ko so choosy pa ba ako? May TiktoClock naman po ako.”
RABIYA's JOLLIBEE STORY
Masaya ang dalaga sa takbo ng kanyang showbiz career.
Mas magaan at maginhawa na rin ang buhay niya ngayon, kabaligtaran noong estudyante pa lamang siya na nakikitulog sa sahig ng dormitoryo ng kanyang mga kaibigan dahil kapos siya sa pera.
“Hindi naman mayaman, medyo nakakaluwag-luwag lang tayo,” at tumawa si Rabiya.
Ano ang pakiramdam na afford na niya ang mga gustong bilhin?
“Ang sarap po talaga! Kasi yung pinaka-turning point is yung sa pagkain.
"Kasi dati before ako makakain ng Jollibee, kailangan special occasion muna.
“Pero ngayon anytime.”
Endorser na ba siya ng Jollibee?
“Hindi pa, sana nga kunin nila ako,” at tumawang muli si Rabiya. “Hello, Jollibee!”
Pagpapatuloy pa ni Rabiya tungkol sa kuwentong Jollibee niya, “Naaalala ko pa nga noong graduation namin, bumili ako ng isang bucket ng… kasi may mga bisita kami, graduation ko, cum laude ako, nag-speech pa ako.
“Tapos sabi ni mama, ‘Anak, pang-isang bucket na lang yung pera natin ng Jollibee!’
“Wala kaming pang-Coke! So tubig-tubig na lang sila.
“Tapos nagsaing pa ako.”
Pero ngayon, kahit anong oras ay kaya na ni Rabiya na magpa-deliver ng mga pagkain mula sa kilalang fast-food chain.
“Yung ganung improvement sa buhay, ang sarap!”
RABIYA'S INVESTMENTS
Ano so far ang pinakamahal na niyang nabili mula sa mga kinita niya sa showbiz?
“Pinakamahal, siguro, bahay for my mom, sa Iloilo.
“Hindi ko naman siya finully cash, pero nagla-lump sum kasi ako para yung interes hindi masyadong mataas. Kakatapos ko lang [bayaran] mga two months ago!”
READ Rabiya Mateo achieves dream of permanent home in Iloilo for her family
Ilang taon niyang binayaran ang bahay ng ina niya?
“Siguro… ganito po kasi ang nangyari, di ba, may mga business ako, so pag may nare-receive na malaking pera, lump sum agad, lump sum agad.”
Hulog siya nang hulog sa bahay, “Ever since pa, yung mga kinita ko noon sa Miss Universe, hulog agad.”
Ano ang mga negosyo niya?
“Ngayon po, I’m an ambassador and at the same time a partner of LVNA, it’s a jewelry store. So ang nangyayari po, magpapasok ako ng pera.
"I’m gonna pitch in some ideas, tapos si Drake Dustin as the owner talaga, siya yung magde-disseminate kung saan natin dadalhin yung money na ito, and then iyon, may hatian.”
READ Why Rabiya Mateo invests in luxury jewelry
Ano ang pakiramdam na nakakahawak na ngayon si Rabiya ng milyong halaga ng pera?
“Masarap pero at the same time nakakatakot. Kasi parang, tinatanong ko kay Lord, ‘Lord ikaw ang nagbigay ng lahat ng ito, sana huwag bawiin.’
“Kung gaano kabilis dumating ayoko namang ganun din kabilis mawawala sa akin, that’s why I’m very smart with my money.
“I try to invest in [as] many businesses as I can, like yung nails, meron din po kaming nails lounge, eyelashes na lounge, The Secret Lounge.
‘We have branches sa QC, BGC, Parañaque.”
Ano ang sinasabi sa kanya ng mama niya ngayon?
“Hay, kakahingi lang ni Mama ng pampustiso niya! And, siyempre, it’s an honor talaga na, ‘Sige, mama!’
“Na parang pag humingi sila, may mabibigay ka agad.
“Dati may pustiso siya pero ill-fitting, ngayon fit na fit na,” ang nakangiting kuwento pa ni Rabiya.
