Muling nagparamdam si Dennis Padilla ng pagkasabik sa kanyang isang anak kay Marjorie Barretto.
Sa kanyang Instagram post noong August 11, 2022 ay nag-share ang beteranong aktor ng throwback photo nila ng anak na si Claudia Barretto.

Nilagyan niya ito ng caption na, “Dear Claui. Time flies. Miss you, anak.”
Tatlo ang anak ni Dennis kay Marjorie; sina Julia, Claudia, at Leon.
Sa nakalipas na mga buwan ay ilang beses niyang tinangka na mag-reach out sa tatlong anak.
Pero naging kontrobersiyal ang Instagram post niya noong June 18 kung kailan ipinagdiwang ang Father’s Day.
Nagpahayag kasi siya ng sama ng loob dahil hindi man lang umano siya binati ng kanyang mga anak. Marami ang naawa sa kanya.
Pero noong sumagot si Leon at sinabing tigilan na ni Dennis ang panghihiya sa kanilang tatlong magkakapatid sa publiko, may mga nam-bash sa komedyante.
Ibinunyag din ni Leon na nagkaroon silang magkakapatid ng trauma sa kanilang ama dahil tuwing tatangkain umano nilang ayusin ang mga isyu sa kanilang pamilya ay nauuwi iyon sa paninigaw, pagmumura, at pagbibitaw diumano ni Dennis ng masasakit na salita sa kanila nina Claudia at Julia.
Nag-apologize si Dennis kay Leon, at sinabing, "Miss ko lang kayo."
Naibulalas din ng beteranong aktor ang kanyang pagkainggit kay Cesar Montano, na binisita ng mga anak nito nang magdaos ng 60th birthday.
First time nagsama-sama noon ng mga anak ni Cesar na magkakaiba ang mga nanay.
Ang pinakahuli namang hugot ni Dennis ay ilang araw matapos mag-celebrate ni Claudia ng kanyang 23rd birthday last July 26.
Noong July 25 ay nag-post si Dennis sa IG ng birthday message dito, na may kalakip ding throwback photo.

Ang mensahe ng aktor sa anak, “Happiiii bday, anak. God bless you more, Claui. Love you.”
Pero walang sagot sa comments section si Claudia.
Batay naman sa mga IG posts ng dalaga ay idinaos nito ang birthday kasama ang mga kaibigan sa Makati City.
Nag-react muli ang netizens sa huling IG post ni Dennis.
Karamihan sa mga nagkomento sa kanyang post ay nagsabing nagpapansin na naman ang aktor.