“Napagod lang talaga ako pero ngayon, okay na kami.”
Ito ang pahayag ni Ynna Asistio nang kumustahin ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) ang estado ng relasyon nila ni Mark Herras.
Sabi kasi ni Mark sa isang hiwalay na panayam ay si Ynna na ang gusto niyang maging asawa.
Reaksiyon dito ni Ynna, “Talaga? Kahit naman ako, gusto ko siya na rin.
“Pero siyempre, bata pa naman ako. Siya, I think nasa marrying age na rin siya.
“Pero marami pa kami pareho na pangarap individually, para sa mga pamilya namin.
“So, I don’t think na very soon mangyayari yun—focus muna kami sa career at hindi naman kami nagmamadali.”
Si Ynna ay 21 years old, samantalang si Mark ay 26 na.
BUSY BOYFRIEND. Ngayon daw ay naintindihan na ni Ynna ang naging kawalan ng panahon sa kanya ng boyfriend of five years.
Wika niya, “Sobrang busy nga siya sa kanyang schedules.
“Mas naiintindihan ko na ngayon. Kailangan kong intindihin.
“Ang ginagawa ko na lang ngayon, gina-guide ko na lang siya... hindi na ako nakikipag-away sa kanya.
“Alam ko naman na hindi biro ang kanyang trabaho.
“Rehearsals sa Party Pilipinas, live show nito tuwing Linggo, tapos naghahabol pa siya ng taping sa Unforgettable.
“Bihira na siya umuwi dito sa Maynila kasi may house siya sa Laguna, tapos sa Batangas or Tagaytay pa ang taping nila.
“Tapos, Sunday nga yung Party P, so bihira na talaga kami magkita."
Dugtong pa ni Ynna, “Okay na sa akin yun, kasi trabaho yun, e.
“Text-text na lang kami, tawagan—yun madalas yun.
"Kaya, nakakapag-adjust na rin ako.”
BURNOUT. Itinuwid ni Ynna ang isyu na ang kawalan ng time ang dahilan kung bakit siya nakikipaghiwalay noon sa Bad Boy of the Dance Floor.
Ayon kay Ynna, “Actually, hindi naman yun ang talagang dahilan. Pero, doon nga naka-focus ang lumabas na isyu.
“Talagang napagod lang talaga ako. Actually, nag-tweet nga ako na hindi yun ang dahilan.
“Ang importante ay okay na kami.”
May pagbabago naman na ginawa si Mark para mapanatili ang kanilang relasyon, mas nag-e-effort na raw ito sa kanya.
Ani Ynna, “Ginagawa na naman yung dati niyang ginawa noon.
"Basta ako, support din lang ako sa kanya.
“Lalo na ngayon na nagbabalik at nagsisipag siya sa work, kailangan niya ang support ko.
“Masaya ako na pinatutunayan niyang mahal talaga niya ako.
“Limang taon na din kami, hindi naman joke yun.
“Pangako namin sa isa’t isa na pag pareho na kaming stable, kung sakaling mag-isip na magpakasal, yung masaya ang pamilya namin—para settled na, e.
“Unti-unti ay tinutupad na namin yun.”
HOLDING ON. Hindi na kaya ni Ynna na bitawan ang limang taon nilang relasyon.
Sabi ng Kapuso talent, “Siguro noong time na napagod ako, kaya kong sabihin yun.
“Pero kung sakaling binitawan ko siya noon halimbawa mga two weeks, hindi ko rin kakayanin.
“Natuwa din ako na talagang nag-effort siya.
“Na dumating na sa point na ang Daddy [Boy Asistio] na ang kausap ko, ang daddy ko na ang kausap niya.
“Parang eye-opener yung pag-uusap namin ng daddy ko... may point siya.”
Ano ba ang napag-usapan nila ng kanyang ama?
Kuwento ni Ynna, “Sinabi niya na, 'Kung talagang mahal mo, e, magtiis ka.'
“So, parang… after naming magkausap, parang naliwaganan ako... ang gaan na ng pakiramdam ko.
“Nawala yung bigat. Naka-smile na uli ako.”
MOM’S REACTION. Nasabi na ng ina ni Ynna na si Nadia Montenegro ang reaksiyon nito sa relasyon ng anak kay Mark nakaraang interview ng PEP.
(CLICK HERE to read related story.)
Ano naman ang masasabi ni Ynna sa naging pahayag ng kanyang ina?
Aniya, “E, siyempre, nanay yun... na-hurt.
“Pero dahil sa sobrang mahal ng pamilya ko si Mark, wala na. Parang dumaan na yung isyu.
“Para kaming bagong pamilya na naman, okay kaming lahat.”
Biniro namin sa kanya na iba kung mag-react ang mommy niya kasi lagi itong nagsisigaw.
Pero ayon kay Ynna, “Yung sa isyu kay Mark? Hindi, a. Hindi na siya nakialam.
“Yung sinasabing sigaw, sa amin yun. Kapag nagagalit siya, sumisigaw talaga ‘yan.
“Pero para sa amin naman, sa ikakabuti namin yun. Ganoon lang talaga si Mommy, pero mahal na mahal kami niyan.
“Like kanina, hetong papunta kami dito sa GMA, sumisigaw na naman siya sa sasakyan kasi nawawala ang isang pares ng hikaw niya.
“Ganoon naman ang mga nanay.”
