Hindi nakasama si Ara Mina sa grupo ng mga dumulog kay Vice President Noli de Castro last October 21, na kinabibilangan ng entertainment columnist na si Aster Amoyo at mga artistang sina Aubrey Miles at Maui Taylor para magreklamo kontra sa ginawang panloloko diumano sa kanila ni Mrs. Rose Flaminiano.
Gabi na kasi ng October 21 nang dumating si Ara sa Pilipinas mula U.S., kung saan nagkaroon siya ng series of shows. Pero kasama pa rin ang pangalan niya sa class suit kontra kay Mrs. Flaminiano, na una na nilang nai-file last October 14 sa Housing and Land Use Regulatory Board (HLURB), na pinamumunuan ni Vice President Noli de Castro.
Si Mommy Rose, na manager ni Gabby Concepcion, ang may-ari ng RALF Realty and Management Corporation, na developer naman ng Rosmont Executive Villas sa Tarlac City. Sina Ara, Aubrey, at Maui ay nagsilbing celebrity endorsers ng Rosmont, kasama sina Judy Ann Santos at ang yumaong si Rudy Fernandez; si Aster Amoyo ang naging PR noong i-launch ang Rosmont.
Ang kaso ay tungkol sa paggamit ni Mommy Rose sa pangalan nina Ara, Aster, Aubrey, at Maui nang hindi nila alam para makapag-housing loan sa Pag-IBIG. Nakuha raw ni Mommy Rose ang pera, pero ang apat na showbiz personalities ang may problemang malaki ngayon dahil bigla silang nagkaroon ng utang sa Pag-IBIG. Ayon sa complainants, ni isang kusing ay wala naman silang nakuha. P1.5 million ang presyo ng unit, pero dahil nagkapatung-patong na ang interest ay umabot na raw ang utang nila ng P2 million.
ARA EXPLAINS HER SIDE. After ng guesting ni Ara Mina, kasama si Aster Amoyo, sa The Buzz last October 26 para talakayin nga ang naturang isyu, pinalad naman ang PEP (Philippine Entertainment Portal) na makausap nang personal si Ara tungkol sa isyu with Mommy Rose. Matatandaang nauna nang na-interview ng PEP si Aster tungkol dito. (CLICK here to read related article.)
Sa dressing room, agad tinanong ng PEP si Ara kung hindi ba siya nanghinayang na hindi siya nakasama sa pagharap kay Vice President Noli.
"Hindi naman kasi nagkaroon naman kami ng interview sa The Buzz. At saka all for one naman ang laban namin. Basta ang ginagawa ko ngayon, nakikipag-coordinate na lang ako kay Tita Aster para sa mga supporting documents at ebidensiya na makukuha pa niya at ng abogado namin na si Atty. Prudente Soller Jr.," sagot ni Ara.
Paano ba nagsimula ang away na ito with Mommy Rose?
"Actually, hindi naman kami nakikipag-away, e," paglilinaw ni Ara. "Birthday ni Tita Aster last year, pumunta ako then nagkakuwentuhan kami. E, di ba, magkakasunod kami ng birthday; ako May 9, siya May 10. ‘Tapos pareho kaming mahilig magnegosyo. Sabi ko ibinebenta ko yung mga properties ko. I sold my condo in Eastwood. Kasi investment naman talaga, nagpe-pre-selling ako.
"‘Tapos nasabi ko na plano ko rin sanang ibenta yung sa Tarlac ko. ‘Tapos sabi niya [Aster], siya rin daw may property doon. ‘Tapos hayun na, lumabas na pareho pala kaming namomroblema sa mga properties namin sa Tarlac, yung sa Rosmont nga ni Mommy Rose. Doon na nag-start yun. ‘Tapos sabi ko nga, ang alam ko endorsers din sina Maui at Aubrey. Sabi ko kay Tita Aster, ‘Why don't you contact them, kumustahin mo ang bahay nila?'"
Patuloy ni Ara, "Actually, kasi bilang endorsers, supposed to be yung mga bahay na yun ang bayad sa amin. May mga ginawa pa ngang model house doon. Sinasabi nila na, 'Heto yung kay Ara na unit.' May mga picture pa nga namin. Nakita namin, e. May picture ko, heto yung unit ni Ara.
"Pero hindi talaga yun ang unit namin. Depende sa amin kung yun ang gusto naming kunin, yung gawa na o yung gagawin pa lang. Basta ang sinabi ko, gusto ko yung malapit sa cluhouse. Kasi parang pre-selling din yun, e. So, hayun, doon nag-start talaga.
"'Tapos nagulat na lang ako, hindi ko maintindihan kasi pinadadalhan ako ng billing statement. Tapos tinatawagan ko si Kuya Dondon [Monteverde, Ara's manager] para i-follow up kay Mommy Rose. Sabi huwag na raw intindihin. Minsan hindi na sumasagot sa tawag, hindi na makausap.
