(UPDATED) Why is Katrina Halili tweeting "Masama ang loob ko"?

On Twitter, Katrina Halili hints at brewing feud with Marian Rivera. On the set of My Beloved, however, PEP sources say it’s not the latter who’s picking a fight.


Bakit masama ang loob ni Katrina Halili kay Marian Rivera?

Binanggit ni Katrina sa Twitter na may taong “nai-insecure pa din” sa kanya kaya mas pipiliin na lang niyang mamatay ang kanyang karakter na si Emmy sa My Beloved.

Sinabi rin niyang "5 years ago. nangyari na ito," at hanggang ngayon ay "hate" pa rin siya nito.

Hindi nagbanggit ng pangalan ang Starstruck Batch 1 alumna pero natukoy kaagad ng mga followers nito na, diumano, si Marian ang dahilan kung bakit "masama ang loob" niya.

(CLICK HERE to read related story.)

Hindi rin nagbigay ng anumang detalye si Katrina kaya may ilang nagulat sa kanyang tweets.

Nakakalap ng impormasyon ang PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) mula sa dalawang sources na nakakasalamuha ng dalawang aktres.

Nitong nakaraang Miyerkules, April 11, nagkaroon ng birthday party para sa veteran actress na si Nova Villa, co-star ng dalawa sa My Beloved.

Bago umalis si Marian, nakita ng isang source na nagpaalam ito sa kanyang mga kasamahan sa trabaho, maliban daw kay Katrina.

Ang dahilan: "Nagtalukbong" daw kasi ang huli.

Nitong Biyernes, April 13, nag-tape sila ng eksena na merong sampalan.

Ang dapat sanang "daya" ay naging makatotohanan dahil talaga raw sinampal ni Katrina si Marian—kahit pa taliwas ito sa instruction ng direktor na si Dominic Zapata.

Hindi alam ng dalawang sources ang pinanggagalingan ng tweets ni Katrina, pero ang sapantaha ng isa ay: "Hindi kaya pinaglilihian niya si Marian?"

Kasalukuyang four months pregnant si Katrina.

ANOTHER SOURCE SPEAKS UP. Upang makakalap ng mas maraming datos tungkol sa mga pangyayari, isa pang witness ang aming kinausap.

Una naming tinanong ang tungkol sa pagtatalukbong umano ni Katrina noong saktong magpapaalam na sa kanya si Marian.

Bagamat nandoon din sa party ang pangatlong source, hindi raw nito napansin kung may ganun ngang nangyari dahil sumaglit lang si Katrina.

Pangalawa, inusisa namin yung tungkol sa totohanang pagsampal ni Katrina sa female lead ng serye.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ayon pa rin sa pangatlong source, may instruction talaga si Direk Dominic Zapata sa dalawa na hindi tatama ang kamay ni Katrina sa pisngi ni Marian.

Pero tila nadala si Katrina sa eksena dahil sinampal niya talaga si Marian.

Dito napansin ng pangatlong source na "malaki na ang pinagbago" ng huli, nakita raw kasi niya itong nagpigil at nagpunta na lang sa kanyang dressing room.

Dagdag pa ng source na ito, nakapag-usap na raw at nagkaayos ang dalawa noong araw ding iyon.

Kaya maging siya ay nagulat sa mga sinabi ni Katrina sa Twitter noong Biyernes, April 13.

Pero naiintindihan din daw ng mga tao sa set kung lately ay mas nagiging sensitive ang aktres dahil siya nga ay buntis.

POPOY CARITATIVO’S STATEMENT. Samantala, pinili ni Marian na huwag na lang sagutin ang mga tweets ni Katrina.

Sinabihan na raw kasi ng management si Marian na huwag na lang patulan o sagutin ang kanyang co-star.

Bagkus, ang kanyang talent manager na si Popoy Caritativo ang nagpadala ng maikling pahayag sa pamamagitan ng text bago ito lumipad patungong U.S.:

"As far as Marian is concerned, masaya ang environment sa taping. If Katrina is always in a bad mood because of her pregnancy at ayaw niyang nakikita ang director, any of the staff or co-stars niya, and she wants to quit the show, she should just talk to management about it like any professional actor would do."

Sinubukan ding kunan ng pahayag ng PEP ang talent manager ni Katrina na si Rommel Gacho, subalit wala pa itong sagot.

Mananatiling bukas ang PEP sa anumang nais sabihin ng mga taong sangkot sa isyung ito.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN