PEP Ka-Loveteam Quiz Banner
×

Lito Pimentel talks about rise from PA to actor, past drug use

"Naging palaboy ako...hanggang sa nagtrabaho na ako bilang alalay.”
by Ruel J. Mendoza
Published Jan 25, 2026
Lito Pimentel then and now
Lito Pimentel opens up about how his days as a palaboy led him to acting--and how drug use later took a toll on his career.
PHOTO/S: Artista Republica Archives (L); Ruel Mendoza

Marami pala ang hindi nakakaalam na nagsimula bilang Personal Assistant (PA) ang veteran actor na si Lito Pimentel.

Taong 1982 noong naging alalay si Lito sa isang singer bago siya lumipat sa aktor na si Edgar Mande.

Sa exclusive interview ng PEP.pph (Philippine Entertainment Portal) during the media conference for GMA teleserye House of Lies, naikuwento niya kung paano nagbago ang kapalaran niya sa showbiz.

“Bihira ko talagang ikuwento ito na nagsimula ako bilang personal assistant. Alalay pa ang tawag sa PA noon.

"Merong isang singer na original na inaalalayan ko, si Sid Malhabour. Talent siya noon ni Vic Mampusti, siya yung boss ko.

"Ang bayad sa pagiging alalay noon ay PHP20 a day,” pagbalik-tanaw ni Lito.

LITO PIMENTEL, ONCE A PALABOY

Paano siya naging PA?

Ayon sa 62-year-old actor, naglayas daw siya noon sa kanilang bahay.

“Taga-Sampaloc talaga ako. Naging palaboy ako kasi nagkaroon ako ng problema sa school, sa FEATI University.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

“First-year college ako noon. Maraming loko doon, e, may napalagan ako. Lumaban talaga ako, e, hindi ko naman lugar. Natakot na akong pumasok ng school.

"Takot din ako sa parents ko na umuwi dahil hindi ako pumapasok. So, parang naging palaboy ako.

"Ang tumulong sa akin ay si Dinkee Doo Jr. Magkasama kasi kami noon sa isang fraternity.

"Then, nakilala ko si Vic Mampusti at nagtrabaho na ako bilang alalay.”

Nakilala naman ni Lito ang kanyang magiging future manager na si Alfie Lorenzo dahil sa isang gulo.

"Nangyari yun sa Music Box sa Pasig. Nagkaroon ng away sa mga reporter si Sid. So ang trabaho ko kasi, umawat.

"Nakita ko kasi si Sid, napikon doon sa mga reporter.

"Si Sid kasi, laking probinsiya. Bisaya siya. Hindi niya alam yung mga biro.

“Ang natatandaan ko, yung isang reporter na inaawat ko si Sid, si Alfie Lorenzo. Nag-report ako kay Vic.

"Sabi ko, 'Si Sid kasi may nakaaway, si Alfie Lorenzo.' So, inutusan ako ni Vic na pumunta kay Alfie at magdala ng cake.

CONTINUE READING BELOW ↓
NOOD KA MUNA!

“Pagdating ko kay Alfie, nag-sorry ako sa nangyari. Ginagawa ko lang yung trabaho ko bilang alalay.

"Sabi ni Alfie, masyado raw akong matapang, e, ang payat-payat ko.

“Tapos sinabi niya na hiramin daw niya ako kasi may bago siyang artista na taga-Pampanga, si Edgar Mande.

"Gusto ni Alfie ako maging alalay. Pinaalam naman niya kay Vic yun, kaya ako na yung nakakasama ni Edgar sa mga shootings niya.”

LITO PIMENTEL BECOMES AN ACTOR

Ang desisyong ito ang naging hudya kay Lito para subukan ang pag-arte.

Sa isang shoot ni Edgar para sa pelikulang Schoolgirls, may extra na hindi nakarating sa set, kaya nag-asam si Lito na siya na lang ang kunin.

schoolgirls
Schoolgirls is Lito Pimentel's first movie, where he played a bit role.
Photo/s: VIDEO48
ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

“Noong sumasama na ako kay Edgar sa shooting, sabi ko, 'Kaya kong gawin ito kasi stage player ako nung high school.' Tapos kinulit ko yung isa sa taga-production doon na si Pong Mercado. Hindi kasi dumating yung isang extra.

