Angelica Panganiban says ex-boyfriend Derek Ramsay’s romantic image is far from his real-life persona

Ito raw ang pinakamalaking leksiyon na natutunan ni Angelica Panganiban sa relasyon nila ni Derek Ramsay: “Yun yung pinaka-lesson na natutunan ko na dapat pala, bago ka pumasok sa isang relasyon, buo ka, alam mo kung ano yung worth mo para alam mo kung hanggang saan ka lang, alam mo kung ano yung dapat mong matanggap.”


Halos isang taon pagkatapos ng breakup nila ni Derek Ramsay, idinetalye ng aktres na si Angelica Panganiban ang naging kinahinatnan ng relasyon nila ng aktor sa cover story ng Star Studio sa April 2013 issue nito.

Sa bahagi ng kanyang lovelife, tinalakay ang relasyon ng 26-yearold actress sa tatlong aktor: Carlo Aquino (“The Puppy Love”), Derek Ramsay (“The Controversial Love”), at John Lloyd Cruz (The Surprise Love).

Ngunit mas pinagtuunan ng pansin ang detalye sa breakup ng aktres kay Derek.



THE CONTROVERSIAL LOVE. Ayon sa artikulo, September 2006 naging official ang relasyon nina Angelica at Derek.

Sikreto man noong una, naging public ito noong November 7, 2006 sa birthday ng ABS-CBN executive na si Deo Edrinal.

Noong kasagsagan ng pag-ere ng Ysabella, ang soap opera na pinagsamahan nilang tatlo ni Derek at Judy Ann Santos, ikinuwento ni Angelica na niyaya siya ng boyfriend na tumira sa iisang bahay—sa madaling-salita ay magli-live in na sila.

Atubili man, pumayag daw si Angelica dahil sa sobrang pagmamahal kay Derek.

Sabi raw niya sa kanyang sarili, “Gagawin ko lahat, ‘wag mo lang akong hiwalayan.”

Tinulungan pa raw si Angelica ng kanyang inang si Annabelle na ayusin ang bahay noong araw na siya ay lumipat dito, dahil may trabaho si Derek noon.

Aniya, “Naalala ko nung first night ko dun sa house namin… iyak ako nang iyak. Tapos nagdadasal ako, ‘Tama ba ‘tong ginagawa ko?’”

Noong una, okay naman daw ang kanilang pagsasama—tahimik at masaya—sa kanilang pugad ng pagmamahalan.

Habang tumatagal, naipakita raw nila sa lahat na “perfect couple” sila.

Nagkatrabaho pa nga sila sa isang pelikula noong 2009 ng Star Cinema, ang I Love You, Goodbye.



ANGELICA STOOD BY DEREK. Kahit daw sa mga kontrobersiyang pinagdaanan ni Derek, patuloy na sinusuportahan ni Angel ang kasintahan—kahit ano pang batikos ang natatanggap nito.

Kuwento ng aktres, “Kahit sinong artista, in love o hindi, parang yun dapat yung i-project mo na okay lahat.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Until one day, ma-reach yung point sa buhay nila na, ‘Ay nabaliw na. Hindi na nakaya.’”

Inamin naman ni Angelica mahal na mahal talaga niya si Derek.

Dagdag pa niya, “Yung relasyon namin, pag nakasuot ka ng pink, at sinabi niyang black ‘yan, mapapaniwala niya ‘kong black ‘yan. Ganun. Ganun ako [nabaliw] sa kanya.”



“ANG PAMBANSANG LEADING MAN.” Marami ang nagsabing sa altar na patungo ang kanilang relasyon, ngunit may naging pagbabago sa career ni Derek.

Naging sobrang in demand ito at lalong sumikat. Naging abala ito sa kanyang mga endorsements at movie projects.

Sa kanyang TV interviews, marami ang pumupuri kay Derek dahil sa talino nito at sa obserbasyon ng karamihan na may magandang “breeding” ang aktor.

Sa mga palabas nito sa telebisyon at pelikula, seductive ang dating nito at talagang nang-aakit kaya naman nabansagan itong “Ang Pambansang Leading Man.”

Pero ayon kay Angelica, malayo sa ipinakita ni Derek sa TV ang pagiging romantic nito sa personal—“cold and distant, a perfect example of the alpha-male.”

Sabi pa ng aktres, “Hindi siya clingy, hindi siya malambing, hindi siya mayakap.

“Kapag ginawa niya yun, kapag grinab niya yung kamay mo, pag nakipag-holding hands siya, ay, grabe talaga, ‘Ano yung ginawa ko?’ Gano’n yung pakiramdam ko.”



ISSUE 1: CONTROLLING BOYFRIEND? Kahit daw “outspoken” ang image na ipinakita ni Angelica sa publiko, hinayaan naman daw niya ang sarili niyang “kontrolin” dahil sa isip niya ay baka ito ay bahagi ng sinasabi nilang pag-ibig.

Lahad niya, “Laging parang may matang [nakakatitig sa akin], lagi parang may sumusutsot sa akin na ‘Ano ‘yan,’ parang laging may ganun.

“Pero siyempre, at that time, nung in love ako, ay, talagang kilig ako, talagang tutok.

"Hindi ko alam nakakasakal na pala siya.”

Dagdag pa ni Angelica, kapag nagpapaalam daw siya na mamasyal kasama ang mga kaibigan o may gagawin lang na errand, hindi raw agad sasagot si Derek ng ‘No,’ pero alam daw niyang may isyu.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Pero alam mong may issue, alam mong problema to ‘pag nagkita kayo.

“Lagi akong may takot pag nandiyan siya, kakabahan ako na baka may magawa akong mali.”



ISSUE 2: NOT SUPPORTIVE BOYFRIEND? Dumating naman ang pansariling problema ni Angelica noong early part ng 2011 nang nalaman niyang ampon lang siya.

Lumapit daw siya sa nobyo “wanting to be comforted, assured, guided.” Pero “cold shoulder” daw ang tugon ni Derek sa kanya.

Sabi ni Angelica, “Pagpunta ko sa kanya, iyak ako nang iyak. Nagalit siya kasi tulog na siya.

“Tinray naman niya na damayan ako pero hindi niya talaga kaya.”

Noong napag-usapan na raw nila ang tungkol sa balak niyang paghahanap ng kanyang biological father, sabi raw ni Derek sa kanya na pansamantala muna silang maghiwalay.

Dagdag pa ni Angelica, “Parang sanay siya na inaasikaso siya; hindi siya sanay na kailangan niya ‘kong asikasuhin this time.

“Nag-decide siya na parang baka mas makakatulong kung ayusin ko muna yung sarili ko.

“Parang tinake ko yun na, ‘Ano yun, nalaman ko na adopted ako, hiniwalayan mo pa ako, parang lalo akong mag-isa?’

“Paano ko aayusin yung sarili ko, di ba?”

Dito na raw parang natauhan si Angelica.

“Kung nagawa mo ‘kong hiwalayan dahil may malaki akong pinagdadaanan noon, paano pa kaya na nadaanan ko yun, kinaya ko yun mag-isa na wala ka? Paano pa kaya na okay na ako nung nawala ka? Baka mas okay pa ko kasi hindi na kita poproblemahin.”



ISSUE 3: DEREK’S MARRIAGE? Noong ika-apat na taon ng kanilang relasyon ni Derek, naging hindi na raw maganda ang kanilang pagsasama.

Kaya raw nagpahanap na si Angelica ng bahay sa kanyang ina para malipatan.

Nasa isip daw kasi niyang para maipagpatuloy nila ang kanilang relasyon, dapat daw maharap nila ang realidad na mamuhay nang hiwalay.

Sabi ni Angelica, “Kung ituloy namin yung relasyon, hindi ko na kayang kasama pa siya.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Pero isang bagay naman ang nakaambang pumutok—ang balitang diumano ay kasal na si Derek sa isang Christine Jolly noong April 3, 2002.

Ito ang laman ng balita ni Ginger Conejero sa TV Patrol noong July 29, 2011 kung saan isang Mayor Reinaldo Castro ang diumano’y nag-officiate ng kasalan.

Hindi kinumpirma o pinabulaanan ni Derek ang balitang ito at ang sagot niya noon kay Ginger: “For me, just like all the intrigues that happen every month, I’m gonna focus on my work, and for those who have been supportive, I want to say, ‘Thank you’ and let you know that she [Angelica] stands by me and our relationship is very strong.”

Sabi naman ni Angelica, “Siyempre gusto naming harapin na masaya, di ba? So tina-try namin ang best namin na labanan ito.”

Pero ayon kay Angelica, yung diumano’y balitang kasal na si Derek ay isa ring issue na dapat harapin pero hindi ito dahilan upang maghiwalay sila.

Pero hindi raw niya lubos maisip na ang lalaking gusto niyang pakasalan ay hindi na maaaring maikasal pa.

Naisip daw niya noon na, “Oh, my God, ginawa mo akong kabit.”

Mula daw noon, hindi na ganun ang kanilang samahan. Nagkakaroon na lagi ng away, ng mga “hurtful accusations.”

Pero parang dito na raw siya natauhan.

Aniya, “Hindi ko na iniisip yung sinasabi ko, hindi ko na pinipili yung sinasabi ko, hindi ko na naiingatan yung naramdaman ko kasi wala na, ubos na, ubos na.”



THE FEBRUARY 2013 BREAKUP. Lumabas na rito sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) ang senaryo ng hiwalayan nina Angelica at Derek last February 2012 sa pamamagitan ng telepono.

Kasalukuyang sinu-shoot ni Angelica noon ang pelikulang Every Breath U Take kasama si Piolo Pascual.

(CLICK HERE to read related story.)

Pagkatapos niyang makaalis sa bahay na tinirhan nila ni Derek ng halos limang taon, bumili daw kaagad si Angelica ng bahay makalipas ang dalawang araw.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Pero habang inaayos pa ito, tumira muna raw siya sa bahay ng ina.



IN DEFENSE OF DEREK. Pag-alala pa ng Apoy Sa Dagat star, ibinuhos niya ang kanyang panahon sa pag-aalaga sa aktor.

Aniya, “Nandun ako kahit anong oras pa ako sa taping, gigising ako para maghanda ng makakain niya… talagang kung anong kailangan niya, ibibigay ko.”

Pero depensa rin niya sa boyfriend of six years, wala naman daw itong kasalanan sa kung anumang pagmamahal at pag-aalaga niya rito.

“Wala kang kasalanan dito, wala kang atraso.

“Minahal ko ‘yon kung ano siya, na gano’n siya, na talagang kung anong kaya kong ibigay, ibibigay ko.

“Siguro mas more of a receiver siya kaysa giver. And tinanggap ko yun, in-embrace ko yun.”

Dagdag pa niya, “Kaya lang umabot ako sa point na sa mga binibigay ko, hindi ko naiwasang mag-expect.

“Kahit anong iwas ko na may ibibigay ka, siguro naman iniisip ko na, ‘Ay, baka naman pag ginawa ko ‘to, magiging ganito na yung relationship namin.’

“Kaso lang, hindi talaga.

“Kaya sabi ko, ‘Wag mong sisihin yung sarili mo sa nangyari sa akin. Mas ibe-blame ko yung sarili ko kasi hinayaan kong mangyari ito na magkulang ako sa sarili ko, na binigay ko lahat, walang natira.’

“Ganoon ako, e. Once na na-challenge ako, hindi ko titigilan talaga. Hanggang sa naubos ako.

“Yun yung pinaka-lesson na natutunan ko na dapat pala, bago ka pumasok sa isang relasyon, buo ka, alam mo kung ano yung worth mo para alam mo kung hanggang saan ka lang, alam mo kung ano yung dapat mong matanggap.”



NO COMMENT. Nang hingan naman ng PEP ng kanyang reaksiyon si Derek tungkol sa mga isiniwalat ni Angelica, ang tangi lang niyang nasabi ay, “No comment na ako diyan.”

Bukas pa rin ang PEP sa maaring dagdag pang pahayag Derek na kasalukuyang nasa Boracay.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN