May limang Chinese zodiac signs na susuwertehin ngayong 2026, ayon sa feng shui consultant na si Johnson Chua.
Ang mga ito ay Rabbit, Sheep o Goat, Ox, Dragon, at Dog.
Paano kung ang sign mo ay hindi kasama sa mga masuwerte?
Nagbigay ang feng shui expert na si Michael de Mesa ng tips tungkol sa mga puwedeng gawin ngayong Year of the Fire Horse.
Sinagot din niya kung totoo ba ang mga popular na paniniwala na malas daw ang maghanda ng manok sa pagsalubong sa New Year, at suwerte naman ang paglalagay ng mga barya sa bulsa at iba pang pamahiin.
Read: What to expect in the Year of the Fire Horse
NOT-SO-LUCKY CHINESE ZODIAC SIGNS
Hindi raw porke’t taon ng Chinese zodiac sign mo ay masuwerte ka na.
Ani Michel sa DZMM interview niya nitong December 30, 2025: “Definitely, hindi ganoon kasuwerte, kasi lahat ng spotlight nasa iyo. So, ang tagapamahala ng suwerte ay nakaupo din sa iyo. Kaya masasabi kong hindi ganoon kasuwerte."
Bukod sa Year of the Horse, tatlong animal signs pa raw ang hindi masyadong lucky sa 2026: ang Year of the Rat, Ox, at Rabbit.
Tatamaan daw kasi sila ng Tai Sui o Grand Duke of the Year, na siyang tagapamahala ng suwerte.
“So nagkataon na nakaupo kay Horse, and then parang pagdadamutan niya yung ibang zodiac animals, lalo na ang Rat,” sabi ng feng shui expert.
“Kasi ang Rat at Horse, they are clashing. Hindi sila magkasundo. Magkaaway sila. So definitely, mas mabigat ang epekto para sa mga Year of the Rat.
“Rabbit kasali din sa atin sa mga maapektuhan. Although marami siyang mga auspicious stars, pero meron ding inauspicious stars sa kanyang mga chart.”
Taliwas ito sa sinabi ng ilang feng shui consultants na masuwerte raw ang Rabbit this 2026.
Tandaan din ito: ang auspicious stars ang tagapagdala ng positive energy, habang ang inauspicious stars ay tagapagdala ng negative energy.
Paglilinaw pa ni Michael, hindi porke’t ang dalawang tao ay pareho ng Chinese zodiac ay pareho na sila ng kapalaran.
Specifically, sinabi niyang sa feng shui consultation ay tsini-check pa ang buwan, araw, at taon ng kapanganakan ng tao.
Sa pagpapatuloy ni Michael, magiging challenging ang 2026 para sa Year of the Rooster at Monkey.
Ang primary element daw kasi ng zodiac signs na ito ay metal, na kayang tunawin ng apoy.
Binanggit ng feng shui expert na taun-taon ay nagbabago naman ang suwerte ng 12 Chinese zodiac signs.
“Parang gulong lang naman iyan. Minsan nasa taas tayo, minsan nasa ilalim din,” ani Michael.
Samantala, idinagdag niyang suwerte rin ang Year of the Tiger ngayong 2026.

lucky charms
Ano ang maaaring gawin kung hindi lucky ang sign mo this year?
Dito raw pumapasok ang mga lucky charms.
Sabi ni Michael, “Lucky charms o pangontra para maiwasan natin yung bad energy na tatama sa bawat zodiac animals."
Ipinaliwanag din niya kung ano ang silbi ng mga pampasuwerteng ito.
“Sa feng shui po kasi, ang pinakakailangan natin… iyong lucky charms tool lang po sila… parang nire-remind lang tayo sa isip natin.
"For example, meron tayong nakitang bracelet natin for wealth, nire-remind lang tayo na kumilos nang kumilos tayo.
“Pero ang real feng shui is all about space, energy, at environment talaga.”
Hindi na nagbigay ng iba pang detalye si Michael tungkol sa mga charms, pero ang bilin niya, kung bibili ka, huwag papahawakan at ipapasuot sa iba.
“Bawal ipasuot, pero pag nahawakan accidentally, puwede iyon.”
Kapag ipinasuot daw kasi sa iba, ang suwerte ay ipinapasa raw sa ibang tao.
Samantala, itinala ng nine-year-old website na ChineseNewYear.net ang mga "lucky things" ng mga binanggit na unlucky signs:
Rat
- Lucky numbers: 1, 4, 6, 9
- Lucky colors: gold, white, blue
- Lucky gem: Rose quartz
- Best matches: dragon, monkey, ox
RaBBIT
- Lucky numbers: 0, 6, 2
- Lucky colors: green, yellow
- Lucky gem: Amethyst
- Best matches: rabbit, goat
OX
- Lucky numbers: 2, 7
- Lucky colors: blue, purple
- Lucky gem: Citrine
- Best matches: ox, snake
ROOSTER
- Lucky numbers: 5, 7, 8
- Lucky colors: gold, brown, yellow
- Lucky gem: Carnelian
- Best matches: rooster, ox
MONKEY
- Lucky numbers: 2,3
- Lucky colors: gold, white
- Lucky gem: Peridot
- Best matches: monkey, rat
NEW YEAR'S SUPERSTITIONS
May paniniwala rin na sa pagsalubong ng Bagong Taon, bawal ang maghanda ng manok o anumang pagkaing may ingredient na manok dahil simbolo ito ng “isang kahig, isang tuka.”
Paglilinaw ni Michael, “Pero sa amin, ang paghahain ng whole chicken, basta buo ito, it symbolizes complete blessings.
"Huwag itong i-chop hanggang January 1, para ang kailangan natin kumplete o complete blessings.
“Kasi ang iba, sinasabi nila, ‘isang kahig, isang tuka,’ pero, di ba, ang mga manok, maaga silang gumigising, at dapat ganoon din tayo for 2026.”
Sinasang-ayunan din niya ang paglalagay ng mga barya sa bulsa bilang simbolo ng prosperity at abundance.
Ang isa pa niyang ipinapayo sa pagsalubong sa Bagong Taon ay pagsusuot daw ng bagong tsinelas bilang simbolo ng “new beginning, new hopes sa bagong landas na tatahakin.”
Kung magpapagupit naman daw o magpapakulay ng buhok, gawin daw ito bago ang Bagong Taon.
Inisa-isa rin ng feng shui expert ang lucky colors sa bawat Chinese zodiac. Ito ang mga sumusunod:
Rat- blue, white, silver
Ox- green, navy blue, brown
Tiger- red, gold, blue
Rabbit- blue, pink, jade green
Dragon- gold, crimson, royal blue
Snake- emerald green, black gold
Horse- red, gold, white
Goat- green, lilac, silver
Monkey- gold, cobalt blue, white
Rooster- red, white, navy blue
Dog- green, brown, gold
Pig- pink, silver
PAMPASUWERTE BELIEFS
Sundot na tanong sa kanya, makakaapekto raw ba kapag nagsuot ng damit na ang shade ay hindi pasok sa lucky colors?
“Walang ganoon. Lagi kong sinasabi, walang suwerte, walang malas…” sagot ni Michael.
“Kung gusto mong i-incorporate o i-boost yung energy mo, you can follow kung ano ang lucky colors ninyo, pero kung wala, di ka mamalasin.”
Panghuli, ang ultimate advice niya ay magkaroon ng positive mindset sa pagpasok ng Bagong Taon para maging mas magaan ang buhay.
Bagama’t ang feng shui ay tungkol sa pampasuwerte, laging ipinapaalala na gawing gabay lamang ito at huwag iasa dito ang kapalaran.
