Nora Aunor on possible double win in MMFF: “First time nga akong sakali na manalo akong best supporting actress… kaya mas excited yata ako doon.”

Dalawang pelikula ni Nora Aunor ang kalahok sa 2012 Metro Manila Film Festival—ang Thy Womb ni Brillante Mendoza at El Presidente ni Mark Meily. Saang float siya sasakay sa Parade of Stars? Tugon ng Superstar, “Naintindihan na at naipaliwanag na kay Governor ER na sa Thy Womb ako sasakay. Dahil ang Thy Womb kasi, talagang… sa akin yung movie."


Nagwaging Best Drama Actress sa 26th PMPC Star Awards for TV ang Superstar na si Nora Aunor para sa kanyang pagganap sa mini-serye ng TV5 na Sa Ngalan Ng Ina.

Naka-tie ni Nora sa parangal na ito ang beteranang aktres na si Helen Gamboa para sa Walang Hanggan ng ABS-CBN.

Ginanap ang awarding ceremonies kagabi, November 18, sa Henry Lee Irwin Theater ng Ateneo de Manila University.

(CLICK HERE to read related story.)



EMOTIONAL. Naging emosyunal si Nora sa kanyang acceptance speech matapos niyang manalo.

Hindi niya napigilang maluha dahil naalala niya ang yumaong si Mario O‘Hara, na siyang nagdirek ng Sa Ngalan Ng Ina.

Ang mini-seryeng ito ang unang TV project ni Nora nang magbalik siya sa Pilipinas noong isang taon, at huling proyekto naman ni Direk Mario bago siya bawian ng buhay noong June 26, 2012.

Wika ng Superstar, “Parang nakikita ko yung mukha ni Direk [Mario], e. Hanggang ngayon, nararamdaman ko pa rin ang presence niya.”

Sa panayam naman ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) kay Nora, pagkatapos ng awards night, labis daw niyang ikinatutuwa ang kanyang pagbabalik sa bansa matapos manirahan sa Amerika ng walong taon.

Naging aktibo na naman kasi siya sa pag-arte at buo pa rin ang suporta ng napakaraming nagmamahal sa kanya.

Saad niya, “’Yan ang isa pang ipinagpapasalamat ko… na magpahanggang ngayon, hindi talaga ako pinapabayaan, lalo ng mga fans.”

MAINSTAY. Sa ngayon, gabi-gabing napapanood si Nora sa kanyang special role sa fantasy series ng Kapatid network na Enchanted Garden.

Ano ang susunod niyang projects pagkatapos nito?

“Merong niluluto ang TV5. Pero sa January na ito siguro—isang mini-serye ulit para sa akin.”

Ayaw muna raw niyang magbanggit ng anumang detalye tungkol dito hangga’t hindi pa napa-finalize ang lahat.

Pero excited na raw siyang makapagsimula ng taping para rito.



TWIN ENTRIES. Pagdating naman sa pelikula, excited daw si Nora na dalawa ang entries niya sa 2012 Metro Manila Film Festival—ang Thy Womb at El Presidente.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ang Thy Womb ay idinirek ni Brillante Mendoza at nag-premiere na sa Venice International Film Festival ngayong taon.

Kasama ni Nora rito sina Bembol Roco, Mercedes Cabral, at Lovi Poe.

Sa El Presidente naman ay gumaganap siya bilang ikalawang asawa ni Emilio Aguinaldo, na ginagampanan ni Governor ER Ejercito.

Mula ito sa direksiyon ni Mark Meily.

Banggit ni Nora, “May isang araw pa kaming shooting sa El Presidente… kukunan yung eksena ng pagkamatay ko.”

Sinasabing hindi malayong maging doble ang nominasyon at mapanalunang award ni Nora sa MMFF ngayong taon: Best Actress para sa Thy Womb at Best Supporting Actress para sa El Presidente.

First time na mangyayari ito kay Nora kung saka-sakali.

“Hindi natin masasabi. Suwertihan lang naman yun dahil maraming magagaling na mga artista.

“Pero yung pagiging best supporting actress, excited ako doon!” sabay tawa niya.

Dagdag ni Nora, “Kasi first time nga kung sakali na manalo akong best supporting actress… kaya mas excited yata ako doon.”



PARADE OF STARS. Sa gaganaping Parade of Stars ng MMFF sa December 24, saang float siya sasakay—sa float ng Thy Womb o sa float ng El Presidente?

Sagot ni Nora, “Naintindihan na at naipaliwanag na kay Governor ER na sa Thy Womb ako sasakay.

“Dahil ang Thy Womb kasi, talagang… sa akin yung movie.

“Guest naman ako do’n sa kabila. Pero mahalagang papel din ang ginagampanan ko doon sa El Presidente.”



KISSING SCENE. Sa ipinapakitang trailer ng El Presidente, kasali yung eksena ng kasal nila ni Governor ER, kung saan may kissing scene sila.

“Oo nga, e!” tawa ni Nora.

Ano ang pakiramdam niya noong kinunan ang scene na iyon?

“Ay, dyusko! Kapatid ko talaga ‘yang si Gov!” tawa na naman niya.

Na-tense o kinabahan ba siya?

“Hindi. Parang ano lang naman yun, e, dampi lang... parang ganoon lang.”



MUTUAL. Pagkatapos ng dalawang pelikula niya sa MMFF, may pelikula rin siyang gagawin, kasama naman si Coco Martin.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Sabi ni Nora, “Next year po. Iyon po ang nabanggit sa akin ni Direk Brilliante [Mendoza].”

May pahayag kamakailan si Coco na excited siyang makatrabaho sa kauna-unahang pagkakataon ang nag-iisang Superstar.

“Ako din! Ako din!” nakangiting sabi ni Nora nang hingan namin ng reaksiyon.

“Matagal ko na ring gustong makasama si Coco sa isang movie.

“Pati yung mga fans, hinihiling talaga siya na makasama ko.”

PLANS THIS HOLIDAY. Palapit na ang Holiday Season. Ano ang mga plano ni Nora for Christmas?

Sagot ni Nora, “Marami akong iniisip. Pero kailangang pag-usapan muna... pag-usapan at pag-isipang mabuti. Malalaman ninyo rin kaagad iyon.”

Dito lang siya sa Pilipinas magpa-Pasko?

“Opo. Dito lang po ako.

“Pero sa January, kailangan kong bumalik ng States dahil doon sa green card.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN