Willie Revillame's camp denies committing child abuse; explains side on growing controversy

Willie Revillame (main photo) was a no-show at the press conference today, April 2, after reportedly experiencing high-blood pressure. Instead, his lawyer Atty. Nards de Vera and Willing Willie business unit head Jay Montelibano (l-r, inset) faced the media to give the program's side on the alleged child abuse controversy, involving a 6-year-old contestant.


"We are not child abusers."

Ito ang naging mariin na pahayag ni Jay Montelibano, ang business unit head ng Willing Willie, kaugnay pa rin sa pinakabagong kontrobersiya na kinakaharap ng primetime variety-game show.

Matatandaang umani ng batikos ang Willing Willie at ang main host nito na si Willie Revillame matapos na kumalat sa Internet ang March-12 episode ng programa, kung saan ay sumasayaw ng isang "sexy" dance number ang isang anim-na-taong-gulang na contestant, na nakilala sa pangalang Jan-Jan Suan. (CLICK HERE to read related article.)

Marami ang umalma at hindi naglaon ay nakisali na rin sa usapin maging ang Department of Social Welfare and Development (DSWD), ang Commission on Human Rights (CHR), at si Bagong Henerasyon Party List Representative Bernadette Herrera-Dy. (CLICK HERE to read related article.)

Sa paningin ng mga kritiko ay nagkaroon ng paglabag sa karapatan ng menor de edad na contestant at diumano'y napahiya si Jan-Jan sa harap ng publiko kaya dapat lang na panagutin ang programa dahil sa nangyari.

WITH FULL CONSENT. Kaninang tanghali, April 2, ay humarap sa isang press conference, na ginanap sa Annabel's restaurant sa Tomas Morato, Quezon City, si Jay Montelibano at ang tumatayong legal counsel ni Willie na si Atty. Nards de Vera, para ihain ang kanilang panig sa lumalaking usapin.

Hindi naman nakarating ang main host ng programa na si Willie Revillame dahil tumaas daw ang blood pressure nito matapos makipag-meeting sa pamunuan ng TV5 kaugnay pa rin sa kontrobersiya.

Una muna ay muling ipinalabas ang controversial episode ng Willing Willie hanggang sa parte na kung saan ay ipinamalas ni Jan-Jan ang kanyang talento sa pagsasayaw.

"That dance per se, by itself, is just a dance. Walang sexual suggestion, nothing indecent, or he, trying to striptease—walang ganun! It was just a continuous flow of movement on the part of the child," bungad na paliwanag ni Atty. de Vera.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Pangalawa, he was never forced or was never persuaded to perform something indecent or against the law.

"Kaya lang ang kumakalat sa Internet ngayon [is] child abuse. Now, when you have the secretary of the Department Social Welfare herself, making a statement of complaint, of course it will create some attention."

Dito na inilabas ni Atty. de Vera ang tatlong magkakahiwalay na sworn statement na nilagdaan umano ng apat na kamag-anak ni Jan-Jan.

Ito ay ang magulang ng batang contestant na sina Joe at Diana Suan, ang tiyuhin na si Argie Estrada, at ang tiyahin na si Jocelyn Santiago, na siyang kasama ni Jan-Jan sa studio nung sumalang ito sa "Wiltime Bigtime" segment ng programa.

Sa kanilang mga sinumpaang salaysay ay nagbigay sila ng kanilang sari-sariling pahayag tungkol sa personalidad ni Jan-Jan, at kung ano ang nangyari sa March 12 episode ng Willing Willie.

Ayon sa pahayag ng magulang ni Jan-Jan: "Alam namin na dapat ilabas niya ang galing niya sa pagsasayaw sa Willing Willie. Napili ang sayaw na yun para mangibabaw ang talento niya kumpara sa ibang mga contestants.

"Ito kasi ang napapanood niyang sayaw na kakaiba at kwelang-kwela sa ibang shows sa telebisyon. Alam kasi namin na pag mas maganda at mas kakaiba ang kanyang talent, mas mapapansin siya at mas marami ang masisiyahan sa kanya."

Sinabi naman ng tiyuhin ni Jan-Jan sa kanyang sworn statement na siya ang nagturo sa kanyang pamangkin ng sayaw na ipinakita niya sa harap ng kamera.

"Nung nakuha siya bilang isa sa mga contestants para sa Marso 12, 2011 palabas ng Willing Willie, mas lalo ko siyang inensayo para sa sayaw niya. Seryoso yung sayaw, kaya dapat seryoso din ang mukha niya. Ito ang turo ko sa kanya."

SAME OLD STYLE. Ikinatwiran ni Atty. de Vera na ang ipinamalas na istilo ng pagsasayaw ni Jan-Jan ay dati na niyang ginagawa, partikular sa mga school programs.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Para patunayan ang kaniyang punto ay may ipinalabas na video clip na nagpapakita kay Jan-Jan noong "four years old" ito, na nasa loob ng classroom, pinapanood ng ilang kaklase habang sumasayaw ito ng parehong "sexy" dance style.

Depensa ni Atty. de Vera, "Ang general impression kasi is 'yong bata was forced to perform something na against his will, and that he was forced to dance a dance that is not proper. This video here disproves that.