"Pinipilit ko si Edgar na, 'I-suggest mo ko kasi, kaya ko iyan.' E, si Edgar mahihiyain. Narinig ako ni Pong. Sabi niya, ‘O, sige, puwede ka na.’’

Sa first take niya ay napagalitan siya ng direktor ng Schoolgirls na si Maryo J. delos Reyes.

“Nung mag-action, umarte na ako. Dapat pala, aarte ako kapag nakatutok na sa akin yung kamera.

"Nag-cut si Direk Maryo at tinanong kung sino yung maingay? Sinabihan ako na pag hindi ka pa kukunan huwag kang maingay.

“Hindi ko kasi alam kung saan yung camera nakatutok. Akala ko pag sinabi yung action, lahat kayo a-acting. Yun pala, hintayin mo kapag nakatutok sa iyo.”

Akala ni Lito, una’t huling shooting na niya iyon. Pero nagulat siya nung makatanggap siya ng call slip.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

“Bago kasi ako maging alalay, ang dami kong problema sa Maynila noon. One day, may kumatok sa pinto, hinahanap si Edgar at ako. Ang narinig ko lang ay yung pangalan ko na Joselito R. Pimentel. Nag-panic ako. Baka subpoena iyon at natunton na nila ako. Nagtago ako!

“Call slip pala iyon at ang tumanggap si Alfie. May continuity ako sa pelikula.

"Nalaman ni Alfie na gusto ko palang mag-artista kaya mina-manage na rin niya ako.

"Kapag hindi available si Edgar, ako yung pinu-push niya sa mga producers at direktor.”

Read:

Edgar Mande: From Regal Baby to Private Caregiver

Former actor Patrick dela Rosa dies at 64

LITO PIMENTEL JOINS LIBERTY BOYS

Naging opisyal na talent na ni Alfie si Lito kasama nila Edgar Mande, Patrick dela Rosa, Rey “PJ” Abellana, at Alvin Cannon.

Liberty Boys Edgar Mande, Patrick dela Rosa, Rey PJ Abellana, and Alvin Cannon
Liberty Boys (L, clockwise) Edgar Mande, Lito Pimentel, Rey PJ Abellana, Patrick dela Rosa, and Alvin Cannon
Photo/s: courtesy of Lito Pimentel
ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

Kung tawagin sila ay Liberty Boys dahil nakatira sila sa isang apartment sa Liberty Street, Cubao, Quezon City.

After School Girls, nabigyan ng pagkakataon si Lito na makatrabaho ang ilang mahuhusay na direktor tulad ni Ishmael Bernal (Hindi Kita Malimot), Lino Brocka (Miguelito: Batang Rebelde), at Marilou Diaz-Abaya (Moral).

Pinaka-unforgettable daw kay Lito ang pelikulang Moral dahil iyon ang first screen kiss niya with a guy.

Moral
Lito Pimentel's first screen kiss happened in the movie Moral.
Photo/s: Video48
ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

“Naalala ko, kinausap ako ni Direk Marilou. Sabi sa akin, kukunan na yung kissing scene. E, nakatingin ako kay Sandy Andolong. Yun pala, si Juan Rodrigo [JR] ang kahalikan ko!

“Magaling makipag-usap si Direk Marilou at nakumbinse niya ako agad sa eksena. Na-challenge kami ni JR kasi alam naming pag-uusapan yung eksenang iyon.”

LITO PIMENTEL'S FIRST ACTING AWARD

Pagkatapos ng ilan pang mga pelikula, muling naging direktor ni Lito si Direk Maryo sa pelikulang Kapag Napagod Ang Puso in 1988.

Kapag Napagod ang Puso gave Lito Pimentel his first acting trophy
Kapag Napagod ang Puso gave Lito Pimentel his first acting trophy.
Photo/s: Video48
ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

Dito nanalo si Lito ng best supporting actor award mula sa Gawad Urian.

“Bukod kay Direk Maryo, isa sa pinagkauutangan ko ng loob sa award na iyon ay si Boyet [Christopher de Leon]. Iba yung ginawa niyang motivation sa akin dun sa eksenang sinasakal ko siya.

“Nung una, sobrang nerbiyos ko sa eksena. Kailangan sakalin ko si Boyet. Dinaya-daya ko yung pagsakal, sinabihan ako ni Boyet na hindi niya nararamdaman. Ipakita ko raw yung galit ko. Huwag ko raw siyang tignan na siya si Boyet de Leon.

