Labing-anim na taon nang kasal sina Tonton Gutierrez at Glydel Mercado, at maituturing na isa sila sa mga pinakamatagal na relasyon sa showbiz.
Meron silang dalawang magagandang anak—sina Aneeza at Aneeka—pero tila ay wala pa sa mga ito ang nagpapakita ng interes na pasukin ang pag-arte.
Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Tonton sa mediacon ng GMA-7 para sa series na Love You Stranger.
Ayon sa 54-year-old actor, “Sa walang sumusunod sa yapak namin, napag-usapan namin ni Glydel na mas gusto naming makatapos muna yung mga bata bago sila pumasok sa showbiz."
Sa ngayon ay graduate na sa senior high school ang panganay na si Aneeza, habang 10 years old naman si Aneeka.
Dagdag ni Tonton, "Well, sabi ko nga, finish your school, finish your college. Then after that, you can do whatever you want to do. Bahala na kayo.”
Palagi raw ginagawang halimbawa ni Tonton sa mga anak niya ang pinsan ng mga ito na si Janine Gutierrez—na anak ni Ramon Christopher, na kapatid sa ama (Eddie Gutierrez) ni Tonton.
Sa pagpapatuloy ng Kapuso star, “Palagi kong sinasabi sa kanila, gawin niyong model si Ate Janine. Si Janine kasi, nagtapos ng college, and then, pumasok siya sa showbiz.”
ANEEZA'S FIRST MOVIE
Interestingly, nakagawa na raw si Aneeza ng pelikula kasama si Joaquin Domagoso, na anak ni Isko Moreno.
Aniya, “Ang eldest daughter ko, nakagawa na ng pelikula with the son of Mayor Isko. Hindi pa yata pinapalabas. She only tried it, pinayagan ng nanay. Wala na akong magawa kung hindi, 'Sige po,' pumayag na rin ako.”
Si Aneeza pala sa dalawang anak nila ang mas may interes na mag-artista rin?
Tugon ni Tonton, “You know, yung daughter ko na iyan, napakatahimik. Introvert siya, so I never expected that she would say yes to do a project.
"Parang out of nowhere, jaw dropping noong sinabi sa akin ni Glydel na, ‘O si Aneeza, gagawa ng pelikula, pumayag.’
"Ako, pumayag siya?' 'Oo, pumayag siya, okay raw sa kanya.'
"Yung parang, ‘Talaga?’ Nakakagulat but, I guess, she has it in her."
Biro pa ni Tonton, “Pinakita sa akin ni Glydel yung mga outtake video ng mga eksena and she has it. And I guess, may pinagmanahan—nagmana sa nanay.”