"Maaari siguro na malaman ninyo rin na 'yong sinayaw ni Jan-Jan nung March 12 sa program ni Willie ay sinayaw na niya yun sa kaniyang eskuwela. May video na ipapakita kami, exactly the same dance, nagpapalakpakan ang mga teachers, ang mga estudyante... He was four years old [when the video was taken], now he's six years old."

Sinabi rin ni Atty. de Vera na ang pag-iyak ni Jan-Jan habang nagsasayaw siya sa Willing Willie ay hindi dahil napipilitan siya sa kanyang ginagawa.

Napaluha raw ang bata dahil "natakot" nang makita ang seven-footer at dating PBA (Philippine Basketball Association) player na si Bonel Balingit, na tinawag ni Willie nung simula ng segment para iharap sa batang contestant.

"Sa totoo lang, kung hindi umiyak 'yong bata, wala tayong pinag-uusapan ngayon!" pagtatanggol ni Atty. de Vera.

"If you will see this child, he really has sad eyes. He's a child with drooping eyelids and his natural expression is sad sometimes.

"He himself explained [why he cried]. Who is in the best position to explain why he cried? No one can explain that. He himself explained why he cried,. and he said because natakot ako sa 'kapre,'" sambit ng abogado, na sinabing "kapre" ang ginamit na bansag ni Jan-Jan kay Bonel Balingit.

NO MALICE. Sinabi naman ni Jay Montelibano na hindi nila nakitaan ng malisya ang ginawang pagsasayaw ni Jan-Jan, at labis lang raw na natuwa si Willie sa batang kalahok kaya ipinaulit-ulit niya dito ang sayaw.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Nagkaroon lang diumano ng concern ang staff sa naunang tugtog na pinili ng kampo ni Jan-Jan para gawing background music.

"Careless Whisper" raw sana ang accompanying music nagusto ng magulang ni Jan-Jan, subalit pinapalitan ito ng staff dahil nakakabit ang nasabing tugtugin sa sex-video scandal na kinasangkutan ng aktres na si Katrina Halili at dating doktor na si Hayden Kho dalawang taon na ang nakakalipas.

Pero maliban daw dun ay walang nakitang masama at malisyoso ang Willing Willie team sa istilo ng pagsasayaw ni Jan-Jan.

Naniniwala ang kampo ni Willie na walang naging paglabag sa karapatan ni Jan-Jan bilang menor de edad.

Bukas daw ang kampo ng Willing Willie na sumailalim sa anumang uri na imbestigasyon para mabigyan din sila ng pagkakataong maipaliwanag ang kanilang panig.

Maaaring makatulong rin daw ito para magkaroon na ng "closure" ang lumalalang isyu.

Personally speaking, sinabi ni Jay, nirerespeto nila ang opinyon ng ilang mga nasa showbiz na nagpahayag ng kanilang pagkadismaya sanhi ng insidente. Kabilang dito sina Aiza Seguerra, Lea Salonga, Jim Paredes, Mylene Dizon at iba pang personalidad sa larangan ng entertainment.

"I don't have a Twitter account," sambit ni Jay. "I guess everyone is entitled to their own opinion. Iba-iba ang tingin nila and hindi ko hawak kung ano ang opinyon nila."

SPONSORS EXODUS? Pinatotohanan naman ni Jay ang balita na nagpahayag na ng kanilang intensiyon ang Jollibee Foods Corporation, na siyang mother company ng restaurant chain na Mang Inasal, isa sa mga sponsors ng Willing Willie, na pansamantala muna itong titigil sa paglalagay ng ad sa programa habang hindi pa naaayos ang kontrobersiya. (CLICK HERE to read related article.)

"The other sponsors like Unilever, CDO, Cebuana [Lhuillier], they're still intact, and they've given us their support. So, nagpapasalamat kami sa kanila," pahayag ni Jay.

STRICTER MEASURES. Sa kasalukuyan raw ay may ipinapatupad na mga hakbang ang Willing Willie at ang pamunuan ng TV5 para masiguro na hindi na mauulit ang kaparehong insidente sa hinaharap.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ang mga hakbangin na ito ay ang mga sumusunod:

Caused preparation of stricter guidelines on the appearance and performance of minors, particularly children on all TV5 programs.


Required that all Willing Willie auditions be supervised by TV5 representatives.


TV5 has appointed an internal Ombudsman to review any incidents of this nature and to whom any complaints may be referred for immediate disposition.


Imposed a moratorium on the participation of minors in all contests and game shows of TV5 until such time that the preceding measures are fully in place.


Sa huli ay muling humingi ng paumanhin si Jay, on behalf of Willing Willie, sa mga tao o grupo o sektor na hindi nagustuhan ang insidenteng naganap nung March 12.

Wala raw silang intensiyon na lumikha ng kontrobersiya at ang tanging layunin lang nila ay ang makapagbigay ng tuwa at pag-asa sa mga mahihirap.

"We apologize, sincerely," seryosong pahayag ni Jay.

Kumpiyansa naman si Atty de Vera na walang dahilan para akusahan ang programa at ang kanyang kliyente ng child abuse o 'di kaya ay pamamahiya sa isang batang contestant.

"Look at the dance. If the dance is bad and obscene, then we have a problem. But there's nothing improper about it," diin ng abogado ni Willie.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN