Diskriminasyon sa mga pampublikong lugar, paaralan, at lalong-lalo na sa trabaho ang pinagdaraanan ng mga “tomboy” o lesbians.
Ito ang ibinahagi ng ilang contestants ng Tomboy Philippines, ang kauna-unahang edition ng national pageant for lesbians sa bansa.
Read: 17 coming-out stories of Filipino celebrities
CONTESTANTS ON DISCRIMINATION AT WORK
Ilan sa kanila ay nakaranas ng panghuhusga at pang-aalipusta habang nag-a-apply sa trabaho.
KEITH MARTIN: "nagsuot po ako ng palda..."
Isa na rito si Keith Martin ng General Santos City.
Isa siyang part-time content creator at social-media specialist sa isang car accessory company.
Pero bago nakahanap ng kanyang niche, naranasan muna niya ang diskriminasyon dahil sa kanyang gender identity.
Fresh graduate noon si Keith at nag-apply ng trabaho.
“Pag-apply ko po ng work, sinabihan po ako ng manager na hindi puwede kasi nga ang physical [look ko lalaki].”
Buti na lamang daw at may baon na palda ang kasama niya noon kaya nagpalit ng damit si Keith.
“So nagsuot po ako ng palda and nag-go po ako sa final interview.
“Hanggang yung result po ng inaplayang trabaho po ang comment ng manager is, ‘Hindi ka qualified kasi nga tomboy ka.’”
Nalungkot man sa pangyayari, ibinaling na lang ni Keith ang kanyang oras sa paggawa ng TikTok videos.
Sabi niya, sa content creation niya naipapahayag ang kanyang passion.
Nagbunga naman ito. May mga brands na nakikipag-ugnayan kay Keith for collab.
“Actually, may kumukuha na rin po sa akin, mga products pino-promote ko, kaya binabayaran.”
Part-time job niya ang pagiging social-media content specialist sa isang car accessory business.
MOSH DELA CRUZ PRAYED FOR THAT ONE CHANCE
Samantala, hindi nalalayo sa karanasan ni Keith ang nangyari kay Mosh dela Cruz ng Camarines Sur.
“Maraming companies na po akong inaplayan, and lahat po iyon tinanggihan ako. Siguro mga nasa lima…”
Ilan sa mga trabahong inaplayan niya ay pagiging security guard, bank teller, factory worker.
“So marami na pong tumanggi sa akin dahil isa po akong tomboy.”
Hayag ni Mosh sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal), “Sabi ko sa sarili ko, once na may tumanggap sa akin, papahalagahan ko yung trabaho ko kahit anong trabaho iyan.”
May inaplayan siyang isang coffee shop sa Quezon City at tinanggap si Mosh bilang barista.
Hindi sinayang ni Mosh ang pagkakataon. Maraming beses na siyang na-promote sa coffee business.
Kuwento niya, “Tinanggap po ako bilang isang barista. Hanggang sa naging senior barista po ako.
“Another promotion is naging head barista po ako. Another ulit—pinatunayan ko sa kanya na kaya ko ito kahit tomboy ako—naging supervisor ako.
“And yung pinakahuli po na promotion is naging store manager.”
Recently rin ay ipinadala siya ng kanyang employer sa Taiwan para mag-aral kung paano magpatubo ng coffee beans.
Ang pangalan ng kanilang coffee shop ay Caerus Specialty Coffee sa Scout Torillo sa Tomas Morato, Quezon City.
JHES REMEDIO'S STRUGGLE
May ganito ring karanasan si Jhes Remedio ng Muntinlupa city.
Sabi niya, “Yung hindi ko rin po makakalimutan, hirap pong makapasok ng trabaho dahil nga po sa gender, na parang di po ako tinatanggap dahil po sa tomboy po ako.
“And then isa na po akong care specialist po sa Hi-Precision po sa medical field po.”
