Marian Rivera airs side on reported feud with Katrina Halili: "Ang punto ko talaga, pinaglilihian niya ako.”

“Tutal ako naman yung nakakaintindi, ako naman yung mas malawak ang pag-iisip sa ngayon, e, ako na lang ang iintindi dahil ang daming nangyayari sa buhay ko na magaganda para patulan ko ang wala namang isyu talaga," says Marian Rivera about Katrina Halili’s tweets that may pertain to her.


Pagkatapos lumabas dito sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) ang diumano’y muling namumuong alitan sa pagitan ng My Beloved co-stars na sina Marian Rivera at Katrina Halili, nagbigay na ng pahayag si Marian tungkol sa isyu.

“To be honest, maayos ako sa taping, nagtatrabaho ako nang maayos.

“Masaya kami ng staff and crew and especially ng direktor [Dominic Zapata] namin diyan.

“Ako, lumalapit ako kay Katrina para mag-hi sa kanya. Wala naman akong nakikitang… wala, masaya lang ako sa taping.

“Like tomorrow [April 18], magkikita kaming dalawa, so wala akong nakikitang masama na lumapit ulit ako sa kanya at mag-hi ako sa kanya,” saad ni Marian.

Nakausap ng PEP at ng iba pang press si Marian sa shoot ng music video ng singing group na Down To Mars, kung saan special guest ang Kapuso Primetime Queen. Naganap ito sa Revolver Studios sa Makati City kagabi, Abril 17.

Nagsimula ang isyu sa sunud-sunod na tweets ni Katrina sa Twitter tungkol sa isang taong “nai-insecure pa din” daw sa kanya.

(CLICK HERE to read related story.)

Sinabi pa niyang “alam mo na 5yrs ago. Nangyari na to” pero hanggang ngayon daw ay “hate” pa rin siya nito.

Buntis si Katrina ngayon sa kanilang anak ng boyfriend niya at singer na si Kris Lawrence.

Pati nga ang kundisyon niya ngayon ay isinama pa ni Katrina sa kanyang tweet na: “Naguguluhan Lang kasi talaga ako Sino ba ang buntis samen. Sya? O ako?”

Bagamat hindi nagbanggit ng pangalan si Katrina, may mga insidente at detalye sa kanyang tweets na tumutukoy kay Marian.

Gaya na lang ng “alam mo na 5yrs ago. Nangyari na to”—na kung matatandaan ay panahon kung kailan ipinalabas ang Marimar, na unang pinagsamahan ng dalawang aktres.

Nabalita noon ang pagkakaroon ng alitan ng dalawa, pero naayos din nang magtapos ang show nila.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Pero ngayon nga ay tila nauulit daw ito.

Noong una ay pinili ni Marian na huwag nang sagutin ang tweets ni Katrina at manahimik na lang tungkol sa isyu. Tanging ang manager ni Marian na si Popoy Caritativo ang nagbigay ng pahayag sa PEP sa pamamagitan ng text.

Ayon kay Popoy: "As far as Marian is concerned, masaya ang environment sa taping. If Katrina is always in a bad mood because of her pregnancy at ayaw niyang nakikita ang director, any of the staff or co-stars niya, and she wants to quit the show, she should just talk to management about it like any professional actor would do."

(CLICK HERE to read related story.)

“PINAGLILIHIAN NIYA AKO.” Dahil lumalaki na nga ang isyu ay minabuti na rin ni Marian na sagutin ito at ibigay ang kanyang panig.

Agad na itinanong ng PEP kay Marian kung totoo bang may conflict sa kanila ngayon ni Katrina, lalo na set ng My Beloved.

“Wala naman,” sagot niya.

“Naisip ko lang, siguro mahirap talagang magdalang-tao, mahirap magbuntis—which is hindi ko pa nararanasan.

“Siguro ang parang point ko na lang, intindihin na lang natin siya.

“Dahil kahit siya mismo, sinasabi niya na nahihirapan siya sa pagbubuntis niya.

“At ang talagang… ang punto ko talaga, pinaglilihian niya ako.”

Ano ang reaksiyon niya kung sakaling totoong pinaglilihian siya ni Katrina?

“Ay, ‘Day, ang ganda ng anak mo, ako ang ka-fez [face]!” biro ni Marian.

Ano naman ang masasabi niya na madalas daw “mainit ang ulo” ni Katrina sa set?

“Feeling ko, kung mainit ang ulo niya sa staff and crew, kung mainit ang ulo niya sa akin, siguro parte iyon [ng kanyang pagbubuntis].