"‘Tapos nagkita kami ni Mommy Rose. Though alam ko na may problema na kasi nga pinapadalahan na ako ng billing. Sabi niya, inaayos na raw. ‘Tapos tinawagan ko sina Maui at Aubrey. Si Aubrey nga napinturahan na yung bahay niya. Nilagyan na niya ng gamit. Kasi sa amin, si Aubrey ang nakakuha ng susi, napaayos na niya yun. Na-furnish na niya. Si Maui napadalhan na ng final notice na kailangan na talagang bayaran yung utang sa Pag-IBIG kundi mareremata yung unit. Ako kasi, nag-transfer ako ng house. So yung mga sulat ko, doon bumabagsak sa old house ko," mahabang kuwento ni Ara.
CLEARING HER NAME. So, ano ang gusto niyang mangyari? Ano ang gusto niyang gawin ni Mommy Rose?
"I'm sure sa sobrang dami ng problema ni Mommy Rose, hindi niya kami agad mababayaran. Pero ang gusto ko lang, malinis yung pangalan ko sa Pag-IBIG. Kasi any moment na kailanganing kong mag-loan, puwede kong magamit, di ba? Yun din ang gustong mangyari nina Tita Aster, Maui, at Aubrey."
Gusto rin ba niyang mabawi yung bahay na dapat sana ay kabayaran sa kanya as endorser?
"Well, mas maganda kung mabawi ang bahay," sagot ni Ara. "Bahala na sila ng Pag-IBIG mag-usap. Basta malinis lang yung name ko sa Pag-IBIG. Kasi yung pipilitin pa namin na maglabas siya ng pera, baka abutin pa kami ng ilang taon. Ang dami namin, e, so tag-mamagkano kami, ‘tapos yung perhuwisyo. Sad to say kung hindi kami mababayaran ni Mommy. Pero yun na lang, malinis lang yung pangalan ko sa Pag-IBIG, kahit yun na lang."
Ano ang tingin niya kay Mommy Rose ngayon?
"Ang feeling ko, hindi na niya alam ang gagawin niya sa dami ng problema niya. Kasi siguro hindi niya akalain na ganito ang mangyayari. Hindi ko naman siya inaaway. Nakita mo naman, Mommy Rose pa rin ang tawag ko sa kanya. Kaya lang, sana hindi na lang siya nagsinungaling sa akin. Sana naging transparent siya."
EVEN BEFORE GABBY-ROSE FEUD. Sinasabi na bakit ngayon lang sila lumabas, matagal na pala ang problemang ito at sinasabi pang nakiki-ride on lang sila sa controversy between Mommy Rose and Gabby Concepcion. Ano ang comment niya rito?
"Nauna pa kami kay Gabby kung tutuusin, kaya lang we still gave her a chance," ani Ara. "We trusted her. Pina-follow up namin kung bakit may billing statement, e, siyempre busy rin ako. Hanggang puro pagtawag lang, hindi ko naman siya mapuntahan personally. Hindi pa niya hawak noon si Gabby. Pero kumbaga, Diyos na yung nagtagpo-tagpo sa amin nina Tita Aster. At saka ngayon lang namin nakukumpleto yung mga documents at evidences. Nagkataon lang na nagkaproblema rin sila ni Gabby.
"Actually, nagulat nga ako noong magpunta ako sa wake ng dad ni Gabby, alam din ni Gabby na may problema ako, e. Sabi ko, paano niya nalaman, e, hindi nga kami nagsasalita. Alam na niya before pa na may problema kami. Nagulat nga ako kay Gabby kasi alam niya. Wala naman kaming pinagsasabihan kasi as much as possible tahimik lang kaming nagmi-meeting. Kaso naunahan na kami ni Gabby, nalaman na niya agad."
REQUEST TO ROSE. Ano ang mensaheng gusto niyang iparating kay Mommy Rose?
"Wala, hindi ko alam kung ano ang sasabihin ko. Kasi hindi naman ako sanay makipagdemandahan, e. If ever, ito pa lang yung first. At saka kilala n'yo naman ako, si Ms. Loan ako, di ba? Ayokong nasisira yung credit ko sa loan.
"Business-minded din ako. Kaya ko gusto sanang ibenta yung bahay sa Tarlac kasi hindi ko naman magagamit. Kung parerentahan ko naman, mahihirapan naman paroo't parito. So, ibebenta ko na lang, gagamitin ko yung pera for business. Ang message ko na lang siguro, sana makipag-ayos na si Mommy Rose. Linisin niya ang pangalan ko sa Pag-IBIG," huling sabi pa ni Ara sa PEP.