Marian Rivera on giving support to co-star Roderick Paulate: "Magpi-pray na lang na maayos lahat para sa kanya. Ang hirap kaya ng may problema!"

Marian Rivera on being a comedienne: "Hindi na mawawala sa buhay ko ang pagiging komedyante kasi ‘eto ako sa totoong buhay. Kapag ginagawa ko siya, nae-enjoy ko at dahil sa taping na ito, mas nahahasa pa akong maging komedyante talaga at maging kalog sa mga kaibigan ko, pamilya ko... na parang okay."


Dumalaw ang PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) sa taping ng Tweets For My Sweet kahapon, July 10, sa Music Hall ng SM Mall of Asia sa Pasay City.

Sa eksenang kukunan ng araw na yun ay sumali sa cooking competition ang papel na ginagampanan ng bidang si Marian Rivera, si Meg.

Nalaman namin mula sa co-star niyang si Chef Boy Logro, na gumaganap bilang multong lolo ni Marian, na plano raw ng Kapuso primetime queen na mag-aral ng culinary sa kanya.

Tipong home0study style nga lang dahil sa pagiging busy ni Marian. Pero pagkatapos ng six months ay meron na raw itong diploma.

Kinumpirma naman ito ni Marian sa PEP nang makausap na namin siya.

“Kung magagawa ko lahat,” nakangiti niyang sabi nang tanungin tungkol dito.

Pero hindi naman masabi ni Marian kung kailan niya ito sisimulan.

“Hindi ko alam. Palagi namang ganyan.

“Pero malay mo naman, may pagkakataon, kasi hindi biro ang six months na pag-aaral.”

Consistent naman si Marian na lahat gusto niyang pag-aralan pagdating sa pagluluto. At kung may oras, gusto pa rin daw niya na sa culinary school talaga siya papasok.

“Siyempre, gusto ko ng papasok sa school. Yung nakikipagsapalaran.

“Yung may idea na, ‘Ay, ganyan pala ‘yan. Yung may matututunan din ako at makikita sa mga nakikita ko.

“Kasi kung ako lang, ako lang yun.”

Inamin ni Chef Boy sa PEP na noong una siyang mag-taping para sa Tweets For My Sweet ay kabado siya. Pero nawala raw ito nang nalamang mabait pala si Marian, na katulad niya ay taga-Cavite rin.

Ano ang masasabi ni Marian dito na tila iba ang impression sa kanya sa una?

“Oo nga, lahat naman sila, ewan ko kung bakit!” natatawang sabi niya. “Pati si Barbie [Forteza].

“Pero siguro, baka dahil malakas lang ang personality ko. Naririnig nila or whatever.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Siguro, wala lang, tahimik lang ako. Tsismisan lang tayong dalawa.

“Pero ano lang yun, half-day lang yata siya [Chef Boy] nangapa. After no’n, dire-diretso na kami, e.”

Natutuwa rin si Chef Boy dahil kahit off-cam, “lolo” raw ang tawag ni Marian sa kanya.

Nakangitinging sabi naman ni Marian, “Oo, nasanay na akong Lolo Boy ang tawag ko sa kanya.

“Nakakatuwa dahil unexpected din. Napapanood ko ang mabilis niyang pagluluto.

“E, siyempre, kapag nagluluto ka, ina-idolize mo ang magagaling magluto.

“So, yun, isa siya sa gusto ko talaga.”

ANOTHER FAMILY. Tungkol naman sa sitcom nilang Tweets For My Sweet, masaya raw si Marian na mapabilang dito.

Ayon kay Marian, “Parang masasabi ko na, after all, ito ang isa kong pamilya ulit.

“Na lahat ng tao, kilala ka. Hindi ka idya-judge. Mamahalin ka nila. Yayakapin ka nila. Iintindihin ka nila.

“So, parang before na Show Me Da Manny, parang ngayon, pareho. Na yung bonding namin, parang magkakapatid.

“Parang nanay ko talaga si Tita Nova [Villa]. ‘Tapos, parang kuya-kuyahan ko talaga si Kuya Dick [Roderick Paulate].

“Si Sheena [Halili], parang nagiging best friend ko rito. Kasi, kapag off-cam, may mga girl talk kaming dalawa, bonding kami.

“Ang saya lang na hindi trabaho.”

Malaking bagay rin daw na ang kabatuhan niya ng linya ay magagaling na komedyante talaga, ’tulad nga nina Nova at Roderick.

Sabi ni Marian, “Wala na talaga. Hindi na mawawala sa buhay ko ang pagiging komedyante kasi ‘eto ako sa totoong buhay.

“Kapag ginagawa ko siya, nae-enjoy ko at dahil sa taping na ito, mas nahahasa pa akong maging komedyante talaga at maging kalog sa mga kaibigan ko, pamilya ko... na parang okay.

"Sa buhay mo talaga, sa taping na ito, marami kang matututunan na, ‘Ay, may punchline akong nagawa,’ na hindi mo ie-expect na kusang lalabas sa bibig mo.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

RODERICK’S CONTROVERSY. Wala kahapon sa taping si Roderick, na may kinahaharap na kontrobersiya ngayon.

Sinuspinde ng Ombudsman ang aktor bilang konsehal ng Quezon City sa loob ng anim na buwan, nang walang suweldo, dahil sa pagkakaroon diumano ng ghost employees.

(CLICK HERE to read related story.)

Ano ang reaksiyon ni Marian sa kinasasangkutang kontrobersiya ng kanyang co-star?

“Siguro diyan sa bagay na ‘yan, ang masasabi ko lang, oo, may na-open siya sa akin. May napagkuwentuhan kami.

“Pero siguro, pang-amin na lang muna. Kasi, masyadong sensitibo para pag-usapan.

“At saka, wala rin ako sa posisyon para sabihin ko yung side niya.

“Kasi, bilang hindi siya ordinaryong artista, may katungkulan siya, mabigat, e.”

Paano niya ipinapakita ang suporta niya rito?

“Ay, nagti-text-an kami. Nag-uusap kami kaya alam ko ang mga bagay-bagay.

“Siyempre, ang mga problema, nagdaraan ‘yan, pero lilipas din naman.

“So, magpi-pray na lang na maayos lahat para sa kanya. Ang hirap kaya ng may problema!

“Kaya niya ‘yan,” saad ni Marian.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN