Pangako ni Lito Pimentel sa sarili na pag-iingatan niya ang mga trabahong meron siya ngayon.
Naranasan niya kasing hindi siya mabigyan ng project dahil sa epekto ng pagkalulong sa ipinagbabawal na gamot.
Kaya pagkatapos niyang malampasan ang bahaging iyon ng kanyang buhay, mas lalo niyang pinahalagahan ang karera.
“Bina-value ko na yung earnings ko, yung mga pinaghirapan ko.
"Alam ko kasi na minsan meron, minsan walang trabaho, kaya iwas sa pagiging gastador," ang sabi niya sa exclusive interview with PEP.ph (Philippine Entertainment Portal).
Read: Lito Pimentel talks about rise from PA to actor, past drug use
LITO PIMENTEL ON FATHERHOOD
Malaking biyaya rin para kay Lito na na nagkaroon siya at ang kanyang current partner ng dalawang anak.
Akala nga raw niya ay hindi na siya magkakaroon ng pamilya after his two failed marriages.
“Kasi nakadalawang marriage ako. Yung una kay Bobbi Mercado, tapos yung pangalawa, hindi siya taga-showbiz."
Si Bobbi ay anak ng namayapang television host, aktor, at singer na si Eddie Mercado.
Pinsang-buo siya ni Snooky Serna.
Gaya ni Lito, naging bahagi rin si Bobbi ng Anna Liza, ang soap opera ng GMA-7 na napanood sa telebisyon mula Pebrero 1980 hanggang May 10, 1985.
Pumanaw siya taong 2024 sa edad na 58.
Read: Former actress Bobbi Mercado dies at 58
LITO PIMENTEL ON FAILED RELATIONSHIPS
Nagbalik-tanaw si Lito sa marriage nila ng dating aktres.
“With Bobbi noon, ang gulo ng pagsasama namin kasi pareho kaming may bisyo. Pero mahal ko yun. Nagka-clash kami parati. On and off ang relasyon namin hanggang sa naghiwalay na kami."
Tungkol naman sa naging partner niya after Bobbi, ani Lito, "Naging magulo rin kaya hindi rin kami nagtagal."
Naging ama si Lito in his mid-50s with his current non-showbiz partner.
At sa edad niyang 62, nasundan ang kanyang panganay.
Ang kuwento ng aktor: “My partner is a lot younger than me, hindi ko ini-expect na magkakaanak pa kami.
“Noong mag-turn 55 ako, dun ako naging tatay na. Matagal kong pinagdasal na magkaroon ako ng anak.
"Tapos nasundan when I turned 62. Kaya sa edad ko ngayon, I have a seven-year old at a baby."
Naging motivation ni Lito ang pamilya para alagaan ang sarili at pahalagahan ang trabaho.
“Lahat naman iyan para sa dalawang anak ko...
"So I have to take care of my health at dasal ko na tuluy-tuloy lang ang trabaho natin. Mahaba-haba pa kasi ang biyahe bago matapos mag-aral ang mga anak ko.”
Kaya naman thankful si Lito dahil sa mga blessings na dumarating sa pamilya niya.
Ang ongoing project niya ay with GMA-7 sa seryeng House of Lies.

“I'm very grateful sa trust sa akin ng mga kumukuha sa akin, especially ng GMA.
"And, of course, iyan ay blessing ng Panginoon. Kasi sa atin naman, kahit anong field ng trabaho mo, kailangan nandoon ang pagmamahal mo.”
LITO PIMENTEL'S ADVICE TO NEWBIES
Isang helpful tip nga ni Lito sa mga baguhang artista ngayon ay huwag maging kampante o maging overconfident.
Mas maganda pa rin daw yung kinakabahan ka sa trabahong binibigay sa iyo.
“I always give importance sa project ko. Ever since na gumagawa ko ng soap drama o pelikula, hindi ako nare-relax.
“May nerbiyos ako parati. Hindi iyan nawawala sa akin. Parang bago pa rin sa akin ang bawat role na ibigay nila.
"Kaya I always pray para maging maayos ang trabaho ko."
Ano ang sikreto sa kanyang longevity?
“It’s been 40 years, di ba? Ilang henerasyon na ng artista ang nakatrabaho natin. I feel blessed.
"Kapag nag-e-evolve yung industriya, kailangan sumabay ka.
“At siyempre, ang tingin ko sa trabaho, iyon ang pinaka-resume ko. Always treat your last job as a reminder that you are as good as your last performance.”