DISCRIMINATION IN PUBLIC CR, BY FRIENDS' families
Malalim daw ang iniwang bubog kay Louie Ele ng Nueva Ecija ang naranasan niyang discrimination sa public restroom.
Nangyari raw ito noong nasa high school siya.
“May time po na umihi po ako sa public CR doon po sa amin. Sa mga babae po.
“’Tapos paglabas ko po, parang may tumingin po sa akin. Yung isang iihi po na babae.”
Sinabihan daw siya ng babae na dapat ay sa panlalaki umihi si Louie.
“Hanggang ngayon, nadadala ko po siya… na hindi ko po alam kung saan po ako papasok.
“Pero mas napansin ko po pag sa male comfort room, hindi po nila masyadong pinapansin kung babae ka or lalaki.
“Pero mas ano po sa babae, mas nagre-react po sila.”
(Top, L-R:) Keith Martin, Mosh dela Cruz, Jhes Remedio, Louie Ele (Bottom L-R:) AC Cemetara, Bana Daranciang, Yanyan Purification, Mitzi Ancog
Ramdam naman daw ni AC Cemetara ng Pasay City na hindi siya tanggap ng mga kapamilya ng mga taong malapit sa kanya.
“Hindi ko makalimutan ang discrimination na natanggap ko is doon po sa family po ng ex-partner ko, na homophobic po sila. Ayaw po nila akong makita.
“Kaso hindi lang po sa ex-partner ko, like sa mga kaibigan po...”
Naranasan din daw niya ito mula sa mga kapamilya ng kanyang mga kaibigan.
Sabi niya, “Sa magulang po na hindi ka po papansinin kasi tomboy ka.
“Susuklian mo na lang po ng respeto po bilang tao.”
Sundot niya, “Masakit po para sa akin kasi sa pamilya ko po tanggap ako, e.
“Yung vision ko po na bakit ang ibang tao hindi ako matanggap?
“Pero wala po akong magagawa kundi yung respetuhin po yung bawat tao kasi may sari-sarili po tayong paniniwala.”
Read: The last words of a lesbian couple who died by euthanasia
WHAT DO THEY WISH FOR
Gaya ng organizers ng Tomboy Philippines, umaasa ang contestants na ang pageant ay first step para mas magkaroon ng awareness ang mga tao sa LGBTQIA community, partikular sa lesbians.
Sabi ni Bana Daranciang ng Sta. Rosa, Laguna, “I think ang pinakagusto ko na mangyari o personally is that ma-acknowledge ang lahat ng tomboy…
“Na hindi lang kami basta tomboy kasi, di ba? Pag sinabing tomboy ka parang napakaliit ng tingin.
“So, I think, hopefully this platform will be an eye opener for everyone na we can do something, we can be something.”
Hangad din ni Yanyan Purification ng San Pedro, Laguna, na ma-address din ang ilang issue, tulad ng school uniforms para sa LGBTQIA members.
Sabi niya, “May mga lesbian at gays na nabu-bully sa uniform nga po.
“Hindi naman po natin alam ang epekto pag binu-bully ka. Nagkakaroon ng depression at anxiety.
“Sana magawan po ng aksiyon dahil po mas pinipili na lang po ng iba na huwag na lang mag-aral dahil nga po nabu-bully sila.”
Ani Mitzi Ancog ng Iligan City, ang pakiusap niya ay hindi lamang para sa kabutihan ng mga mga tomboy kundi pati na rin sa lahat ng members ng LGBTQIA community.
“Sana may seguridad para sa buhay namin dito sa Pilipinas. May seguridad na hindi kami itatanggi sa trabaho, may seguridad na hindi kami masasaktan sa pagmamahal ng mga partners namin or kung sinuman.
“Ma-providan kami ng security na mabuhay nang payapa at masaya.”
Gaganapin ang grand finals ng Tomboy Philippines sa Music Museum sa October 19, 2024.