“Kaya noong mag-action na si Direk Maryo, tinodo ko pati pagmumura. Kaya nung manalo ako, isa si Boyet sa pinasalamatan ko.“

LITO PIMENTEL'S PAST DRUG USE

Naging aktibo rin si Lito sa telebisyon.

Nakasama siya sa cast ng GMA-7 soap drama na Anna Liza, na pinagbidahan ni Julie Vega, at sa top-rating sitcom na Manok ni San Pedro sa RPN-9 in 1987.

Naging co-host din siya ng noontime show na Lunchdate in 1988.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

Kasabay ng pagsikat ni Lito ay ang pagkalulong niya sa ipinagbabawal na gamot.

Taong 1996 nang bigla siyang mawala sa showbiz.

“Nagkaroon ako ng problema sa drugs noon. In 1995, pinapili ako ng brother ko na either mag-rehab ako dito or doon ako titira sa kapatid namin sa Australia. Parang magse-self rehab ako. Two years din ako nag-stay doon.

“Tapos gusto ko nang bumalik ng Pilipinas. Gusto kong bumalik sa pag-arte kasi. Nagkaroon ako ng isang trabaho sa Australia, pero natanggal kaagad ako. First day-last day. Gusto kong maging aktor ulit. Tsaka ready na ako. Magaling na ako.”

Pero hindi raw naging madali kay Lito ang pagbabalik niya sa showbiz dahil sa stigma ng kanyang pagiging drug addict noon.

Aminado rin siya na naging sakit ng ulo siya sa set.

“Pagbalik ko noong 1997, wala akong trabaho. May masama akong naiwan na impression noon. Yung napa-pack up ang taping dahil hindi ako dumarating. Mga nakakaaway ko sa set.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

“Nagkasamaan pa kami ng loob ni Alfie at ayaw na niya ako i-manage dahil sa sakit ng ulo na dinala ko sa kanya. Di ko na alam ang gagawin ko noon kasi maraming ayaw ako katrabaho.”

Noong mawawalan na raw ng pag-asa si Lito sa showbiz, bigla siyang nakatanggap ng tawag para mai-cast sa ABS-CBN teleserye na Marinella noong 1999.

“Tinawagan ako ni Tita Angge. Nakuha raw niya yung number ko, tapos binigyan ako ng role sa series na Marinella bilang tatay ni Shaina Magdayao.

"Si Tita Angge ang nagbigay ng isa pang pagkakataon sa akin.

“Na-survive ko naman lahat dahil nagtuluy-tuloy ang trabaho ko. Unti-unti na akong nakabangon ulit at napatunayan ko na nagbago na ako.

"Ngayon, si Tita June Rufino na ang manager ko since 2017.”

LITI PIMENTEL'S TV SHOWS

After Marinella ay nagtuluy-tuloy sa paglabas ni Lito sa mga teleserye. Hindi na siya halos nababakante.

  • Sa Puso Ko, Iingatan Ka (2001)
  • Basta’t Kasama Kita (2003)
  • Spirits (2004)
  • Gulong Ng Palad (2006)
  • Ysabella (2007)
  • My Girl (2008)
  • May Bukas Pa (2009)
  • Guns & Roses (2011)
  • Kahit Puso’y Masugatan (2012)
  • Juan dela Cruz (2013)
  • Be Careful With My Heart (2014)
  • Bridges of Love (2015)
  • Tubig at Langis (2016)
  • FPJ’s Ang Probinsyano (2017)
  • Bagani (2018)
  • Los Bastardos (2019)
  • A Soldier’s Heart (2020),
  • Mars Ravelo’s Darna (2022)
  • Hearts On Ice (2023)
  • Widows’ War (2024)
  • Mommy Dearest (2025)
  • House of Lies (2026)
ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

Sa taong ito, kasama si Lito sa GMA-7 afternoon series na House of Lies, na pinagbibidahan nina Beauty Gonzalez, Mike Tan, Kris Bernal, at Martin del Rosario.

Read Next
PEP Live
Featured
Latest Stories
Trending in Summit Media Network

Featured Searches:

Read the Story →
Lito Pimentel opens up about how his days as a palaboy led him to acting--and how drug use later took a toll on his career.
PHOTO/S: Artista Republica Archives (L); Ruel Mendoza
  • This article was created by . Edits have been made by the PEP.ph editors.
    Poll

    View Results
    Total Votes: 12,184
  • 50%
  • View Results