Heart Evangelista’s dad feels wedding bells around the corner for Heart and Daniel Matsunaga

Dwarfina lead star Heart Evangelista admits that she’s starting to look forward to the future, and Brazilian boyfriend Daniel Matsunaga is of course part of her plans.


Bagamat malapit nang matapos ang GMA-7 primetime telefantasya series na Dwarfina ay hindi pa rin tuluyang makapagpahinga ang lead star nito na si Heart Evangelista.

Kahapon, April 14, sa set ng serye na ginawa sa Marilao, Bulacan, naikuwento ni Heart sa PEP (Philippine Entertainment Portal) at iba pang reporters na nakatakda siyang magtungo sa Ilocos Norte para sa shooting ng remake ng classic Filipino movie na Temptation Island.

Noong una ay lumabas ang balita na umatras si Heart sa proyekto dahil tila hindi siya kumportable sa karakter ng papel na gagampanan. May pagka-sexy kasi ang role na inalok sa dalagang aktres kaya nagdalawang-isip ito na tanggapin ang proyekto.

Subalit naayos naman ang gusot nang magdesisyon ang Regal Films na palitan na lang ang role ni Heart at ibigay kay Lovi Poe. (CLICK HERE to read related article.)

"Although gusto ko rin gawin ’yon [Lovi’s role] kaya lang parang masyadong... Kasi may parte dun na magtatakip ka ng boobs, e, di ba, kahit na challenging and parang masaya yung ganun, minsan maldita ka, pero kung to that point, huwag na lang?

"So nung naging virginal yung role ko, sweet-sweetan, okay na, di ba? Wala nang kahit anong adjustment," paliwanag ni Heart.

Ang gagampanan ni Heart ay ang role noon ni Dina Bonnevie sa original movie, samantalang napunta naman kay Lovi ang role ni Jennifer Cortez.

Kasama rin sa Temptation Island sina Marian Rivera (sa role noon ni Azenith Briones), Solenn Heussaff (sa role ni Bambi Arambulo), at Rufa Mae Quinto (sa role ni Deborah Sun).

LIFE AFTER THE BLAZE. Kinumusta ng PEP kay Heart ang lagay ng kanyang pamilya matapos ang sunog na tumupok sa kanilang rest house sa Carmona, Cavite noong March 19. (CLICK HERE to read related article.)

"Okay na siya [Heart’s father]. Pumupunta pa rin siya dun every day kasi yung mga aso inaalagaan niya, naaawa siya, e. So pumupunta pa din siya dun every day, every morning," sabi ng dalagang aktres.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Bagamat hindi itinanggi ni Heart na nalulungkot pa rin sila dahil sa nangyari ay nagpapasalamat pa rin sila dahil walang nasaktan at kumpletong nailigtas ang mga aso na kanilang inaalagaan.

"Actually, nung una depressed-depressed ako kasi iniisip ko baka ma-depress siya. Pero tumatawa naman siya, nagdyu-joke-joke siya, so I guess okay naman na."

And speaking of Heart’s dad, nabanggit din ng aktres ang lambing sa kanya ng ama na kung maaari ay huwag muna itong mag-asawa hangga’t hindi pa nito naisasaayos ang kalagayang pinansiyal.

Hindi naman tutol ang mga magulang ni Heart sa current boyfriend nito na si Daniel Matsunaga. Nais lang daw ng kanyang ama na masiguro na may sapat na mapagkukunan ng kita ang anak para nga naman hindi mahirapan sa oras na magkaroon na ito ng sariling pamilya.

"Yung daddy ko, sabi niya, ’Parang nararamdaman yata kita na ito na ’yon, ha!’ Sabi niya ’Huwag ka munang magpakasal, ha? Tulungan muna kita. Ako ang hahawak ng pera mo. Ayusin na muna natin yung business.’

"So, sabi niya, ’At least kahit hindi ka na mag-artista, kumikita ka ng ganitong amount para okay yung lifestyle mo. Baka naman maaawa ako sa iyo, ma-depress ka na hindi mo na mabili yung mga gusto mong bilhin. Siyempre sasabihin mo lang ’yan ngayon, pero pag nandiyan ka na, medyo mahihirapan ka ng konti. So, ito gagawin natin’... Pinaplano na niya!"

Dagdag ni Heart, "Love na love ko yung daddy ko ngayon. Kasi ang laki na ng changes niya, hindi na siya ganun ka-strict. Dati kasi parang hindi ko maintindihan. Pero ngayon mellow na siya."

HAPPY WITH DANIEL. Kapansin-pansin na masaya si Heart sa kanyang kasalukuyang estado, at inamin naman niya na isa si Daniel sa mga dahilan kung bakit positibo ang kanyang pananaw sa buhay.

"Si Daniel, mabait talaga siya. Kasi iba talaga yung kultura nila, [he’s] very patient ’tsaka anghel talaga. Pero hindi naman ako demonyita!" natatawang pahayag ni Heart.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Alam ni Heart ang pangarap ng kanyang Brazilian boyfriend na makapaglaro ng professional football, at kung mabibigyan ng pagkakataon ay nagpahayag pa nga ito ng naisin na makasali bilang miyembro ng Azkals. (CLICK HERE to read related article.)

"Actually, magaling siya mag-football," pagmamalaki ni Heart. "Professional football player siya sa Hong Kong, pero ngayon busy siya. Every day nagta-Tagalog class siya from 9 a.m. to 12 noon. So, Tagalog na ang usapan namin."

DENNIS TRILLO. Kinumusta na rin namin kay Heart ang leading man niya sa Dwarfina na si Dennis Trillo, at kung ano ang reaksiyon niya sa usap-usapan na pinagselosan daw siya ng ex-girlfriend ng aktor na si Jennylyn Mercado.

"Hindi nga kami nag-uusap," diretsong sagot ni Heart. "Mahiyain talaga [si Dennis]. Ever since, kahit sa Mano Po, hindi naman niya ako kinakausap. Nag-uusap lang kami sa eksena."

Hindi naman makitaan ni Heart ng anumang pagbabago si Dennis mula nang malaman ng publiko na hiwalay na ito kay Jennylyn, kaya hindi niya rin masukat kung malungkot ba ito o may dinaramdam.

"Kasi ever since mysterious na ’yan, e. Tahimik lang talaga ’yan," sambit ni Heart tungkol sa kanyang leading man.

Masikreto rin naman si Heart noon pero kapansin-pansin ang pagiging mas open niya ngayon at kumportable kapag kausap ang mga reporter.

"Dati kasi sa ABS [-CBN], hindi ako vocal, e. So, nagmukha talaga akong the girl who cried wolf nung lumabas yung buntis-buntis issue—walang naniwala sa akin na hindi ako buntis!"

"Kasi pag napapanood ko sarili ko dati sa MYX, parang gusto kong magtago, ’Shocks, ang arte arte mo!’ Nakakahiya, di ba? Kasi siyempre, hindi mo mararamdaman kasi lahat ng tao [sinasabi], ’Ang ganda-ganda mo!’ ’Tsaka ano din ako nun, hindi ako masyadong malapit sa tao," paliwanag ni Heart.

"Maarte pa rin naman ako ngayon... Pero nasa lugar na," pahabol niya.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN