Mommy Dionisia castigates son Manny Pacquiao for not wearing rosary during his fight against Juan Manuel Marquez

Sa national television ay diretsahang kinastigo ni Mommy Dionisia Pacquiao ang anak nitong si Manny Pacquiao sa hindi pagsusuot ng rosaryo sa katatapos na laban nito kay Juan Manuel Marquez. "Bakit iniwan mo ito?" tanong ni Mommy Dionisia sa anak.


Live from Las Vegas, Nevada ay ininterbyu ng ABS-CBN daily morning program na Umagang Kay Ganda ang Pambansang Kamao na si Manny Pacquiao at ang asawa nitong si Jinkee Pacquiao kaninang umaga, December 10.

Ang tungkol sa naging laban ni Manny kay Juan Manuel Marquez ang paksa ng panayam, partikular na ang tungkol sa mga nangyari at ang saloobin ng mag-asawa tungkol sa pagkatalo ni Manny laban sa Mexican boxer.

(CLICK HERE to read related story.)

Sa kalagitnaan ng panayam, diretsahang tinanong ng UKG news anchor na si Alex Santos kung nagkaroon ba ng misa bago ang laban ni Manny.

Ang isinagot ni Manny, na isa nang Born Again Christian ngayon, ay nagkaroon daw ng service sa kuwarto niya bago ang laban.

Ang sumunod na itinanong ni Alex kay Manny ay kung bakit wala siyang suot na rosaryo during the fight.

Binanggit pa ni Alex na iyon din daw ang tanong ng ina ni Manny na si Mommy Dionisia Pacquiao.

Ang sagot ni Manny ay mag-uusap na lang daw silang mag-ina pag-uwi niya ng Pilipinas.

Dito na sinabi ni Alex na pagkakataon na nilang mag-usap na mag-ina dahil naka-remote telecast nang live mula General Santos City si Mommy Dionisia.

Dire-diretso at emosyunal na naglitanya si Mommy Dionisia kay Manny.

"Bakit iniwan mo ito?" sabi ni Mommy Dionisia sabay hawak sa rosaryong suot nito sa leeg.

Umiiyak na sinabi pa ni Mommy Dionisia na siya raw, kahit kailan, ay hindi kinalimutan ang pagsusuot ng rosaryo.

Dahil sa matibay na pananampalataya niya sa Diyos ay nalampasan daw niya ang lahat ng pagsubok.

Na sina Manny raw ay pinalaki niya sa pananampalataya sa Panginoon.

Paulit-ulit na tinanong ni Mommy Dionisia ang anak kung bakit hindi nito isinuot ang rosaryo during his fight, na karaniwan niyang ginagawa sa mga nakaraan niyang laban.

Marami din daw nagtatanong kay Mommy Dionisia tungkol dito.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Halatang nabigla ang Pambansang Kamao sa naging takbo ng mga pangyayari. Hindi niya inaasahan na live on national TV ay magkakaharap silang mag-ina tungkol sa isyu ng relihiyon.

Ang naging sagot na lamang ni Manny sa ina ay ito: "Huwag na lang kayong mag-comment sa mga tao. Sa atin na lang ito at wala na dapat nakikisali. Mag-usap na lang tayong dalawa pag uwi ko."

Napahinuhod naman si Mommy Dionisia at wala nang iba pang sinabi kundi "Okay."

Sa mga naunang panayam ni Mommy Dionisia ay sinisisi nito ang mga "pastor" na nakapalibot ngayon kay Manny.

Sabi ng ina ni Manny, “Humanda ang pastor, kung makatulong kayo sa aking anak ngayong laban niyang ito, ‘yan na yung aking inaantay mula sa inyo.

“Nananahimik ang aking anak dito sa GenSan, pinuntahan n’yo pa at ano ba yung himala na sinasabi n’yo?”

Paulit-ulit ding sinasabi ni Mommy Dionisia na ayaw na niyang lumaban muli si Manny. Mas mabuti raw kung mag-focus na lang ito sa kanyang pamilya at sa pulitika.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN