PEP SCOOP: Why Liv Espino was missing at funeral of husband Tyron Perez

Ayon sa isang mapagkakatiwalaang impormasyong nakalap ng PEP, dumating ang asawa ni Tyron Perez (inset photo) na si Liv Espino-Perez (main photo) sa sementeryo noong gabi na ng January 5, ang araw ng libing ni Tyron.


Isang malaking katanungan sa karamihan ang hindi pagpunta ni Liv Espino sa libing ng kanyang asawang si Tyron Perez.

Inihatid sa kanyang huling hantungan si Tyron kahapon ng umaga, Enero 5, Huwebes, sa Jaika Cemetery ng Concepcion, Tarlac.

Marami ang nakiramay at dumalo sa libing ng young actor, pero kapansin-pansin na wala nga si Liv.

Dahil dito, maraming espekulasyon ang nagsilabasan, lalo na’t hindi pa rin malinaw hanggang ngayon ang totoong dahilan ng pagkamatay ni Tyron.

Tinatanong pa rin ng publiko kung totoo nga bang nagpatiwakal siya sa pamamagitan ng pagbaril sa sarili.

At inaalam pa rin ng mga pulisya ang kasagutan.

Ngunit ayon sa panayam ni Liv dito sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal), kumbinsido siya na "suicide" ang pagkamatay ng asawa.

(CLICK HERE to see related article.)

Pero sa panayam naman sa mga kaanak ni Tyron—kabilang na ang ama niyang si Carlito Perez—hindi sila makapaniwalang kikitilin ng aktor ang sarili nitong buhay.

(CLICK HERE to read related story.)

LATEST INFO. Ayon sa nailathalang report ni Gorgy Rula para sa PEP kaninang umaga, nagpunta si Liv sa bahay nina Tyron noong Miyerkules, Enero 4, bandang alas-onse ng gabi.

Pero umalis din daw ito ng mga alas-tres ng madaling-araw kinabukasan.

Ayon pa sa report, nagkaroon daw ng kaunting kaguluhan kaya nagdesisyon si Liv na umalis na lang.

Kaugnay nito, isang source na malapit kay Liv ang nakausap ng PEP kaninang hapon, Enero 6.

Kinumpirma nitong nagpunta nga si Liv sa bahay nina Tyron.

Kinumpirma rin ng source na may nangyari ngang kaguluhan kaya umalis si Liv.

Pero nagkaroon lang ng pagkakaiba sa oras nang pagpunta at pag-alis ni Liv.

Ayon sa source, pagkaalis ni Liv ng madaling-araw ng Huwebes ay bumalik din ito kinaumagahan para sa libing ni Tyron.

Pero nagkaroon daw ng hindi pagkakaintindihan sa pagitan ni Liv at ng extended family ni Tyron sa simbahan pa lang.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Nagbanta diumano kay Liv at sa pamilya nito ang ilang pinsan ni Tyron: "Kapag hindi sila umalis dito, alam na nila ang kalalagyan nila."

Ito raw ang dahilan kaya napagdesisyunan ng kampo ni Liv na umalis na lang.

Pero nagpaalam naman daw nang maayos si Liv sa mga magulang ni Tyron na sina Carlito at Lucia Perez.

Sabi pa ng PEP source, masakit man at labag sa kalooban, minabuti na lamang daw ni Liz at ng kanyang pamilyang umalis—para na rin sa sariling kaligtasan at bilang respeto sa alaala ni Tyron.

Pagsisiwalat pa ng source ng PEP, nagpunta pa rin si Liv sa puntod ni Tyron.

Ito ay noong Huwebes na ng gabi—o ilang oras matapos ilibing ang kanyang asawa.

Kasama raw ni Liv ang kanyang pamilya at ilan pang kamag-anak.

Pagsasalaysay pa ng source, masakit para kay Liv ang mga lumalabas na balita at espekulasyon tungkol sa hindi niya pagdalo sa mismong libing ng sariling asawa.

Na kesyo mas inuna pa raw ni Liv ang trabaho kaysa sa libing ni Tyron.

Dagdag pa ng source, wala raw katotohanan ang haka-hakang iyon: Hindi raw ipagpapalit ni Liv ang oras na maihatid nito sa huling hantungan si Tyron sa anupamang trabaho.

At kahit daw masakit sa asawa ng aktor ang mga pangyayari, taos-puso pa rin daw nagpapasalamat si Liv sa lahat ng dumamay, tumulong, at nagparamdam ng pagmamahal kay Tyron.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN