Ipinalabas sa Startalk kahapon, June 5, ang panayam nila kay Baron Geisler noong May 5 sa Enpress Golden Screen Awards for Movies kunsaan presenter ang aktor.
Pinag-usapan sa panayam ang di pagsipot ni Baron sa mga hearing ng kasong isinampa sa kanya ni Yasmien Kurdi na acts of lasciviousness and unjust vexation. Ang ugat ng kaso ay ang pambabastos daw na ginawa ng aktor kay Yasmien noong Mayo 21, 2009 habang nagte-taping sila ng SRO Cinemaserye Presents Suspetsa ng GMA-7.
Ang sabi naman ni Baron ay pumunta daw siya sa mga hearing.
"Um-atend po ako," ang sabi niya noong May 5. "Hindi nga po siya natuloy. I mean, tuloy po siya, pero, wala nga lang po ang judge. I think nagkaroon siya ng emergency something."
Pero last Friday, June 3, may lumabas nang warrant of arrest para sa actor dahil daw sa hindi nito pagsipot ng dalawang beses sa ipinatawag na hearing ng Bocaue, Bulacan Municipal Trial Court. (CLICK HERE for related story.)
Tila kampante naman daw ang actor sa kahihinatnan ng kaso.
"Life goes on pa rin," ang naging pahayag niya.
FLIGHT IMPLIES GUILT. Sa panayam naman ng Startalk sa legal counsel ni Yasmien na si Atty. Ferdinand Topacio, pinabulaanan nitong nakapag-attend daw ng hearing si Baron.
Ayon kay Atty. Topacio, "Hindi po dumadalo si Ginoong Geisler sa kahit na anong hearing. Kaya nga po siguro, nagpasya na rin ang hukuman na siya ay ipaaresto. Sapagkat hindi po uusad ang paglilitis kung wala po siya. Ang dapat niyang gawin ay sumuko siya sa hukuman. At siya ay magpiyansa. Upang ma-lift ang warrant. Kung hindi, talagang dadakipin siya.
"Ang payo ko naman sa kanya, magpakita siya upang harapin itong akusasyon laban sa kanya sapagkat meron po tayong tinatawag sa batas na flight which means guilt. Ibig sabihin kung ikaw ay nagtatago, ayaw mong humarap sa hukuman, ibig sabihin ikaw ay may kasalanan."
YASMIEN SPEAKS FROM GUAM. Sa kasalukuyan ay nasa Guam si Yasmien at nagbabakasyon. Pero nagawa siyang makausap ng Startalk at hingan ng reaction tungkol sa warrant of arrest kay Baron.
Ayon sa aktres, "Sa totoo lang po, hindi ko pa po masyadong alam ang story kasi wala nga po akong balita rito, like yung mga tito ko pa lang po ang nakapanood kanina. Hindi ko pa po alam kung ano ang nangyayari. Hindi ko pa rin po alam kung ano na ba ang status na nangyayari about the case.
"Nagulat din po ako, pero, maayos na rin po yun para malaman ng tao kung ano talaga ang problema niya at kasalanan niya, di ba? Sana po matapos na rin po ito para maayos na rin po ang lahat."
May pabuyang inilaan ang kampo ni Yasmien na P50,000 para sa kung sinumang makakapagsabi ng kinaroroonan ni Baron.
Ayon pa kay Atty. Topacio, "Kami ay nag-o-offer ng reward na P50,000 sa kung sinuman pong law enforcer officer na makakadakip kay Mr. Baron Geisler."
Natuwa naman si Yasmien sa naisip ng kampo. "Ah, talaga po? Maayos po kung may tutulong para maayos na rin po 'to, di ba?"
Tinanong ng Startalk kung may mensahe ba siyang gustong iparating kay Baron?
"Hindi ko po alam kung ano ang iko-comment ko," ang sabi lang niya.
Paano raw kaya kung aksidente silang magkrus ng landas?
Sagot ni Yasmien, "Ang alam ko po, hindi po siya puwedeng lumapit sa akin ng ilang metro. Hindi ko lang po alam kung ilang meters. Alam ko may gano'n. Hindi rin po puwedeng mag-call or anything and lumapit. For the safety rin po kasi, ako rin po natatakot ako, e. Baka kung ano po ang mangyari, di ba?"
Nagpa-issue si Yasmien ng temporary restraining order laban kay Baron last year dahil daw panay ang padala sa kanya ng di magagandang text messages pagkatapos niyang mag-file ng complaint.
BARON'S LAWYER REACTS. Ang sabi naman ng kampo ni Baron ay wala itong natatanggap na abiso or subpoena. Nakausap din ng Startalk ang legal counsel ni Baron na si Atty. Bonifacio Alentajan.
Ayon sa abogado, "Ang address na ginamit ni Baron diyan kapag nagsu-shooting siya ay ABS-CBN. E, hindi naman 'yan ang bahay ni Baron. Dapat kapag may mga notices sa isang litigan or kasama sa kaso ay kung saan ang kanyang residence address at hindi sa TV station.
"Kaya siguro hindi natatanggap or hindi nakarating kay Baron yung mga notices na meron pala siyang hearing sa Bocaue, Bulacan. Hindi ko alam kung itong mga warrant of arrest na ito—dahil hindi ko pa nga nakikita—hindi ko alam kung dahil sa hindi niya pagsipot sa hearing or dahil sa may kaso siya.
"Kasi, dalawang klase ng warrant of arrest ang puwedeng iisyu ng husgado. Dahil sa may kaso ka hindi ka nagpiyansa at kahit nagpiyansa ka, hindi ka sumipot sa hearing, isyuhan ka ulit."