“Siguro hayaan na lang natin na maging sensitive siya. Mahirap siguro talagang magbuntis.

“At naisip ko, talagang pinaglilihian niya ako,” saad ni Marian.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Hindi ba siya inaantok sa set, na kadalasang epekto raw sa mga taong pinaglilihian?

“Ay hindi, energetic ako, e. Hindi ako puwedeng tablan dahil lahat ng eksena, ako.”

May masasabi ba siya sa tweets ni Katrina?

“Siguro kung may nasasabi man siya sa Twitter niya or anything, hayaan na lang natin. Ayoko na rin kasing patulan.

“At saka ang sarap-sarap sa trabaho, kasama ko si Dong [Dingdong Dantes, Marian’s boyfriend].

“Mabait ang direktor ko, yung EP [executive producer] ang bait sa akin.

“’Tapos yung mga co-star ko sina Jennica [Garcia], Saab Magalona, Sharmaine [Arnaiz]… naging close ko lahat.”

Papayag ba siyang maging ninang ng baby ni Katrina kung sakaling kunin siya?

“Why not? Kung gusto niya, go!” bulalas ni Marian.

KATRINA IS STILL PART OF MY BELOVED. Nilinaw rin ni Marian na tuluy-tuloy pa rin ang karakter na ginagampanan ni Katrina sa kanilang primetime series sa GMA-7—sa kabila ng kagustuhan daw ni Katrina na “mamatay” na ang kanyang karakter sa show.

Bilang Emmy, si Katrina ang kontrabida sa pag-iibigan nina Sharina (Marian) at Benjie/Arlan (Dingdong Dantes).

Saad ni Marian, “Oo naman, tuluy-tuloy pa rin siya [Katrina].

“Kasi sayang din yung character niya dun, kasi siya naman talaga yung main kontrabida ko, ‘tapos mawawala.

“Ang alam ko, mae-extend pa nga kami. Pero hindi ko pa sure kasi sa kundisyon nga niya kung kakayanin pa niya.

“Siyempre mahirap ding pilitin kasi mamaya mag-suffer yung baby, huwag na lang.

“Pero hanggang kaya niya, e, di mag-taping siya.”

Totoo bang pinagharap na raw silang dalawa noong isang araw (April 16)?

“No, dapat today [April 17] kasi para ma-settle lang lahat and everything para yung mga issues na, ‘Hay, ‘Day, sawang-sawa na ako. Huwag na.’

“Tomorrow [April 18], magkikita kaming dalawa at sisiguraduhin ko na magiging maayos ang pagtatrabaho ko kasi I love my job naman talaga.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Hindi ko hahayaan na maliit na bagay lang, e, palalakihin pa.

“Ako na mismo ang magpapasensiya na lang at iintindihin natin siya sa kundisyon niya.

“Siguro mas okay yung ganun,” pahayag ni Marian.

Hindi raw alam ni Marian na buntis na pala si Katrina noong magsimula silang mag-taping para sa My Beloved. Hindi rin daw marami ang mga eksena nila na magkasama kaya nagtaka siya nang may lumabas na isyu sa kanila.

Aniya, “Kasi sa pagsasama po namin sa taping, sa isang araw, dalawang eksena, isang eksena, go-ra [alis] na ang lola mo.

“Kaya nga sabi ko, ‘Ha?! Anong isyu ‘yan?’

“’Tapos ayan na, pumutok na ang PEP, pumutok ang Twitter.

“Sabi ko, okay lang. Lalabas din naman kung ano ang totoo, e.”

Ayaw namang magkomento ni Marian tungkol sa isyu ng diumano’y pagtatalukbong ni Katrina nang magpapaalam na si Marian at totohanang sampal daw ni Katrina sa kanya sa isang eksena.

(CLICK HERE to read related story.)

Ang tanging nasabi na lang ni Marian: “Tutal ako naman yung nakakaintindi, ako naman yung mas malawak ang pag-iisip sa ngayon, e, ako na lang ang iintindi dahil ang daming nangyayari sa buhay ko na magaganda para patulan ko ang wala namang isyu talaga.”

Ano naman ang sabi ng boyfriend at My Beloved leading man niyang si Dingdong Dantes sa isyu sa kanila ni Katrina?

“Si Dong na lang ang tanungin n’yo,” sagot ni Marian.

Samantala, mananatiling bukas ang PEP sa panig ni Katrina kaugnay ng isyung ito sa kanila ni Marian.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN