Nagtapos ang anak ni Bayani Agbayani—Bayani Rogacion Jr. sa tunay na buhay—na si Rosalinda Marie ng kursong Tourism bilang summa cum laude sa University of Sto. Tomas noong June 15, 2023.
Read: Bayani Agbayani's daughter Rosalinda graduates summa cum laude
Hindi lamang si Rosalinda ang ipinagmamalaki ng mga magulang niya dahil mahuhusay ring estudyante ang kanyang tatlong kapatid na sina Maria Thalia, Mary Mar, at Marianne Sabrina.
Ramdam sa puso ni Bayani ang sobrang kaligayahan nang magkuwento siya sa Philippine Entertainment Portal (PEP.ph) tungkol sa "Apat na Maria" niyang masisipag mag-aral at hindi nagbigay ng problema sa kanila ng kanyang misis na si Lenlen.
MARIA THALIA
“Dalawa pa ang anak kong nag-aaral," simula ng comedian-TV host.
"Naka-graduate na si Maria Thalia Rogacion Carlos, 26 years old, at naging chef siya sa BGC. Pero ngayon nag-business sila ng husband niyang si James, na brother ni Bea Alonzo.
“Graduate si Maria Thalia ng four-year Culinary Management course. May dalawang apo na ako sa kanila ni James—sina Santiago Veto at Santiago Luca.
“Si Thalia, sobrang talino din niya at matataas ang grades niya. Dapat cum laude din siya pero mababa ang grades na ibinigay sa kanya ng isang professor niyang foreigner dahil sa pagbabalat niya ng patatas!” natatawang kuwento ni Bayani tungkol sa kanyang panganay na anak.

Bayani with his family and Bea Alonzo's family; his eldest daughter Maria Thalia (fourth from left) is married to Bea's brother, James Carlos (fifth from left)
ROSALINDA MARIE
Kuwento naman ni Bayani tungkol sa kanyang pangalawang anak, “Then, si Rosalinda Marie, 22 years old, kaga-graduate lang, summa cum laude sa UST.
"Brand new auto at iPhone 14 ang graduation gift namin sa kanya dahil yun ang mga gusto niya.
“Gusto ni Rosalinda na mag-flight attendant for two years para maipasyal daw niya kami around the world at saka niya ipagpapatuloy ang pag-aaral.
“Gusto ni Rosalinda na mag-aral uli. Law naman ang kurso. Pag-aaralin daw niya ang sarili mula sa mga kikitain niya sa pagtatrabaho."

Bayani and wife Lenlen with daughter Maria Rosalinda
MARY MAR
Ang pangatlong anak ni Bayani na si Mary Mar, 21 years old, ay magti-third year college na sa De La Salle-College of Saint Benilde.
"Architecture student siya at Dean’s Lister," pagmamalaki ni Bayani.
"Blackbelter si Mary Mar sa taekwondo. Marunong siyang mag-paint, maggitara at piano.
"Sa tingin ko, siya ang artist sa pamilya namin."

MARIANNE SABRINA
Ang bunsong si Marianne Sabrina, 15, ay kasalukuyang Grade 9 student sa New Era High School.
Sabi ni Bayani, "Scholar siya ng Iglesia Ni Cristo. Ang general average niya sa grades, 97 at 98. Medicine ang gusto niyang college course.”

Ipinangalan nina Bayani at Lenlen ang kanilang tatlong anak sa Mexican actress na si Thalia at sa mga karakter na pinasikat nito sa mga Mexicanovela, sina MariMar at Rosalinda.
Isinunod naman ng mag-asawa ang pangalan ng kanilang bunso kay Sabrina, ang panganay na anak ni Thalia.
Kuwento ni Bayani, “Nang manganak si Thalia, ang name ng first born baby niya ay Sabrina.
"Nagkataon naman na nung year na yon nang isilang ni Lenlen ang aming bunso kaya Sabrina ang pangalan na ibinigay namin sa kanya.
“Buti nga, hindi lalake ang bunso namin dahil kung nagkataon, Fulgoso ang pangalan niya!” trivia at nagbibirong sabi ni Bayani, na isang Marian devotee kaya may Maria ang mga pangalan ng mga anak niya.
May paliwanag din ang komedyante tungkol sa numero 8 na may hatid na suwerte sa kanya.
“May mga Maria ang pangalan ng mga anak ko kasi deboto ako ni Mama Mary.
"Ang tingin ko nga, sa kanya nanggaling ang 88 dahil September 8 ang birthday ni Mama Mary at December 8 ang Immaculate Conception sa kanya. O, di ba, 88?
“At number 88 ang nagpabago sa buhay ko mula sa napakahirap na katayuan since birth hanggang sa pagdating ng walang tigil na blessing.
"Thank you, Lord. Thank you, Mama Mary,” sabi ni Bayani.